Bilang reaksyon sa 8.1% inflation rate ng bansa na naitala noong Disyembre 2022, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bumabagal ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Ito ay nangangailangan ng konteksto.
PAHAYAG
Sa isang press conference na nagtatapos sa tatlong araw na state visit ni Marcos sa Beijing noong Enero 5, isang reporter ang humingi ng komento sa pangulo kaugnay ng inflation rate sa huling buwan ng nakaraang taon. Sumagot si Marcos:
“Yeah, well at least 8.1 nag-increase lang ng (it went up only by) 0.1 [percent] and the rate of increase is slowing.”
(“Oo naman, kahit 8.1 tumaas lang ng 0.1 [percent] at ang rate ng pagtaas ay bumabagal.”)
Pinagmulan: Office of the Press Secretary, Official transcript of President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Kapihan with the Media (archive), Enero 5, 2023
Idinagdag ni Marcos:
“It’s still agricultural products, 38% of the inflation — 11% is fuel, 38% is agricultural products pa rin. Kaya’t kailangan talagang ayusin ‘yung production natin. Kasi import tayo nang import, so ‘yung inflation doon sa ini-importan natin nadadala dito sa Pilipinas.”
“Mga produkto ng agrikultura pa rin, 38% ng inflation — 11% ay gasolina, 38% ay produkto ng agrikultura pa rin. Kaya’t kailangan talagang ayusin ‘yung produksyon natin. Kasi angkat tayo nang angkat, kaya ‘yung inflation doon sa inaangkatan natin nadadala dito sa Pilipinas.”
KATOTOHANAN
Nagkaroon nga ng paghina sa inflation rate ng bansa noong huling buwan ng 2022 gaya ng ipinahiwatig ng mas mababang buwanang growth rate ng seasonally adjusted consumer price index (CPI), isang sukatan ng kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo na binili ng isang tipikal na consumer, mula Oktubre hanggang Disyembre.
Gayunpaman, ang rate ng inflation noong Disyembre 2022 pa rin ang pinakamataas mula noong 9.1% porsiyentong nai-post noong Nobyembre 2008, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) sa isang press briefing noong Enero 5. Ang inflation sa bansa ay ang pinakamabilis din sa loob ng 14 na taon, iniulat ng financial data at media company na Bloomberg noong Enero 5.
“Kaya ‘yung seasonal adjusted incremental increases, pabagal nang pabagal. At, kung makikita natin doon sa hindi seasonally adjusted, makikita ninyo na mula 8.0 hanggang 8.1% talagang kung gagawa ka ng test, hindi talaga ito makabuluhan,” sabi ni PSA Undersecretary Dennis Mapa sa parehong press briefing.
Bagama’t ang pababang trend na ito ay maaaring “magandang balita,” nagbabala siya na “may mga banta pa rin” sa inflation, na binanggit ang mga presyo ng mga gulay at mga produktong pang-agrikultura na nagpabilis sa pagtaas ng mga presyo noong Disyembre sa 8.1% mula sa 8.0% noong nakaraang buwan. Binanggit ni Mapa na nag-ambag ng 10.6% sa inflation rate noong Disyembre ang nangungunang limang grupo sa food basket na kasama sa CPI ng bansa. Ito ay:
- Mga gulay
- Karne
- Asukal, confectionery at mga dessert
- Isda
- Arina at iba pang produktong panaderya
“May mga banta pa rin, halimbawa, ‘yung mga presyo ng gulay na nag-ambag talaga (ng malaki) sa inflation at saka ‘yung iba pang food items,” sinabi ni Mapa.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga pinagmumulan
Office of the Press Secretary, President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Kapihan with the Media, Jan. 5, 2023
Philippine Statistics Authority, Press Conference on December 2022 Inflation, Jan. 5, 2023
Philippine Statistics Authority, Summary Inflation Report Consumer Price Index (2018=100): December 2022, Jan. 5, 2023
Philippine Statistics Authority, Seasonally Adjusted Consumer Price Index (2018=100): October 2022, Nov. 4, 2022
Philippine Statistics Authority, Seasonally Adjusted Consumer Price Index (2018=100): November 2022, Dec. 6, 2022
Philippine Statistics Authority, Seasonally Adjusted Consumer Price Index (2018=100): December 2022, Jan. 5, 2023
Bloomberg, Quicker Philippine Inflation Opens Door to Sustained Rate Action, Jan. 5, 2023
Philippine Statistics Authority, CORE INFLATION AND THE ESTIMATION OF CORE INFLATION, December 2018
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)