Skip to content
post thumbnail

FACT CHECK: Bong Go minaliit ang ‘kaugnayan’ ni Duterte kay Michael Yang

WHAT WAS CLAIMED

Inilarawan ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go si Michael Yang bilang isang negosyanteng Tsino na “iniuugnay” kay dating pangulong Rodrigo Duterte.

OUR VERDICT

Kailangan ng konteksto:

Si Michael Yang ay hindi basta-basta naiugnay kay Duterte. Siya ang dating economic adviser ng pangulo noong 2018.

By VERA Files

Sep 20, 2024

3-minute read

Translate

ifcn badge

Share This Article

:

Sinusubukang ilayo si dating pangulong Rodrigo Duterte sa mga kriminal na aktibidad na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), sinabi ni Sen. Christopher Lawrence Bong” Go sa pagdinig sa Senado na ang negosyanteng Tsino na si Michael Yang ay “naugnay” kay Duterte. Ito ay kulang sa konteksto.

PAHAYAG

Sa kanyang pangwakas na pananalita noong Setyembre 9 na pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa POGOs, sinabi ni Go na ang pagtanggi ng sinibak na mayor ng Bamban na si Alice Guo na sagutin ang mga tanong ng mga senador ay nagbunsod sa mga tao na maghinala na mayroon siyang koneksyon sa “mga inosenteng tao,” kabilang na si Duterte.

Paliwanag ng senador, hindi niya ipinagtatanggol si Duterte sa halip ay nagsasabi ng totoo na noon pa man ay kinasusuklaman ng dating pangulo ang mga ilegal na aktibidad. Sinabi ni Go:

Noong mayor siya, binalaan niya nga mismo ‘yung parating nauugnay sa kanya na si Michael Yang sa Davao. Nagne-negosyo ‘yan do’n, pumunta, early 2000s pa siguro.”

Pinagmulan: Senate of the Philippines, Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality (Setyembre 9, 2024), Set. 9, 2024, panoorin mula 5:19:56 hanggang 5:20:09

Idinagdag niya:

Sinabihan niya ‘yan, ‘pag nag-negosyo ka ng iligal dito, ibabaon kita nang buhay dito.Ibig sabihin, ayaw niya po ng ilegal, si dating pangulong Duterte. Lalo na noong naging presidente po siya, ayaw niya ng ilegal sa kanyang pamumuno.”

Pinagmulan: panoorin mula 5:20:17 hanggang 5:20:33

ANG KATOTOHANAN

Si Yang ay hindi lang naiugnay kay Duterte. Siya ang economic adviser ng dating presidente noong 2018. Sa isang pampublikong talumpati noong Oktubre 2018, iwinaksi ni Duterte ang mga alegasyon na si Yang ay sangkot sa illegal drug trade.

FACT CHECK: Bong Go minaliit ang ‘kaugnayan’ ni Duterte kay Michael Yang

Noong Hulyo 11, itinanggi ni Yang, sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Raymond Fortun, ang mga paratang na may kaugnayan siya sa mga POGO.

Makalipas ang apat na araw, noong Hulyo 15, tinukoy ni Sen. Risa Hontiveros, sa pagdinig sa Senado, ang mga dokumentong nagpapakita na ang kapatid ni Yang, si Hongjiang Yang, ay gumawa ng mga direktang transaksyon sa Baofu Land Development.

Ang Baofu, na pag-aari ng sinibak na mayor ng Bamban na si Alice Guo, ay nagpaupa ng ari-arian nito sa Hongsheng Gaming Technology at Zun Yuan Technology Inc., ang dalawang POGO sa Bamban, Tarlac na sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission noong Pebrero 2023 at Marso 2024, ayon sa pagkakabanggit.

Sinabi pa ng senador na si Hongjiang ay incorporator ng Philippine Full Win Group of Companies na pag-aari ni Michael Yang.

BACKSTORY

Itinanggi ni Duterte noong Oktubre 2018 na itinalaga niya si Yang bilang kanyang economic adviser. Nang sumunod na buwan, noong Nob. 6, 2018, kinumpirma ng noo’y chief presidential legal counsel na si Salvador Panelo ang posisyon ni Yang bilang “consultant” kay Duterte.

Noong 2021, nasangkot din si Yang sa P8.68-bilyong kontrata ng Pharmally, na bahagi ng pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbon Committee sa overpriced na pagbili ng personal protective equipment para sa COVID-19 pandemic.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.