Halos isang taon matapos umalis sa Malacañang, sinabi ni dating pangulong Rodrigo Duterte na ang kanyang buwanang take-home pay ay “P197,000 lamang” sa kabila ng sinasabi niyang napakalaking gawain kaya’t gising siya hanggang madaling araw bilang chief executive ng bansa.
Ito ang ikapitong pagkakataon, kahit man lamang sa bilang ng VERA Files Fact Check, na minaliit ni Duterte ang kanyang suweldo. Ang kanyang pangunahing suweldo mula 2019 hanggang sa natapos ang kanyang termino noong Hunyo 2022 ay mula P388,096 hanggang P399,739 bawat buwan.
PAHAYAG
Sa kanyang tatlong oras na talk show sa SMNI News Channel, binanggit ni Duterte ang kanyang suweldo noong siya ay presidente matapos siyang tanungin ni pastor Apollo Quiboloy tungkol sa posibilidad ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte na tumakbo para sa mas mataas na posisyon.
Sinabi ng dating pangulo:
“I pray that they (Duterte children) [will] remain … iyong fortitude nila sa buhay (their fortitude in life), especially itong (the) public office vis-a-vis iyong corruption … Mahirap kasi (Because it’s difficult) to seek a higher position, tapos (and) you maintain na (that) ‘yung, kulang talaga palagi (the [salary] is often inadequate).”
(“Pinagdadasal ko na sila (mga anak ni Duterte) ay mananatili … iyong katatagan ng loob nila sa buhay, lalo na itong public office vis-a-vis iyong corruption … Mahirap kasi tumakbo para sa mas mataas)
Pinagmulan: SMNI official YouTube channel, FPRRD kay VP Sara: Sa lahat ng mga anak ko, ito ‘yung may karakter. Magti-tiptoe ka basta si Inday, Mayo 31 – Hunyo 1, 2023, panoorin mula 02:56 hanggang 03:29
Pagkatapos ay ikinuwento ni Duterte ang mga pinaghihirapan ng pangulo, kabilang ang mababang suweldo para sa napakaraming trabaho na ginagawa nito.
Sinabi niya:
“… Ang sweldo mo ang liit. Iyong nakita ko iyong nasa gobyerno, pastor, na tinatamasa iyong mga suweldo nila. Mga consultant, P300,000 … Alam mo ang sweldo ko talaga, pastor, ang take-home pay ko mga P197,000 lang.”
Pinagmulan: panoorin mula 3:47 hanggang 4:09
Dagdag pa ni Duterte:
“And I stay awake until 6 to 7 o’clock in the morning … just to read and sign paper[s]. Alam ni [Gloria Macapagal] Arroyo ‘yan (Arroyo knows this), lahat ng pre… (all [former presidents].”
(“At gising ako hanggang 6 hanggang 7 o’clock ng umaga … para lang magbasa at pumirma ng [mga] papel. Alam ni [Gloria Macapagal] Arroyo ‘yan, lahat ng pre… (dating presidente].”)
Pinagmulan: panoorin mula 4:09 hanggang 4:21
ANG KATOTOHANAN
Mula 2019 hanggang sa natapos ang kanyang termino noong Hunyo 2022, ang buwanang suweldo ni Duterte ay mula P388,096 hanggang P399,739. Nang maupo siya sa pagkapangulo noong Hunyo 2016, ito ay nasa P160,924 hanggang P165,752 bawat buwan, ngunit tumaas ng halos dalawang beses noong 2017 (mula P215,804 hanggang P222,278) at 2018 (mula P289,401 hanggang P298, 083).
Ang taunang pagtaas sa sahod ni Duterte ay dahil sa taunang pagsasaayos sa suweldo ng mga manggagawa sa gobyerno mula 2016 hanggang 2019 batay sa Executive Order No. 201, na nilagdaan ng noo’y pangulong Benigno Aquino III noong Pebrero 2016.
Sa panahon ng kanyang pagkapangulo, itinaas din ni Duterte ang suweldo sa gobyerno, kabilang ang sa presidente, sa apat na tranches mula 2020 hanggang 2023 sa pamamagitan ng Republic Act (RA) No. 11466, na pinagtibay noong Enero 2020.
Ang 1987 Constitution ay nagbabawal sa nanunungkulan na pangulo, bise presidente, at mga miyembro ng Kongreso na tumanggap ng mga pagtaas ng suweldo na inaprubahan sa kanilang termino.
Kasalukuyang may buwanang basic salary si incumbent President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula P419,144 hanggang P431,718, batay sa pang-apat at huling tranche ng RA 11466.
Tingnan ang mga kaugnay na fact-check tungkol sa pagmamaliit ni Duterte sa kanyang suweldo:
- VERA FILES FACT CHECK: Duterte understates his salary for the nth time noong Hunyo 2022
- VERA FILES FACT CHECK: For the 5th time, Duterte repeats wrong claim on his salary noong Agosto 2020
- VERA FILES FACT CHECK: Duterte’s claim about his salary still inaccurate noong Oktubre 2018
- VERA FILES FACT CHECK: Duterte understates his salary again noong Pebrero 2018
- VERA FILES FACT CHECK: How much does President Duterte earn monthly? noong Abril 2017
- VERA FILES FACT CHECK: How much does President Duterte earn monthly? noong Pebrero 2017
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
SMNI News Channel official YouTube channel, FPRRD kay VP Sara: Sa lahat ng mga anak ko, ito ‘yung may karakter. Magti-tiptoe ka basta si Inday, May 31-June 1, 2023
Official Gazette official website, Executive Order No. 201, s. 2016, Feb. 19, 2016
Official Gazette official website, Republic Act No. 11466, Jan. 8, 2020
Official Gazette official website, 1987 Constitution, accessed June 18, 2022
Department of Budget and Management official website, National Budget Circular No. 568, Jan. 5, 2017
Department of Budget and Management official website, National Budget Circular No. 572, Jan. 3, 2018
Department of Budget and Management official website, National Budget Circular No. 591, Jan. 10, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)