Maling nag-ulat ang Sonshine Media Network International (SMNI) News, ang news broadcasting arm ng televangelist na si Apollo Quiboloy, na si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay “pumasa” sa kanyang bachelor’s degree sa social studies sa University of Oxford sa United Kingdom.
Kinumpirma na ng unibersidad sa VERA Files Fact Check na hindi natapos ni Marcos ang kanyang programa, at sa halip ay ginawaran ng espesyal na diploma.
PAHAYAG
Noong Nob. 9, inilathala ng SMNI News sa opisyal na Youtube channel nito ang isang ulat ni news correspondent Brigitte Valencia, kung saan sinabi niya:
“Sa sertipikasyon ni BBM, nabigyan siya ng ‘pass’ na ibig sabihin ay nakapasa si Bongbong Marcos sa kanyang bachelor’s degree na social studies.”
Pinagmulan: SMNI News, LIVE: SMNI NewsBlast, Nob. 9, 2021, panoorin mula 2:31:04 hanggang 2:31:13
Sa Ingles na bersyon ng ulat, ganito rin ang sinabi ng reporter na si Rose Ann Samion:
“According to BBM’s certification, Bongbong Marcos received a ‘pass,’ indicating that he completed his bachelor’s degree in social studies.”
(Ayon sa sertipikasyon ni BBM, nakatanggap si Bongbong Marcos ng ‘pass,’ na nagpapahiwatig na natapos niya ang kanyang bachelor’s degree sa social studies.)
Pinagmulan: SMNI News, Newsline World, Nob. 9, 2021, panoorin mula 54:48 hanggang 54:58
Binanggit sa ulat ang liham ng kumpirmasyon ng Oxford degree na nagpapatunay sa espesyal na diploma ni Marcos sa social studies.
Ang Filipino na bersyon ng ulat ay na-upload sa TikTok ng isang netizen noong Nob. 10, at nakakuha ng higit sa 58,600 views mula noong Nob. 19. Ito ay muling inilathala ng Facebook page na TPL3 noong Nob. 12, na mula noon ay napanood nang higit sa 1.6 million beses at nakakuha ng mahigit 56,000 reactions, 6,000 comments at 27,000 shares.
ANG KATOTOHANAN
Kinumpirma ng University of Oxford sa isang email noong Okt. 27 sa VERA Files Fact Check na si Marcos ay “hindi nakatapos ng kanyang degree” sa Philosophy, Politics at Economics at nabigyan ng Special Diploma in Social Studies noong 1978.
Nilinaw ng pinuno ng komunikasyon ng Oxford University na si Stephen Rouse na ang espesyal na diploma, na hindi na inaalok ng unibersidad, ay “hindi isang full graduate diploma” at “walang naitalang link” sa pagitan ng dalawang sertipikasyon.
Sinabi ng abogadong si Victor Rodriguez, chief of staff ni Marcos, sa isang pahayag noong Okt. 23 na hindi kailanman “nagbigay ng maling impormasyon si Marcos tungkol sa kanyang edukasyon sa Oxford.” Ilang beses nang ginawa ni Marcos ang pagbibigay ng nakalilinlang na pahayag tungkol sa kanyang mga kredensyal sa unibersidad. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Bongbong Marcos spox mali sa pahayag na “hindi kailanman dinisimula” ni Marcos ang kanyang Oxford education)
Ang ulat ng SMNI News na may maling pahayag ay inilathala sa gitna ng panibagong pagdududa sa edukasyon ni Marcos sa Oxford. Ang mga mananaliksik mula sa Marcos Regime Research program ng University of the Philippines Diliman Third World Studies Center ay nagsulat ng mga in-depth report sa kanyang mga education attainment. (Tingnan The documents on Bongbong Marcos’ university education (Part 1 – Oxford University) at The documents on Bongbong Marcos’ university education (Part 2- Wharton School))
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Personal communication (Email), Oxford Head of University Communications, Oct. 27, 2021
SMNI News, LIVE: SMNI NewsBlast | November 9, 2021, Nov. 9, 2021
SMNI Livestream, Newsline World | November 9, 2021, Nov. 9, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)