Hindi bababa sa isang Facebook (FB) page at tatlong netizens, kasama ang singer at lantad na kritiko ng administrasyon na si Jim Paredes, ang nagbahagi ng isang pekeng quote card na nagpapakita kay Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na nagsasabing hindi dapat “sinaktan” ng higante ng media na ABS-CBN “ang damdamin ni Pangulong Rodrigo Duterte” kung ayaw nitong maipasara.
Ang gawa-gawang post ay lumitaw dalawang araw matapos na tanggihan ng committee on legislative franchises ng House of Representative ang aplikasyon ng network para sa isang bagong 25-taong prangkisa.
PAHAYAG
Pinabubulaanan ang pahayag na wala umanong kinalaman ang pangulo sa pagbasura ng prangkisa ng ABS-CBN, nag-tweet si Paredes noong Hulyo 12 ng screenshot ng isang quote card na sinasabing inilathala ng Rappler. Nakaibabaw sa imahe ni Go ang teksto na nagsasabing:
“Kung hindi ninyo sinaktan ang damdamin ng Pangulo, hindi sana kayo ipapasara. -Sen. Bong Go”
Pinagmulan: @Jimparedes, “And they said the president…,” Hulyo 12, 2020.
Ang tweet ni Paredes ay nakakuha ng higit sa 2,600 retweets at 9,000 likes, kasama ang ilan sa mga netizen na tumuligsa sa pagiging “sobrang maramdamin” ng pangulo sa mga sagot.
Nauna nang isang araw ang dalawang private FB users sa pag upload ng parehong “Rappler” graphic na, sama-sama, ay nai-share nang higit sa 600 beses. Ang page na No To Marcos Burial At Libingan NG MGA Bayani ay nag post ng kopya nito noong Hulyo 13.
ANG KATOTOHANAN
Walang nilathala ang Rappler na ganoong graphic. Walang kahit na ibang mga mapagkukunan ng balita o opisyal na rekord ang nagpapakita kay Go na nagsasabi ng pahayag na naiugnay sa kanya sa umiikot na quote card.
Gayunpaman, totoong nabanggit ng senador na “nasaktan ang damdamin” ng pangulo. Sa pagdinig ng Senado noong Peb. 24 tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN, sinabi ng dating special aide ng pangulo na si Duterte ay “nasaktan at nilapastangan” sa pag ere ng ABS-CBN ng mga negatibong political ad noong siya ay tumatakbo para sa panguluhan noong 2016.
Isang quote card na may katulad ngunit mas mahabang bersyon ng imbentong pahayag ay pinabulaanan ng VERA Files noong Mayo. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Bong Go quote on ABS-CBN shutdown FAKE)
Isang reverse image search ang nagpakita ng imahe ni Go kuha mula sa artikulo ng Rappler noong Agosto 2019 tungko sa imbestigasyon ng Kamara sa Malasakit Centers, paboritong proyekto ni Go noong siya alalay pa ni Duterte. Wala itong nakapatong na quote.
Ang pekeng graphic ay lumitaw matapos tanggihan ng House committee on legislative franchises ang prangkisa ng ABS-CBN noong Hulyo 10 matapos ang higit sa isang dosenang pagdinig sa kongreso, na tumagal ng oras oras bawat araw. May 70 boto na pabor sa bagong prangkisa, 11 boto laban, isang abstention at dalawang inhibition.
Ang kinalabasan ng mga pagdinig ay umani ng malawak na pagkondena mula sa mga mamamahayag, human rights groups, academe, at mga talent ng pinakamalaking media conglomerate sa bansa.
Noong Mayo 5, isang araw pagkatapos ng mag-expire ang 25-taong prangkisa ng ABS-CBN, ang National Telecommunications Commission (NTC) ay naglabas ng unang cease-and-desist-order (CDO) laban sa network, na nagpapahinto sa operasyon ng 42 istasyon ng telebisyon, 10 mga digital broadcast channel, 18 istasyon ng FM, at limang istasyon ng AM. Ang pagbasura ng prangkisa ay nakaapekto sa 11,017 empleyado ng ABS-CBN. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: NTC biglang umurong sa prangkisa ng ABS-CBN)
Kalaunan naglabas ang NTC ng dalawa pang CDO noong Hunyo 30 laban sa ABS-CBN upang ipahinto ang operasyon ng digital service nito sa ilalim ng TV Plus sa Metro Manila at satellite broadcast ng Sky Direct sa buong bansa.
Ang ABS-CBN ay target ng mga pag atake ni Duterte mula pa noong 2017, nang una niyang pagbantaan na haharangin ang pag-renew ng prangkisa ng network matapos na akusahan ito ng “panunuba” sa kanya at iba pang mga kandidato noong 2016 presidential elections. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Mga nakaraang pahayag ni Duterte pinasisinungalingan ang sinabi ni Roque na ‘neutral’ ang presidente sa isyu ng ABS-CBN)
Naitala ng social media monitoring tool na CrowdTangle ang 24 na FB posts na inilathala ng pages at public groups mula Hulyo 11 hanggang Hulyo 13 na nagbabahagi ng pekeng larawan, at nakakuha ng higit sa 2,900 interactions.
Ang mga nangungunang mga traffic generator ng dinoktor na imahe ay karamihang mula sa mga pampublikong FB group na Sen Trillanes for a Better Philippines, Pnoy Pa Rin Solid Supporters at Ang Lagalag.
Ang No To Marcos Burial At Libingan NG MGA Bayani ay nilikha noong Hunyo 23, 2013 at may rekord ng pagbabahagi ng misleading na post.
Tala ng editor: Ang fact check na ito ay ginawa ng isang mag-aaral mula sa University of the Philippines Diliman bilang bahagi ng kanyang internship sa VERA Files.
Mga Pinagmulan
@ABSCBNNews, “NTC also directs ABS-CBN Corp. to immediately cease and desist from operating digital TV transmission in Metro Manila using Channel 43,” June 30, 2020.
ABS-CBN News, “Kapamilya stars nag-noise barrage kontra pagpatay sa ABS-CBN franchise,” July 13, 2020
ABS-CBN News, “NTC orders ABS-CBN to stop broadcasting,” May 5, 2020.
House of Representatives, “Comm on Legislative Franchises Joint with Comm on Good Government and Public Accountability Day 14,” July 10, 2020
Human Rights Watch Philippines, “Human Rights Watch reaction to denial by the Philippine Congress of franchise to ABSCBN, the country’s largest network,” July 10, 2020
Inquirer.net, “House panel closes down ABS-CBN,” July 10, 2020
InterAksyon, “Final verdict: House committee rejects ABS-CBN’s franchise renewal,” July 10, 2020
@Jimparedes, “And they said the president…,” July 12, 2020
Media Ownership Monitor Philippines, “ABS-CBN Corporation,” n.d.
Philstar.com, “House panel denies ABS-CBN franchise,” July 10, 2020
Rappler, “Asked to explain Malasakit Centers, Bong Go ridicules Lagman’s looks instead,” August 27, 2019
Rappler, “Senate hearing on ABS-CBN franchise,” Feb. 23, 2020
Rappler, “Bong Go: It’s those anti-Duterte ads on ABS-CBN that got the boss’ goat,” Feb. 24, 2020
UP College of Mass Communication, “Today is a sad day for Philippine media,” July 10, 2020.
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)