Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Ang mga krimen laban sa sangkatauhan sa salamin ng mga batas ng Pilipinas

Sa pag upo ni Karim Khan bilang chief prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa Hunyo, hinaharap niya ang posibleng imbestigasyon sa mga krimen laban sa sangkatauhan na ginawa umano sa kampanya ng Pilipinas laban sa iligal na droga.

By VERA Files

Mar 3, 2021

14-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa pag upo ni Karim Khan bilang chief prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa Hunyo, hinaharap niya ang posibleng imbestigasyon sa mga krimen laban sa sangkatauhan na ginawa umano sa kampanya ng Pilipinas laban sa iligal na droga.

Binoto ng Assembly of States Parties to the Rome Statute si Khan bilang susunod na tagausig, kapalit ni Fatou Bensouda, sa ika-19 na sesyon nito sa New York City noong Peb. 12.

Sa pagtatapos ni Bensouda ng kanyang siyam-taong termino bilang chief prosecutor sa Hunyo 15, ang kanyang tanggapan ay dapat natapos na ang paunang pagsusuri nito sa mga hinihinalang krimen laban sa sangkatauhan na nagawa sa ilalim ng madugong “giyera kontra droga” ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kabilang sa mga posibleng rekomendasyon ng kanyang tanggapan sa ICC ay ang paglulunsad ng isang pormal na pagsisiyasat sa mga krimeng iyon.

Inaasahan ang desisyon noong nakaraang Disyembre, ngunit dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at “mga hadlang sa kapasidad,” sinabi ng tanggapan ni Bensouda na “inaasahan” na mararating ang desisyon kung hihilingin ang pahintulot ng ICC na “magbukas ng isang imbestigasyon sa sitwasyon sa Pilipinas sa unang kalahati ng taong 2021.” (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Mga update sa paunang pagsusuri ng ICC sa giyera laban sa droga ni Duterte)

Pinag-aaralan ng tanggapan ni Bensouda ang mga hinihinalang krimen laban sa sangkatauhan sa bansa mula noong Pebrero 2018, halos isang buwan bago iniutos ni Duterte ang pag-alis ng Pilipinas bilang isang state party sa Rome Statute, na nagtatag ng ICC. Saklaw ng pagsusuri ang mga hinihinalang krimen na nagawa mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019 kaugnay sa kampanya laban sa iligal na droga ni Duterte.

Sa ulat nito noong nakaraang Disyembre, sinabi ng opisina ng tagausig na ito ay “naniniwala” na may magagamit na impormasyon na magbibigay dito ng “makatuwirang batayan para maniwala” na ang mga krimen laban sa sangkatauhan, tulad ng murder, torture, at serious physical injury at mental harm, ay nagawa sa Pilipinas sa sinusuring panahon na may kaugnayan sa giyera laban sa droga na inilunsad sa buong bansa.

Ang paunang pagsusuri ay simula pa lamang ng hindi bababa sa anim na ligal na pamamaraan na sinusunod ng ICC bago maglabas ng hatol na guilty o pagpawalang sala sa isang taong inaakusahan ng mga krimen na nasasailalim ng nasasakupan nito.

Iba’t ibang rights at civic groups, tulad ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), pati na rin public personalities, kasama si dating senador Antonio Trillanes IV, ang nagsumite ng mga komunikasyon sa ICC na nagdedetalye ng mga pagkilos na maaaring ituring na mga krimen laban sa sangkatauhan na ginawa ni Duterte at ng kanyang sinasabing mga conduit na opisyal na namuno at sumuporta sa giyera laban sa droga mula nang siya ay maging pangulo noong Hulyo 2016.

May mga paraan na magagamit para panagutin ang mga opisyal sa nagawang mga krimen laban sa sangkatauhan bago pa man pinagtibay ng Pilipinas ang Rome Statute at naging isang state party sa ICC noong 2011. (Tingnan ang VERA FILES CHECK: Sabi ni Duterte ang PH ay ‘hindi kailanman’ naging miyembro ng ICC. Ganoon ba?)

Ang Republic Act (RA) 9851, o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, ay naisabatas noong Disyembre 2009. Nagbibigay ito ng mga batayan para sa pagsasampa ng mga demanda at parusa, at itinalaga ang mga korte na maglilitis ng mga kasong isinampa laban sa mga salarin.

Narito ang apat na bagay na kailangan mong malaman tungkol sa RA 9851:

1. Anong mga partikular na pagkilos ang itinuturing na kriminal sa ilalim ng batas?

Ipinagbabawal ng RA 9851 ang anumang krimen laban sa sangkatauhan na “ginawa bilang bahagi ng isang laganap o sistematikong pag-atake” — tulad ng sadyang pagpatay, extermination, at torture — laban sa sinumang sibilyan.

Pinaparusahan nito ang genocide at war crimes alinsunod sa international humanitarian laws and treaties, tulad ng 1948 Genocide Convention at 1949 Geneva Conventions. Ang genocide ay mga pagkilos na naglalayong “sirain” ang kabuuan o bahagi ng isang partikular na grupo tulad ng mga etnikong minorya sa pamamagitan ng pagpatay o pananakit sa kanila, bukod sa iba pa. Ang war crimes ay tumutukoy sa labis na mga pamamaraan ng pakikidigma na nagawa sa panahon ng pang-internasyonal o hindi pang-international na armadong mga hidwaan.

Sa isang pakikipanayam online sa VERA Files noong Enero 11, sinabi ng abugadong si Ruben Carranza, senior expert on war crime tribunals and reparations para sa International Center for Transitional Justice (ICTJ) na nakabase sa New York, “kinopya” ng RA 9851 ang mga probisyon hinggil sa mga krimen laban sa sangkatauhan mula sa Rome Statute. Isang pag-review sa Rome Statute ang nagpakita na ang kahulugan at mga batayan para sa mga krimen laban sa sangkatauhan ay katulad na katulad ng mga probisyon sa RA 9851.

Sinabi ni Carranza na si Harry Roque, ang tagapagsalita ni Duterte, ay nag-lobby pa para sa pagpasa ng mga panukalang batas sa Kongreso na kalaunan ay naging RA 9851, at isinulong para baguhin ang ilang mga probisyon ng batas upang ganap na sumunod ang Pilipinas sa Rome Statute at ICC nang siya ay naging kinatawan ng party-list noong 2016.

Sa isang lecture noong 2011 tungkol sa legal nuances ng pagpapatibay sa Rome Statute, pinanindigan ni Roque, na noon ay isang human rights lawyer at law professor, ang pagpapatibay ng bansa bilang “isang hakbang sa tamang direksyon upang wakasan ang impunity sa Pilipinas at sa lahat ng bahagi ng mundo.”

Suportado at ipinagtatanggol ni Roque, ang nag-iisang abugadong Pilipino na accredited na maglingkod bilang counsel para sa mga akusado at biktima ng international crimes sa harap ng ICC batay counsel registry ng korte noong 2020, ang utos ni Duterte na kumawala ang Pilipinas mula sa Rome Statute.

2. Sino ang maaaring managot sa paglabag sa mga probisyon ng RA 9851?

Ang sinumang indibidwal, kabilang ang mga opisyal ng gobyerno at mga dayuhan, na napatunayang lumabag sa anumang mga probisyon ng RA 9851, ay maaaring kasuhan at usigin sa harap ng Regional Trial Courts (RTC) — na, sa ilalim ng Section 18 ng batas, “ay may orihinal at eksklusibong hurisdiksyon” sa lahat ng nauugnay na mga kaso — o “special courts “ na itinalaga ng Supreme Court (SC).

Habang ang batas ang magpapatotoo sa responsibilidad sa krimen ng indibidwal na akusado, isinasangkot din nito ang opisyal ng gobyerno batay sa command responsibility dahil sa kabiguan na mapigilan ang mga sakop nito na gumawa ng mga paglabag sa RA 9851, o isusumite ang kaso sa mga may kakayahang awtoridad para sa pagsisiyasat at pag-uusig.

Nakasaad sa batas na ang mga korte ay “gagabayan” ng mga kaugnay na international convention, treaty, batas, at mga judicial decision ng international courts at tribunal sa pagbibigay kahulugan sa mga probisyon nito.

Sa ilalim ng Section 17, ang mga lokal na awtoridad ay maaaring “alisin” o ihinto ang pagsisiyasat o pag-uusig kung isa pang korte o international tribunal ay nag-iimbestiga o nag-uusig na ng isang indibidwal para sa isang katulad na pagkakasala “sa interes ng hustisya.”

Sa mga ganitong kaso, ang mga lokal na awtoridad ay “maaaring isuko o ibigay sa ibang bansa ang pamamahala” ng mga hinihinalang o akusadong tao sa “naaangkop na international court, kung mayroon man, o sa ibang Estado alinsunod sa naaangkop na extradition laws at treaties.”

3. Anong mga parusa ang maaaring ipataw sa mga taong lumabag sa batas?

Ang mga taong napatunayang nagkasala sa paggawa ng krimen laban sa sangkatauhan, war crimes, o genocide ay nahaharap sa pagbabayad ng multa na P100,000 hanggang P500,000 at pagkabilanggo ng hindi bababa sa 14 na taon, walong buwan at isang araw hanggang sa 20 taon. Ang assets, ari-arian, at nalikom na direkta o hindi direktang nakuha habang isinagawa ang mga paglabag ay kukumpiskahin din.

Ang mga lokal na korte ay maaaring magpataw ng mas mabibigat na parusa, partikular ang reclusion perpetua (maximum na 30 taong pagkakakulong) at multa ng hanggang P1 milyon “kapag nabigyang katuwiran ng matinding bigat ng krimen,” lalo na kung ang mga krimen ay panggagahasa, o nagresulta sa pagkamatay o serious physical injury, at nakasalalay sa “individual circumstances” ng akusado. Ang mga opisyal ng publiko ay maaari rin maharap sa mga karagdagang parusa sa ilalim ng Revised Penal Code.

Ang mga taong mapapatunayang nagkasala ng pag-uudyok sa iba na gumawa ng genocide ay magdurusa ng pagkabilanggo mula anim na taon at isang araw hanggang 12 taon, at multa ng P10,000 hanggang P20,000.

Sa ilalim ng RA 9851, ang mga biktima ay may karapatan sa reparations para sa mga pinsala o pagkalugi na natamo mula sa kanilang mga salarin batay sa pagtatasa ng korte.

4. Maaari bang managot ang isang nanunungkulang pangulo sa ilalim ng RA 9851?

Habang ipinahihiwatig ng Section 9 ng RA 9851 ang “kawalang-kaugnayan” ng posisyon sa gobyerno ng akusado sa pag-uusig, o pagbawas ng sentensya, ang umuupong pangulo ay hindi maaaring kasuhan dahil sa paglabag sa anumang probisyon ng batas, kabilang ang mga krimen laban sa sangkatauhan, hanggang sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan:

Immunities or special procedural rules that may be attached to the official capacity of a person under Philippine law other than the established constitutional immunity from suit of the Philippine President during his/her tenure, shall not bar the court from exercising its jurisdiction over such a person…

(Ang mga immunity o special procedural rules na maaaring maiugnay sa opisyal na kapasidad ng isang tao sa ilalim ng batas ng Pilipinas maliban sa naitaguyod na constitutional immunity sa kaso ng Pangulo ng Pilipinas sa panahon ng kanyang panunungkulan, ay hindi dapat pumigil sa korte na gamitin ang hurisdiksyon nito sa naturang tao…)

Pinagmulan: Official Gazette, Republic Act 9851, Dis. 11, 2009

Bagaman ang 1987 Philippine Constitution ay walang malinaw na probisyon hinggil sa presidential immunity, hindi katulad sa 1973 Constitution, kinikilala pa rin ng iba`t ibang jurisprudence ang pribilehiyo mula sa mga kriminal o sibil na demanda ng isang nanunungkulang pangulo.

Sa isang 2011 ruling, ipinaliwanag ng SC na ang pagbibigay ng immunity sa pangulo “ay mahalaga [para] mapalaya siya mula sa anumang uri ng panliligalig, hadlang o paggambala upang siya ay ganap na makatutok sa pagganap ng kanyang mga opisyal na tungkulin at gawain.”

Idinagdag ng desisyon, na nauukol sa tatlong petisyon laban sa mga opisyal ng militar at gobyerno na hinihinalang sangkot sa pagdukot sa dalawang nawawalang estudyante ng University of the Philippines noong 2006, na ang pagkaladkad sa pangulo sa mga paglilitis sa korte “ay nagpapahina sa kanyang pagiging kapaki-pakinabang sa pagganap” ng kanyang konstitusyonal na tungkulin. Si dating pangulo Gloria Macapagal-Arroyo, na kabilang sa mga personalidad na pinangalanan ng mga petitioner, ay tinanggal bilang respondent dahil sa kanyang presidential immunity nang panahong iyon.

Gayunpaman, ang immunity sa mga demanda ng isang nakaupong pangulo ng Pilipinas ay hindi umiiral pagdating sa ICC, na mayroong hurisdiksyon sa mga international na krimen tulad ng mga krimen laban sa sangkatauhan. Sinabi ni Carranza na ang korte na nakabase sa The Hague ay hindi kinikilala ang mga immunity mula sa mga kaso ng isang pinuno ng estado. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: ICC can strip off Duterte’s immunity)

Ang Article 27 ng Rome Statute, kung saan kinilala ni Roque, sa isang artikulo noong 2012, bilang “adopted verbatim” sa ilalim ng Section 9 ng RA 9851, ay nagbibigay ng mga immunity o special procedural rules sa ilalim ng pambansa o international law na ipinagkaloob sa sinumang opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga pinuno ng estado o gobyerno, na hindi hahadlangan ang ICC mula sa paggamit ng hurisdiksyon nito.

Sa hindi bababa sa dalawang kaso, ninais ng ICC na ilagay ang dalawang nakaupong pinuno ng mga estado sa paglilitis nang maglabas ito ng mga warrant laban sa dating pangulo ng Sudan na si Omar Al Bashir at yumaong Libyan leader na si Muammar Gaddafi.

Ayon sa ICC, si Al Bashir ay ang kauna-unahang nakaupong pangulo na pinaghahanap ng ICC para sa iba’t ibang mga kaso, kabilang ang dalawang mga krimen laban sa sangkatauhan at limang war crimes, na nangyari sa Darfur, Sudan. Gayunpaman, si Al Bashir ay hindi pa nalilitis sa ICC dahil hindi pa rin siya nahuhuli sa kabila ng dalawang mga arrest warrant na naisyu laban sa kanya. Samantala, ang dalawang krimen laban sa mga kaso ng sangkatauhan laban kay Gaddafi ay natapos kasunod ng kanyang kamatayan noong 2011.

Ang Sudan o Libya ay hindi naging state party o pinagtibay ang Rome Statute. Ngunit pinapayagan ng Rome Statute ang ICC na maglunsad ng isang pagsisiyasat sa mga nagkasalang opisyal ng dalawang bansa dahil ang kanilang mga kaso ay isinangguni ng United Nations Security Council.

Habang umalis na ang Pilipinas sa ICC, pinaninindigan ni Bensouda na ang lahat ng mga krimen na naganap sa bansa sa panahon ng pagiging kasapi nito sa statute mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019, nang opisyal na magkabisa ang pag-atras ng bansa, ay nasa ilalim pa rin ng hurisdıksyon ng korte (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Panelo sa hurisdiksyon ng ICC, batayan ng drug war probe mali, nakaliligaw)

Ang paunang pagsusuri ng ICC sa kampanya kontra droga ni Duterte

Sa kasalukuyan, hindi pa rin inilalabas ni Bensouda ang konklusyon ng paunang pagsusuri sa mga paglabag sa karapatan sa ilalim ng giyera laban sa droga ni Duterte mula nang magsimula ang proseso noong 2018. Nakasaad sa Article 15 at 53 ng Rome Statute na para maipagpatuloy ng tagausig ang isang pagsisiyasat, dapat niya munang mapagtibay ang hurisdiksyon ng korte sa mga hinihinalang krimen na nangyari at tasahan ang gravity, complementarity, at interes ng hustisya sa sitwasyon.

Kung makapagtatag ng batayan si Bensouda, kailangan niyang kumuha ng isang pahintulot mula sa ICC Pre-Trial Chamber upang maglunsad ng imbestigasyon at hilingin ang pagpapalabas ng mga summon o arrest warrant laban sa mga hinihinalang opisyal ng Pilipinas para humarap sa korte.

Narito ang isang na-update na timeline ng mga kaganapan bago at sa panahon ng paunang pagsusuri ni Bensouda, na inaasahan niyang makukumpleto bago matapos ang kanyang termino sa Hunyo 15:

(Tingnan ang PH gov’t inaction on 5,000 deaths related to drug war bolsters case vs Duterte in ICC, lawyer says)

 

Mga Pinagmulan

International Criminal Court, Curriculum vitae – Karim Khan, Accessed Feb. 18, 2021

International Criminal Court, Assembly of States Parties concludes the second resumption of its nineteenth session, Feb.12, 2021

International Criminal Court, Who’s who, Accessed Feb. 18, 2021

Official Gazette, Republic Act No. 9851

United Nations, Convention on the Prevention and Punishment of the Crime of Genocide, Accessed Feb. 18, 2021

United Nations, IV GENEVA CONVENTION RELATIVE TO THE PROTECTION OF CIVILIAN PERSONS IN TIME OF WAR OF 12 AUGUST 1949 PART I General Provisions A, Accessed Feb. 18, 2021

United Nations Office of the High Commissioner for Human rights, Protection of Civilian Persons in Time of War, Accessed Feb. 18, 2021

Interview with Ruben Carranza, Jan. 11, 2021

International Center for Transitional Justice, Ruben Carranza | International Center for Transitional Justice, Accessed Feb. 18, 2021

International Criminal Court, Rome Statute

ICC Office of the Prosecutor annual report

Archive.org, ICC at long last by Harry Roque, Accessed Feb. 18, 2021

Congress bills of Roque

Philippine Judicial Academy, Journal volume 14, issue no. 38, 2012

International Criminal Court, Registry (page 610-700), Accessed Feb. 18, 2021

RTVMalacanang, Press Briefing 3/15/2018, March 15, 2018

Official Gazette, Act No. 3815, s. 1930, Dec. 18, 1930

Official Gazette, The Constitution of the Republic of the Philippines (1987), 1987

Official Gazette, 1973 Constitution of the Republic of the Philippines, 1973

Supreme Court, G.R. Nos. 184461-62, May 31, 2011

International Criminal Court, Situation in Darfur, Sudan, Accessed Feb. 18, 2021

International Criminal Court, Al Bashir Case, Accessed Feb. 18, 2021

International Criminal Court, Gaddafi Case, Accessed Feb. 18, 2021

United Nations, Rome Statute, Accessed Feb. 18, 2021

Sources for the timeline

International Criminal Court, Statement of the Prosecutor of the International Criminal Court, Fatou Bensouda concerning the situation in the Republic of the Philippines, Oct. 13, 2016

Senate of the Philippines, Trillanes, Magdalo charge Duterte at ICC, June 6, 2017

International Criminal Court, Statement of the Prosecutor of the International Criminal Court, Fatou Bensouda, on opening Preliminary Examinations into the situations in the Philippines and in Venezuela, Feb. 8, 2018

Department of Foreign Affairs, PH Officially Serves Notice to UN of Decision to Withdraw from ICC, March 16, 2018

International Criminal Court, ICC Statement on The Philippines’ notice of withdrawal: State participation in Rome Statute system essential to international rule of law, March 20, 2018

Senate of the Philippines, Supreme Court asked to allow de Lima to argue on Rome Statute case, July 26, 2018

Philippine Coalition for the International Criminal Court, PCICC petition to the Supreme Court

International Criminal Court, ICC Statement on The Philippines’ notice of withdrawal: State participation in Rome Statute system essential to international rule of law, March 17, 2019

Gascon: Four more communications to the ICC

Lawyers wants to withdraw communication to the ICC

Groups filed communication to ICC

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.