Ang panahon mula Set. 21, 1972 hanggang Peb. 25, 1986 — sa pagitan nang pagdeklara ni Ferdinand Marcos ng batas militar at nang tumakas siya sa bansa — ay nagresulta sa inilalarawan ng batas na maraming “pagkamatay, sugat, paghihirap, pagpapasama at pinsala.”
Ipinangako ng Republic Act No. 10368, na ipinagtibay noong 2013, na ang estado ay magbabayad sa mga taong nagdusa dahil sa paglabag ng kanilang karapatang-tao, kabilang ang mga agarang pagpatay, tortyur at palihim na pagdukot, pagkulong at pagkawala, sa ilalim ng diktadurang Marcos.
Mga P10 bilyon ang inilaan para sa mga pagbabayad-pinsala, na kinuha mula sa nakaw na yaman ng mga Marcos, sa mga deposito sa Swiss bank accounts na binawi para sa gobyerno ng Pilipinas noong 1997.
Naatasang magproseso ng mga may-habol sa bayad-pinsala, ang Human Rights Victims ‘Claims Board (HRVCB) ay isang malayang ahensya na nilikha ng R.A. 10368.
Binigyan ng hanggang Mayo 12, 2016 upang tapusin ang mga pagbabayad ng pinsala, ang HRVCB ay binigyan ng dalawang taon na palugit, hanggang 2018, para makayanan ang dami ng mga may-habol.
Paano ginagampanan ng board ang trabaho nito?
Narito ang tatlong katotohanan tungkol sa mga matinding hamon na kinakaharap ng HRVCB.
Ang bilang ng mga claimant ay higit sa mga naunang pagtatantya
Tinatayang 20,000 na claimant lang ang inasahan ng mga bumalangkas ng R.A. No. 10368. Ibinatay nila ito sa bilang ng mga biktima ng karapatang pantao na nagsampa ng class suit sa United States District Court sa Hawaii — kabuuang 10,000 biktima na mas kilala bilang “claimants sa Hawaii” — at dinoble ito.
Gayunpaman, ang bilang ng aktwal na mga claimant, na umabot sa 75,730, ay higit na lampas sa naunang pagtatantya. Ito ang dahilan kung bakit pinalugitan ang panahon ng pagproseso ng mga naghahabol ng bayad.
Ang akademikong si Alfred McCoy, sa kanyang tanyag na artikulo, “Dark Legacy: Human Rights under the Marcos Regime,” ay nagbibigay ng mas mataas na bilang ng mga biktima ng karapatang pantao sa ilalim ni Marcos: 3,257 ang namatay, 35,000 na tortyur at 70,000 na nabilanggo.
Noong Set. 8, ang HRVCB ay nakapagproseso na ng 56,425 o tatlong-kapat ng mga naghahabol ng kabayaran.
Mga apela at mga pekeng paghahabol ng bayad ang nagpapakumplikado sa proseso
Nagiging komplikado ng trabaho ng board sa pag-agos ng mga apela at mga pagsalungat sa listahan nito ng mga aprubadong claimant, pati na rin ang mga pekeng paghahabol ng bayad.
Kasalukuyang pinag-aaralan ng board ang 62 na apila at 20 na oposisyon, karamihan mga tagapagmana ng mga biktima ng pang-aabuso ng karapatang pantao na ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa bahagi ng kabayaran.
Sa pagtukoy sa mga halaga ng pagbabayad, ang board ay sumusunod sa isang sistema ng pagbibigay ng puntos: 10 puntos para sa mga pagpatay at palihim na pagdukot at pagkawala, anim hanggang siyam na puntos para sa tortyur o panggagahasa, tatlo hanggang lima para sa iligal na pagkakakulong, at isa hanggang dalawa para sa iba pang mga paglabag sa karapatang-tao.
Noong Mayo, ang board ay naglabas ng P300 milyon para hatiin sa 4,000 karapat-dapat na mga claimant sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mapabilis ang pagpapalabas ng mga pambayad. Naaprubahan noong Set. 21 ang 2,035 na mga claimant.
Ang pagtanggal sa mga kahina-hinalang claim ay nagpapatunay sa napakahirap na gawain ng HRVCB.
Ang board ay gumagawa ng masidhing pananaliksik sa kasaysayan upang matukoy ang aktwal na mga biktima ng pang-aabuso ng karapatang pantao, muling inaalam kung totoo o hindi ang mga claim gamit ang pinagsama-samang datos mula sa “magkapanahon na katibayan” tulad ng mga kliping ng balita at mga papeles ng pagpapalaya ng mga biktima ng batas militar na isinumite ng iba pang mga claimant.
Sa mga kaso kung saan naghihinala ang board na may pandaraya, hinihingi nito sa claimant na magsumite ng karagdagang dokumentong katibayan.
Ang claim ay tinatanggihan kung may kakulangan ng matibay na ebidensya o itinuturing na “patent unmeritorious” kung ito ay kulang sa detalye.
Marami pang tauhan ang kailangan para magawa ang trabaho
Sa kasalukuyan, ang HRVCB ay may 56 na mga legal assistant lamang na sumasala mga sa claim, pinag-aaralan mabuti kung kumpleto ang kanilang dokumento, at unang nagpapasiya sa mga merito ng bawat isa, ayon sa pag-apruba ng board.
Ang mga ito ay pinangangasiwaan ng 31 abogado, na nagtatalaga ng bawat legal assistant sa 344 mga kaso upang matrabaho at kumpletuhin bago ang ipinataw na sariling deadline ng board na Disyembre 2017, upang ang susunod na anim na buwan hanggang Mayo 2018 ay mailaan sa pagbabayad ng mga claim.
Kung ang board ay mabigo na matugunan ang deadline na itinakda ng batas, ang pondong pambayad ay mananatili sa Bureau of the Treasury.
Mga pinagkunan:
Claims of martial law victims processed
Mccoy, Alfred. (2001). “Dark Legacy: Human Rights under the Marcos Regime”
Mga madalas na katanungan hinggil sa Republic Act No. 10368
Republic Act No. 10368 or the Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013
Interview with HRVCB chair Lina Sarmiento
— Maria Feona Imperial