Sa hindi bababa sa pangatlong pagkakataon, muling sinabi ni Foreign Affairs Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr. ang maling impormasyon na ang paghahatid ng warrant of arrest dahil sa iligal na droga ang ugat ng Marawi siege.
PAHAYAG
Sa isang tweet noong Hunyo 7, sinabi ni Locsin na tama si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsabing nagsimula ang pagkubkob sa Marawi kasunod ng paghahatid ng isang warrant of arrest dahil sa “drug deal”:
“Idiot said on TV they had to release a suspected terrorist days after they arrested him. What, no evidence to warrant his arrest? 3 days later (the) suspect led (the) takeover of Marawi. Our President correctly said that Marawi (siege) began after a warrant of arrest for drug dealing was served.
(Sinabi ng isang tanga sa TV na kinailangan nilang palayain ang isang pinaghihinalaang terorista ilang araw matapos nila itong maaresto. Ano, walang katibayan para sa kanyang pag-aresto? Pagkalipas ng 3 araw pinangunahan ng suspek ang pag agaw Marawi. Tama ang sinabi ng ating Pangulo na ang (pagkubkob) sa Marawi ay nagsimula matapos ihatid ang isang warrant of arrest dahil sa drug deal.)”
Pinagmulan: Teodoro Locsin Jr. official Twitter account, “Idiot said on TV…,” Hunyo 7, 2020
Hindi bababa sa tatlong beses na pinakawalan ni Locsin ang maling impormasyon na ang warrant of arrest sa pinatay na lider ng paksyon ng Abu Sayyaf na si Isnilon Hapilon at dalawa pang pinuno ng Maute group sa Marawi City ay kaugnay ng ilegal na droga. Ang unang pagkakataon ay kanyang talumpati sa harap ng United Nations Security Council (UNSC) noong 2019. Inulit niya ang pahayag sa ikatlong anibersaryo ng pagkubkob sa Marawi noong Mayo 23. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Locsin na ang pag-aresto sa Islamic drug lord ang ‘mitsa’ ng Marawi siege kailangan ng konteksto and VERA FILES FACT CHECK: Duterte, Locsin repeat claim Marawi siege caused by anti-drug ops)
Si Duterte ang unang nagkalat ng maling impormasyon noong 2018 nang sinalungat niya ang mga opisyal na rekord, maging ang kanyang sariling katwiran sa paunang deklarasyon ng martial law sa Mindanao, na ang mitsa ng digmaan ay “hindi isang hayagang pag-aalsa” kundi isang “drug raid na nagmintis. ” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte binago ang istorya ng Marawi, sinasalungat ang pagbibigay-katarungan sa martial law)
ANG KATOTOHANAN
Ang arrest warrant na sinubukan ihatid ng pwersa ng estado kay Hapilon noong Mayo 23, 2017 ay para sa kidnapping for ransom, ayon sa counter-argument ng Office of the Solicitor General (OSG) sa sa mga petisyon sa Korte Suprema (SC) laban sa pagdeklara ni Duterte ng martial law sa buong Mindanao.
Sa pinagsama-samang komento nito sa mga petisyon noong 2017, ang OSG, na nagsisilbing ligal na tagapagtanggol ng gobyerno, ay hindi sinabi na huhulihin si Hapilon ng magkasanib na pwersa ng pulisya at militar dahil sa iligal na droga.
Ang pagkakasangkot ni Hapilon sa droga ay hindi rin nabanggit sa proklamasyon at ulat ni Duterte sa Kongreso na nagbibigay-katuwiran sa martial law.
Nabigo ang mga nagpapatupad ng batas na maaresto si Hapilon dahil sa pagtutol ng mga armadong grupo na sumusuporta sa kanya, na humantong sa bakbakan sa Marawi na “lumala at naging hayagang pakikipaglaban sa gobyerno.”
Inilista bilang terorista ng United States at United Nations, si Hapilon ay hinahabol ng militar dahil sa kanyang plano na magtatag ng isang “wilayah” o lalawigan o teritoryo sa Central Mindanao para sa Islamic State of Iraq at Syria (ISIS) na siya ang nakatalagang “emir “o pinuno sa Southeast Asia.
Noong Hunyo 2017, inanunsyo ng Armed Forces of the Philippines ang alok ni Duterte na P10-milyon premyo para sa “neutralisasyon” ni Hapilon, na mayroong warrant of arrest para sa “kidnapping for ransom at serious illegal detention.”
Ang pagkubkob sa Marawi ay tumagal ng limang buwan hanggang Oktubre 2017, kasunod ng pagkakapatay kay Hapilon at Omar Maute sa isang operasyon ng militar.
Walang pigil sa pagsasalita sa Twitter kung saan karaniwang niya pinapakawalan ang mga puna sa iba’t ibang mga isyu, inihayag ni Locsin ang kanyang suporta sa kontrobersyal na Anti-Terror Bill, na ipinadala sa Malacanang noong Hunyo 9 para sa pirma ng pangulo.
Sa isang tweet noong Hunyo 7, sinabi ni Locsin na nagsimula na siyang magbasa ng panukalang batas, na kailangan niyang “ipagtanggol sa UN Security Council” bilang bahagi ng kanyang “tungkulin” bilang foreign secretary.
Pinahihintulutan ng anti-terror bill, na certified urgent ni Duterte para mapawalang-bisa ang Human Security Act (HSA) ng 2007, ang pag-aresto ng walang warrant at pinahaba ang bilang ng mga araw ng pagkakakulong ng mga pinaghihinalaang terorista mula sa tatlo hanggang 14 na araw nang walang warrant, na maaaring pahabain ng 10 pang araw. Sa isang hiwalay na tweet, sinabi ni Locsin na “ang haba ng pagkakakulong at pagpapalawak ng 10 araw ay ganap na makatwiran.” (See VERA FILES FACT SHEET: Mga kailangan mong malaman tungkol sa panukalang anti-terrorism bill ng Senado)
Mga Pinagmulan
Teodoro “Teddy Boy” Locsin Jr. official Twitter account, Idiot said on TV…, June 7, 2020
Office of the Solicitor General, OSG Consolidated Comment on Martial Law, June 12, 2017
Office of the Solicitor General, About the Office, Accessed June 8, 2020
Supreme Court, GR 2395935, Feb. 6, 2018
Official Gazette, Proclamation No. 216, May 23, 2017
Presidential Communications Operations Office, Duterte declares Martial Law in Mindanao, cuts short Russia trip MOSCOW, Russia, May 23, 2017
Hapilon killed in Marawi siege
- Rappler.com, Top Marawi siege leaders killed in clashes, Oct. 16, 2017
- BBC, Philippines military ‘kills Islamist Isnilon Hapilon’, Oct. 16, 2017
- CNN Philippines, ‘Terrorists will crumble’: Military kills Isnilon Hapilon, Omar Maute, Oct. 16, 2017
United States Federal Bureau of Investigation, Isnilon Totoni Hapilon
United Nations Security Council, ISNILON TOTONI HAPILON
AFP hunting Hapilon as ISIS leader in Southeast Asia
- Rappler.com, ISIS makes direct contact with Abu Sayyaf, wants caliphate in PH, Jan. 26, 2017
- Manila Shimbun, Lorenzana claims terrorists planning ‘caliphate’ in Central Mindanao, Jan. 27, 2017
- Manila Standard, Abu leader expanding reach—DND, Jan. 27, 2017
Armed Forces of the Philippines, PRRD offers P10 Million bounty for Hapilon, June 6, 2017
Congress of the Philippines, Committee Report No.340, Accessed June 8, 2020
Teodoro “Teddy Boy” Locsin Jr. official Twitter account, This is my duty... June 7, 2020
Anti-terror Bill for signature of Duterte
- Rappler.com,Congress transmits anti-terrorism bill to Malacañang, June 9, 2020
- Inquirer.net, Anti-terror bill transmitted to Palace for Duterte’s signature, June 9, 2020
- ABS-CBN News, The ANC Brief: Anti-terror bill transmitted to Palace, June 10, 020
No penalty for wrong detention in Anti-terror bill
- CNN Philippines, House passes on second reading new anti-terrorism bill, June 4, 2020
- Inquirer.net, Anti-terror bill approved with no changes in ‘unconstitutional provisions’, June 4, 2020
- One News, Lawyers, Other Groups Terrified By Anti-Terror Bill. Here’s Why, June 4, 2020
Teodoro ‘Teddy Boy’ Locsin Jr. official Twitter account, Length of detention…, June 7, 2020
Official Gazette, Republic Act 9372 or Human Security Act of 2007
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)