Skip to content
post thumbnail
  • Yearender Special

VERA FILES FACT CHECK: Pekeng FB pages, identity theft, at inyong personal data sa gitna ng pandemic

Hindi lamang isang hamon sa mga institusyong medikal at mga sistema ng pangangalaga ng kalusugan ang pagsiklab ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ngayong taon kundi isang pasaning socioeconomic na malubhang nakakaapekto sa lahat ng mga sektor ng lipunan, lalo na sa pinakamahirap.

By Merinette Retona

Dec 16, 2020

10-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Hindi lamang isang hamon sa mga institusyong medikal at mga sistema ng pangangalaga ng kalusugan ang pagsiklab ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ngayong taon kundi isang pasaning socioeconomic na malubhang nakakaapekto sa lahat ng mga sektor ng lipunan, lalo na sa pinakamahirap.

Naitala ang pinakamataas na unemployment rate noong Abril — 17.7 porsyento o 7.3 milyong Pilipino na walang trabaho. Pagsapit ng Oktubre, bumaba ito sa 8.7 porsyento — katumbas ng 3.8 milyon na mga walang trabahong indibidwal — na mas mataas pa rin ng 1.8 milyon sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Iniugnay ng Philippine Statistics Authority ang rekord na kawalan ng trabaho noong Abril sa “COVID-19 economic shutdown,” matapos na ipinataw ang lockdown sa mga lungsod at munisipalidad para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Upang matulungan ang mga taong nawalan ng trabaho dahil sa mahigpit na mga quarantine protocols, nangako ang gobyerno na bibigyan ang 18 milyong low-income households ng buwanang tulong sa cash na nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P8,000 sa loob ng dalawang buwan, sa ilalim ng Bayanihan To Heal As One Act. Ang pamamahagi ng subsidy ay nagsimula noong Abril at nagpapatuloy pa sa ilang mga lugar.

Nakakita ang mga scammer ng pagkakataon na samantalahin ang tugon ng gobyerno sa pandemic na ito.

Noong nakaraang Mayo, nag flag ang VERA Files Fact Check (VFFC) ng dalawang pekeng Facebook (FB) pages: ang isa ay nagpapanggap na isang Social Amelioration Program (SAP) updates page, ang isa pa ay nagkukunwari naman bilang opisyal na “interagency” page ng Department of Labor and Employment (DOLE) and Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Habang ang una ay sinabi lang ang “pansamantalang iskedyul” para sa pangalawang pamamahagi ng cash aid ay naitakda na, na inaanyayahan ang mga gumagamit ng FB na mag “like” at i-share ang kanilang page para sa mga update, ang pangalawa ay sinabihan ang mga netizen na magbigay ng kanilang buong pangalan, address, at propesyon sa comments section ng post nito, na nagpapanggap na isang opisyal application portal para sa cash subsidy.

Fake FB page DOLE-DSWD

Madaling nakumbinsi ng pangalawang page ang mga Pilipinong netizen na magbigay ng kanilang personal na datos — higit sa 3,600 comments ang nakuha nito sa loob lamang ng dalawang araw matapos lumabas ang mapanlinlang na post.

Maraming mga netizen na kumagat sa pain ang nagsabing “no work, no pay” ang estado ng kanilang trabaho dahil sa pandemic. Ang isa sa kanila ay nagsabi na siya ay isang lady guard sa isang mall sa Quezon City na nawala ang mapagkukunan ng kita dahil sa pagsara ng mall. Inilarawan ng isa pa ang kanyang sarili bilang solo parent na may isang anak na may sakit sa puso, habang ang pangatlo ay nagsabing siya ay isang overseas Filipino worker na “stranded” sa loob ng limang buwan sa isang tirahan sa Pasay City at hindi nakatanggap ng anumang tulong.

Habang mukhang hindi naman nakapipinsala, ang mga post na tulad nito na kumukuha ng personal na impormasyon ay maaaring maging mapanganib.

Sinabi ni Jonathan Ragsag, division chief ng Data Security and Technology Standards Divisionng National Privacy Commission (NPC), na ang mga tao sa likod ng mga pekeng page ay maaaring gamitin ang personal na datos na kanilang iligal na kinolekta “para sa ibang layunin na hindi pinahintulutan sa ilalim ng batas,” tulad ng paggawa ng iba`t ibang mga krimen gamit ang mga nakaw na pagkakakilanlan.

Ang mga scam ay maaaring humantong sa identity theft

Pagnanakaw ng pagkakakilanlan sa pamamagitan ng computer, na tinukoy sa ilalim ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, ay ang “sinasadyang pagkuha, paggamit, maling paggamit, paglipat, pagmamay-ari, pagbabago o pagtanggal” ng nakikilalang impormasyon ng isang tao.

Ang datos mula sa Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na nakuha ng VERA Files ay nagsiwalat na ang pagnanakaw ng pagkakakilanlan gamit ang computer ay pangatlo sa bilang ng mga kaso ng cybercrime na hinawakan ng ACG mula Enero hanggang Oktubre ng taong ito.

Ang hindi pinahihintulutang pagkuha o koleksyon ng personal na datos, ang unang hakbang ng pagsasagawa ng krimen, ay ginagawa sa maraming paraan — isa na rito ay sa pamamagitan ng mga online scam.

Ang mga karaniwang online scam ay mga pekeng giveaway at raffle na ginagawa ng mga account sa social media, na madalas na nagpapanggap bilang mga opisyal na account at page ng mga kilalang personalidad upang lumikha ng ligal na impresyon.

Mula noong Enero, nag-flag ang VFFC ng 12 pekeng online giveaways. Karamihan sa kanila ay sa pamamagitan ng mga FB page at account na nagpapanggap bilang kilalang mga personalidad at negosyo, tulad nina Senador Manny Pacquiao, game show host Willie Revillame, at maging ang kumpanya ng hardware at software na Hewlett Packard (HP).

Maraming beses, ang mga impostor na ito ay humingi sa mga interesadong netizen na “i-like” ang kanilang mga page at mga affiliate account para makarami ng tagasubaybay. Ito ay isang asset na maaari nilang magamit sa paglaon para kumita ng pera, sa pamamagitan ng pag-aalis ng lahat ng kanilang naunang post at pagpapalit sa kanila ng nilalaman na pang-promosyon, o sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga page sa mga bagong may-ari na gagamit sa mga ito sa iba pang mga layunin.

Gayunpaman, ang modus na ito ay nag level up pa. Ang iba pang mga tagalikha ng mga pekeng page ay humihingi na ngayon ng higit pa sa “likes.” Kumukolekta sila ngayon ang personal na datos ng mga tao, katulad ng ginawa sa pekeng DSWD-DOLE page.

Sinabi ni Ragsag na ang isang tao na nangongolekta ng datos ay maaaring gamitin ito upang magpanggap na ibang tao at gumawa ng krimen.

“Magpapanggap na sila, magpagawa ng passport [gamit ang] identity nila, and pagkatapos makalabas ng bansa, at hindi natin alam ano ba sila. Sila ba ay potensyal na terorista?” sinabi ni Ragsag sa magkahalong Ingles at Filipino sa isang panayam sa telepono sa VERA Files.

Nagbabala rin siya tungkol sa mga ninakaw na pagkakakilanlan na ginagamit para mag-apply para sa mga pautang sa bangko. Binanggit niya ang isang kaso noong 2016, kung saan isang titser sa public school ang nalubog sa utang matapos na magamit ng ibang tao ang kanyang identity para umutang sa tatlong bangko.

Nakuha ng suspek ang personal na impormasyon ng biktima mula sa kanyang Professional Regulation Commission (PRC) identification card na kanyang nai-post sa FB.

Ang mga netizen na kumagat sa post ng pekeng DSWD-DOLE page ay madaling makatulad sa parehong sitwasyon ng titser, dahil ang pag peke ng isang PRC ID ay nangangailangan lamang ng buong pangalan, litrato, at registration number ng isang tao.

Sinabi ni Police Major Joseph Arvin Villaran, public information officer ng PNP-ACG, na maraming iba pang mga posibleng krimen na maaaring mag-ugat mula sa pagnanakaw sa pagkakakilanlan gamit ang computer.

“‘Yung online libel tsaka online estafa, ang pinanggalingan talaga niyan ay ‘yung computer-related identity theft,” sinabi niya sa VERA Files.

Sinabi ni Villaran na ang pagnanakaw ng pagkakakilanlan ay maaaring maging online libel kapag nagtago ang isang salarin ng kanyang tunay na pagkatao sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang ninakaw, at ginagamit ito upang siraan ang ibang tao. Ito ay magiging online estafa o swindling kung ang salarin ay gumagamit ng ninakaw na pagkakakilanlan upang mangdaya ng mga tao, na may layunin na kumuha ng pera sa kanila.

Maaari itong humantong sa pangingikil, na nangyayari kapag ang salarin ay gumagamit ng iligal na nakalap na impormasyon upang pilitin ang mga orihinal na may-ari nito na magbayad ng isang halaga ng pera sa pamamagitan ng pagba-blackmail sa kanila, idinagdag niya.

Ang pagnanakaw ng pagkakakilanlan sa pamamagitan ng computer ay pinaparusahan sa ilalim ng R.A. 10175 ng anim na taon at isang araw hanggang 12 taong pagkakakulong, na may pinakamaliit na multa na P200,000.

Ang Revised Penal Code ay nagtatakda ng parusa na anim na buwan at isang araw hanggang apat na taon at dalawang buwan na pagkakabilanggo o multa na P200 hanggang P6,000, o pareho, sa libel, bukod sa posibleng demanda ng sibil. Ang mga swindler, sa kabilang banda, ay maaaring kasuhan ng dalawang buwan at isang araw hanggang 20 taong pagkakakulong, depende sa dami ng nalokong pera.

Ang isa pang posibilidad na krimen na binanggit ni Villaran ay kapag na-hack ng salarin ang social media account ng isang tao gamit ang datos na kanyang ninakaw, at pagkatapos ay biniktima ang mga kaibigan at follower ng may-ari ng account.

Mga hakbang ng gobyerno, netizens laban sa cybercriminals

Sinabi ni Ragsag na alam ng NPC ang “tumitinding peligro” ng mga online scam sa panahon ng patuloy na pandemic, dahil ang mga impostor at mandaraya ay “pinagsasamantalahan ang takot sa publiko” para mahulog ang mga tao sa kanilang mga bitag.

Sa isang pampublikong bulletin na inilabas noong Marso 23, umapela ang Komisyon sa mga netizen na “maging maingat sa online,” at pinaalalahanan silang ugaliing pumunta sa mga “mapagkakatiwalaang gobyerno at iba pang lehitimong mga website” sa pagkuha ng impormasyon, lalo na sa mga kaugnay na paksa ng COVID-19, upang hindi mabiktima ng maling impormasyon.

Infographic: Paano malalaman kung lehitimong sa gobyerno ang isang facebook page

Gayunpaman, ang bilang ng mga engagement na natatanggap ng mga impostor page ay nagpapakita ng kawalan ng kakayahan ng maraming mga Pilipino na gumagamit ng social media na kilalanin ang mga lehitimong page at account kumpara sa mga peke.

Sa kasamaang palad, sa pagkakaalam ni Ragsag, walang mga tukoy na alituntunin na itinakda para sa mga tanggapan ng gobyerno kapag lumilikha ng kanilang opisyal na mga social media account. Halimbawa, hindi lahat ng opisyal na mga FB page at mga Twitter account ng mga pampublikong institusyong ito ay mayroong mga “blue” check. Maaari itong maging isang kapaki-pakinabang na tagapagpahiwatig para sa mga netizen sa pagtukoy ng na-verify — samakatuwid, opisyal — na mga account ng gobyerno.

Noong Pebrero 2018, inihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ang isang draft na “Administrative Order (AO) sa Paggamit ng Social Media ng Pamahalaan” ay nasa huling round ng mga konsultasyong pampubliko, na kasama ang mga talakayan sa “pakikitungo sa mga troll at pekeng mga page.”

Sinabi ng artikulo ng Philippine News Agency na ang AO ay “naglalayong magbigay ng [isang] balangkas para sa mga ahensya ng gobyerno na pamahalaan ang kanilang mga account sa social media.” Ngunit hindi pa pinipirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang order, at wala pang update tungkol dito mula Pebrero 2018.

Sinabi ni Ragsag na ang kakulangan ng patakaran na ito ay “maaaring maging isang room for improvement” sa hinaharap. Sa ngayon, hinihimok niya ang bawat ahensya ng gobyerno na “tutukan ang kanilang sariling security measures” at ipaalam sa publiko ang kanilang mga opisyal na page at account — isang bagay na ginagawa na ng NPC, ayon kay Ragsag.

Tungkol sa pagsubaybay at pag-aresto sa mga indibidwal o grupo sa likod ng mga pekeng FB page, sinabi niya na ang paghuli sa kanila ay mangangailangan ng isang “whole of government approach” na magsasangkot sa PNP, National Bureau of Investigation, at Department of Justice.

“’Yung whole of government na approach na po ang ating kakailanganin. Pagdating sa pag-trace sa kanila, naniniwala ako na may kakayahan itong mga ahensya na nagpapatupad ng batas natin para habulin po ito, “ sinabi ni Ragsag sa magkahalong Ingles at Filipino.

Sa bahagi ng NPC, sinabi ni Ragsag na kikilos ang Komisyon sa anumang reklamo na inihain ng isang netizen na maaaring naging biktima ng hindi awtorisadong pagproseso ng datos.

Samantala, pinayuhan ni Villaran ng PNP-ACG ang mga netizen na mag-ingat sa “masyadong magandang para maging totoo” na mga online giveaway at raffle na may malaking gantimpala. Ayon sa kanya, “walang basta na lang magbibigay ng napakalaking halaga ng pera nang ganun kadali.”

“Kung humihingi sila ng details sa’yo through (sa) online, tapos hindi mo kilala ang nasa other end (kabilang dulo), wag niyo na ituloy ang transaction (transaksyon) ninyo. Peke ‘yan — hundred percent (isang daang porsyento).”

 

Mga Pinagmulan

Philippine Statistics Office, Employment Situation in April 2020, June 5, 2020

Philippine Statistics Office, Employment Situation in October 2020, Dec. 3, 2020

The Official Gazette, Republic Act No. 11469, March 24, 2020

Philippine Information Agency, DSWD starts distribution of cash aid under Social Amelioration Program, April 5, 2020

Department of Social Welfare and Development, Home page, accessed on Dec. 4, 2020

The Official Gazette, Republic Act No. 10175, Sept. 12, 2012

Australian Cyber Security Centre, Like farming, March 6, 2020

Better Business Bureau, BBB Tip: Like-Farming is a Facebook scam still going strong, June 10, 2020

Macmillan Dictionary, Like-farming, May 7, 2018

GMA News Online, Public school teacher in debt because of identity theft, Feb. 26, 2016

The Official Gazette Act No. 3815, s. 1930, Dec. 8, 1930

National Privacy Commission, NPC PHE BULLETIN No. 4: Protecting personal data in the time of COVID-19, March 23, 2020

Department of Information and Communications Technology, Policy on Government’s Social Media Use undergoes Final Consultation, Feb. 7, 2018

Philippine News Agency, DICT urges gov’t agencies to use social media to promote programs, Feb. 5, 2018

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.