Matapos ibasura ng committee on legislative franchise ng House of Representative ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa isang bagong 25-taong prangkisa, ilang mga mambabatas ang nagnanais pa imbestigahan ang blocktime na kasunduan ng network sa AMCARA Broadcasting Network.
Inakusahan ni Rep. Jesus Crispin Remulla ng Cavite ang AMCARA bilang isang “dummy” ng ABS-CBN Corp. at hiniling sa mga committee on good government na tingnan ang kasunduan sa pagitan ng dalawang network na, aniya, ay isang usufruct na ginamit ng network upang alipustain ang komite. Sumangayon si Rep. Mike Defensor ng ANAKALUSUGAN sa motion na imbestigahan ang AMCARA ng House committee on good government at public accountability.
Dagdag pa, isinulong ni Remulla na ang mga committee on good government at legislative franchises ay magpadala ng sulat sa National Bureau of Investigation (NBI) na humihiling ng isang pagsisiyasat sa kanyang inilarawan niyang posibleng panlilinlang ng resource persons tungkol sa kaugnayan ng AMCARA sa ABS-CBN.
Ang AMCARA ay isang TV broadcast company na majority-owned ng mga tagapagmana ni Arcadio M. Carandang, isa sa mga pioneer ng telebisyon sa Pilipinas na dating nagtatrabaho sa ABS-CBN. Matatagpuan ang opisina nito sa loob ng ABS-CBN compound sa Quezon City.
Ang blocktime na kasunduan ng network sa AMCARA ay unang matamang sinuri noong Hunyo 29 sa pampublikong pagdinig sa hindi bababa sa siyam na panukalang batas na naglalayong bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN na nag-expire noong Mayo 4. Ang talakayan ay nakatuon sa pagpapalabas ng mga balita at programa ng ABS-CBN sa digital at cable television platform sa pamamagitan ng TV Plus.
Noong Hunyo 30, ang National Telecommunications Commission (NTC) ay naglabas ng dalawang cease and desist order (CDO) sa ABS-CBN upang ipahinto ang digital broadcast sa mga TV Plus channel sa Metro Manila at nationwide satellite broadcast ng Sky Direct, isa pang kumpanya na pag-aari ng Lopez group. Ginagamit ng TV Plus ang Channel 43 ng AMCARA sa ilalim ng isang blocktime na kasunduan.
Inisyu ng NTC ang unang CDO noong Mayo 5, isang araw pagkatapos mag-expire ang prangkisa ng network, na nagpahinto sa pagsasahimpapawid ng mga operasyon ng ABS-CBN sa 42 istasyon ng telebisyon, mga 10 digital broadcast channel, 18 FM na istasyon, at limang AM radio station na sakop ng RA 7966. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: NTC biglang umurong sa prangkisa ng ABS-CBN)
Noong Hunyo 30, inulit ng CDO ang mga probisyon sa utos noong Mayo 5, na nagsasabing hindi pa kumpletong sumunod ang ABS-CBN dahil nagsasahimpapawid pa rin ito sa pamamagitan ng cable at iba pang mga channel.
Ano ang mga blocktime arrangment? Pinapayagan ba ito ng batas? Narito ang apat na mga bagay na kailangan mong malaman:
1. Ano ang ‘blocktiming’ sa broadcast media?
Sa ilalim ng Broadcast Code of the Philippines (2007) na namamahala sa Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP), ang “blocktimer” ay tumutukoy sa “natural o juridical person na bumili o may kontrata para sa o binigyan ng broadcast air time.”
Inilarawan ng media watchdog Center of Media Freedom and Responsibility (CMFR) ang blocktiming bilang isang:
“…unique Philippine broadcast media practice of buying ‘blocks’ of air time to produce programs independent of networks and stations (natatanging praktis ng Philippine broadcast media ng pagbili ng ‘mga bloke’ ng air time upang makabuo ng mga programa na hindi ginawa ng mga network at istasyon).”
Ayon kay AMCARA President Tony Veloso, ang mga digital channel ng ABS-CBN ay umeere sa frequency nito ng 21 oras sa isang araw, pitong araw sa isang linggo, at ang natitirang tatlong oras ay nakalaan sa sign off ng Channel 43 sa pagtatapos ng bawat araw.
2. Ano ang isyu sa ‘blocktime’ ng ABS-CBN?
Ang Channel 43 ay isang digital transmission broadcast ng mga programa ng ABS-CBN, na magagamit bilang isa sa mga channel sa TV Plus ng network. Nagpatuloy itong umere kahit na matapos lumabas ang CDO noong Mayo 5.
Sa public hearing noong Hunyo 29 sa Kamara, sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba:
“Ito pong Channel 43 ay naka-assign po sa AMCARA Broadcasting. Ang AMCARA Broadcasting ay sister company ng ABS-CBN… Si ABS-CBN ay umeere ng analog sa Channel 2 at umeere po ng digital sa Channel 43 ng AMCARA.”
Pero, ayon kay ABS-CBN President at CEO Carlo Katigbak, ang AMCARA ay “hindi pag-aari” ng ABS-CBN. Nagpapalabas lamang ang ABS-CBN ng mga programa sa Channel 43 batay sa isang blocktime agreement sa pagitan ng network at AMCARA.
Sa pagdinig noong Hunyo 28, sinabi ni Katigbak na ang ABS-CBN ay mayroong 49 porsyento share sa AMCARA noon ngunit ito ay naibenta sa mga orihinal na nagmamay-ari noong 2019. Nagpatotoo ang abogado ng ABS-CBN na si Maxim Uy sa parehong pagdinig na nakuha ng ABS-CBN ang mga share noong 1996 at ibinenta ito noong Enero 2019.
Sinabi ni Cordoba:
“Yung pag-ere ng ABS-CBN ng digital TV sa Channel 43 ay kasama po sa CDO dahil sa franchise na ginamit nila for that ay ‘yun pong ABS-CBN.”
Ang Channel 43 ay hindi kasama sa mga istasyon na nakalista sa CDO ng Mayo 5.
NTC Cease and Desist Order … by VERA Files on Scribd
Sa pagdinig noong Hulyo 2, inakusahan ni Remulla, senior deputy majority leader ng Kamara, ang AMCARA ng pagiging isang “dummy” ng ABS-CBN matapos sabihin ni AMCARA Chairman Rodrigo Carandang na ang kanyang kumpanya ay gumagamit ng mga transmiter na binili ng ABS-CBN para maka ere ang digital TV channels bagaman tumatakbo ito gamit ang sariling prangkisa, na mag-e-expire sa Nob. 7.
Ang TV Plus ay isang one-time-payment digital television box na nagbibigay ng libre at pay-per-view na mga programa sa mga piliing lugar na sineserbisyuhan ng network. Ang ABS-CBN Convergence (dating Multi-Media Telephony Inc.), na nagpapatakbo ng TV Plus at ABS-CBN mobile, ay may expired na prangkisa mula pa noong Marso 17, ngunit tumatakbo ito sa ilalim ng isang provisional authority na ipinagkaloob ng NTC noong Marso 16 dahil sa enhanced community quarantine bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Sinabi ng network na ang TV Plus ay tumatakbo ayon sa digital migration plan ng NTC na nagsimula noong 2014 para sa isang pambansang switchover mula sa analog tungo sa digital pagdating ng 2023. Ang TV Plus ay inilunsad noong 2015, ginagabayan ng “Rules and Regulations for Digital Terrestrial Television (DTT) Broadcast Service” ng NTC at kalaunan, ng “Framework of the Digital Terrestrial Television Broadcasting (DTTB) Migration Plan” ng Department of Information and Communications Technology noong 2017. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: PH walang polisya na ‘one franchise, one channel’)
3. Bawal ba ang blocktiming?
“Hindi naman,” sabi ng abogadong si Romel Bagares. Yamang ang blocktiming ay sadyang “pag-upa ng airtime,” mayroon ding “walang kinakailangan sa prangkisa” para sa mga blocktimer, sinabi niya sa VERA Files sa isang panayam.
Sa pagdinig noong Hunyo 29 sa Kamara, sinabi ni KBP President Jun Nicdao na “pangkaraniwan” na magkaroon ng mga blocktime arrangement sa industriya ng broadcast. Ang mga blocktimer ay “tulad ng mga gumagawa ng programa” na “bumibili ng airtime upang ma-ere o broadcast ang kanilang content,” aniya, at idinagdag na ang mga kasunduan sa kasalukuyan ay mula sa “ilang oras hanggang sa halos buong araw.”
Sinabi rin ni Nicdao na ang blocktiming ay hindi isang paglabag sa prangkisa “hangga’t [ang] kontrol ng istasyon ay nananatili sa may-ari ng istasyon o ang may-ari ng prangkisa.”
Ang blocktiming ay napapailalim din sa “naaangkop na batas at jurisprudence sa ginawang content,” idinagdag ni Bagares.
Sinabi ng abugadong si Marichu Lambino, na nagtuturo ng media law sa University of the Philippines: “Ang mga karaniwang batas na naaangkop sa lahat ay angkop din sa mga blocktimer. Sa gayon, sila ay ligal na mananagot kapag nilalabag nila ang mga batas tungkol sa kalaswaan o pang-aabuso sa bata o graphic violence, atbp.”
Ang KBP Broadcast Code ay nagpapatupad ng mga patakaran para sa mga blocktimer, kasama ang kautusan para sa mga miyembro nito na pumirma ng isang undertaking na susunod sa mga probisyon ng KBP, at para sa mga programa ng public affairs na ipaalam kung sino ang may pananagutan sa paggawa ng mga programa sa oras ng kontratang airtime.
4. Ang ABS-CBN ba ang tanging network na pumapasok sa blocktime arrangements?
Hindi.
Ang GMA Network Inc., isa sa pinakamalaking media network sa bansa, ay nagkaroon din ng isang blocktime agreement kasama ang ZOE Broadcasting Network Inc.
Noong 2005, pumayag ang ZOE na magbigay ng airtime, sa pamamagitan ng Channel 11, para sa mga programang ginawa ng GMA at GMA subsidiary, Citynet Marketing at Productions. Sa ilalim ng kasunduan, ang GMA ay “magbibigay ng lahat ng mga programa sa Channel 11.” Sumang-ayon din ito na “i-upgrade ang ilang broadcast facilities” na pag-aari ng ZOE, bukod sa iba pang mga napagkasunduan, tulad ng nakasaad sa 2008 annual report ng GMA sa Securities and Exchange Commission.
Ang kasunduan, gayunpaman, ay hindi na-renew pagkatapos na mag-expire noong Hunyo 2019.
Ang pinakamatagal na palabas sa katanghalian, ang “Eat Bulaga,” ng Television and Production Exponents Inc. ay umeere rin sa pang hapon na GMA block.
Kahit na ang Republic Act No. 7306, ang batas na nagtatag ng People’s Television Network Inc. na pagmamay-ari ng estado, ay pinahihintulutan ang paggamit ng blocktiming, napapailalim sa ilang mga limitasyon:
“The use of blocktimers shall be allowed but limited to education and sports programs only (Ang paggamit ng mga blocktimer ay pahihintulutan ngunit limitado sa mga programa na edukasyon at sports lamang).”
Pinagmulan: People’s Television Network, Inc., RA 7306, Sec. 17
Tala ng editor: Ang fact sheet na ito ay ginawa ng isang mag-aaral mula sa University of the Philippines Diliman bilang bahagi ng kanyang internship sa VERA Files.
Mga Pinagmulan
House of Representatives of the Philippines, Committee on Legislative Franchises Joint with Committee on Good Government and Public Accountability, July 6, 2020
House of Representatives of the Philippines, Committee on Legislative Franchises Joint with Committee on Good Government and Public Accountability, June 29, 2020
ABS-CBN News, JUST IN: National Telecommunications Commission issues cease and desist order against Sky Cable’s Direct Broadcast Satellite Service. | via @jacquemanabat, June 30, 2020
ABS-CBN News, NTC also directs ABS-CBN Corp. to immediately cease and desist from operating digital TV transmission in Metro Manila using Channel 43. | via @alvinelchico, June 30, 2020
ABS-CBN News, NTC orders ABS-CBN to stop broadcasting, May 5, 2020
Chan Robles Virtual Law Library, Republic Act No. 7966, Mar. 30, 1995
Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, Broadcast Code of the Philippines 2007 (as amended 2011), Accessed July 8, 2020
Center for Media Freedom and Responsibility, Blocktiming, n.d.
House of Representatives of the Philippines, Committee on Legislative Franchises Joint with Committee on Good Government and Public Accountability, July 2, 2020
Official Gazette, Republic Act No. 8135, July 16, 1995
Official Gazette, Republic Act No. 7908, Feb. 23, 1995
National Telecommunications Commission, Implementation of Enhanced Community Quarantine Over Entire Luzon Island Including Metro Manila, Mar. 16, 2020
ABS-CBN News, Launch of TVPlus, KBO complies with NTC’s digital migration plan: ABS-CBN, June 29, 2020
National Telecommunications Commission, Rules and Regulations for Digital Terrestrial Television (DTT) Broadcast Service, Dec. 16, 2014
Department of Information and Communications Technology, Framework of the Digital Terrestrial Television Broadcasting (DTTB) Migration Plan, Oct. 2017
Philstar, GMA Network partners with Zoe Broadcasting Channel 11, April 28, 2005
One News, Alias CDO: Can The NTC Stop ABS-CBN From Producing Content As Blocktimer?, July 2, 2020
GMA Network Inc., ANNUAL REPORT PURSUANT TO SECTION 17 OF THE SECURITIES REGULATION CODE AND SECTION 141 OF THE CORPORATION CODE OF THE PHILIPPINES OF GMA NETWORK, INC., Aug. 8, 2000
Light TV, About Us, Accessed July 8, 2020
DTVPilipinas, Zoe Broadcasting to end Blocktime Agreement with GMA Network, April 28, 2019
People’s Television Network Inc., Republic Act No. 7306, March 26, 1992
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flop, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)