Nakita ng VERA Files ang mga palatandaan ng sinadyang gawa-gawang post na nagkakalat ng maling impormasyon mula sa 13 Facebook (FB) accounts ng mga dating pulis. Nagbitiw sa Philippine National Police (PNP) ang mga user bilang protesta umano sa pagkakasangkot daw ng kanilang mga opisyal sa pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Tinatawag na coordinated inauthentic behavior sa teknical na pananalita, ang kasanayang ito ay tumutukoy sa mga tagapagpahiwatig na ang ilang mga post sa social media ay nagmumula sa isang orchestrated na pagsisikap ng malign actors o masasamang tao upang i-promote ang isang partikular na salaysay o kwento. Ginagawa nilang mukhang tunay ang salaysay na ito at sumasalamin sa mga sentimyento ng publiko sa antas ng grassroots o mga nasa laylayan sa ilang mga isyu.
Si Duterte ay inaresto noong Marso 11 noong dumating siya mula sa isang biyahe sa Hong Kong kasama ang ilang miyembro ng kanyang pamilya at mga kaalyado sa pulitika. Labing-isa sa mga post ang umikot mula hapon ng Marso 12 hanggang gabi ng Marso 13, habang dalawa ang nai-post sa mga sumunod na araw.
Ang mga kahina-hinalang account ay nagbahagi ng parehong mga damdamin na nakabalangkas sa parehong pagkakasunud-sunod ng pagsasalaysay. Una nilang ikinalungkot na ginagamit ang PNP para sa “politikal na interes,” pagkatapos ay nagpahayag sila ng kanilang katapatan kay Duterte, at “nag-sign off” sa kanilang mga puwesto umano bilang pakikiisa sa dating pangulo.
Ang 13 posts ay umani ng mahigit 257,000 reactions, mahigit 158,000 shares at pataas ng 20,000 comments na pinagsama-sama noong March 31.
Isang serye ng mga muling pagsasalaysay ang nagpalaki sa mga kwento na ito na may karagdagang 173,000 reactions at 136,000 shares.
Inaresto at binitbit nina PNP Chief Gen. Rommel Marbil at Criminal Investigation and Detection Group Director General Nicolas Torre III si Duterte noong Marso 11 sa bisa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court, na idinaan sa International Criminal Police Organization. Kasunod nito, dinala si Duterte sa The Hague, Netherlands kung saan siya ay nahaharap sa paglilitis dahil sa mga krimen laban sa sangkatauhan ng pagpatay kaugnay ng kanyang madugong giyera laban sa iligal na droga sa panahon ng kanyang pagkapangulo.
Kasunod ng pag-aresto, kumalat sa social media ang umano’y malawakang pagbibitiw sa hanay ng pulisya. Gayunpaman, nalaman ng VERA Files na hindi bababa sa apat sa mga umano’y nagbitiw na opisyal ay wala na sa serbisyo bago Marso 10.
Ang mga FB user na sina Isko-lar Bogart at Kevin Castro Sayson ay parehong nag-anunsyo ng kanilang pagbibitiw pagkatapos lamang ng pag aresto kay Duterte bagama’t umalis sila sa PNP noong 2023 pa. Nilinaw ng isa pang dating pulis na may handle na Vhel Tabs sa sumunod na post na siya ay nag resign noong Abril 2024.
Ang isa pang may hinanakit na dating opisyal, si CM Nimes, ay humarap sa pambabatikos matapos ang isang mapanlinlang na post na tila nagbitiw siya kamakailan lamang. Sa pagsagot sa isang komento, sinabi niya sa isang bahagi, “lahat ng nag resign 2024 yan. Walang nag resign 2025 pero AWOL lahat, dahil yun ang pinakamadali.”
Ang user na si Einastasia Grey, na “nag-sign off” mula sa kanyang mga tungkulin sa pulisya, ay tila nakatira na sa ibang bansa, batay sa kanyang bio sa FB at iba pang mga post.
Binanggit ng influencer na si Yumi Santiago na tumigil na siya sa pagiging reservist bilang sarhento, at sinabi sa ibang mga post na siya ay sumali sa militar at hindi tumatanggap ng anumang suweldo.
Ang mga reservist sa military auxiliary service ay napapailalim sa mga alituntunin sa resignation at discharge, ayon sa Republic Act No. 7077 o ang Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act. Lahat ng aktibong reservist ay may karapatan sa isang allowance, habang ang mga naka-enlist na opisyal ay tumatanggap ng bayad para sa kanilang serbisyo.
Parehong itinanggi ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagbitiw sa pwesto ang mga opisyal sa kanilang mga unit matapos arestuhin si Duterte.
“Ang mga ulat ng pagbibitiw ng mga tauhan ng AFP bilang suporta kay dating pangulong Duterte ay nananatiling unverified,” sabi ng tagapagsalita ng militar na si Col. Francel Padilla.
Ito rin ang sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo: “Tinanong ko po ‘yung personnel, so far wala pa naman po.”
Parehong script na halos perpekto ang Ingles
Ang mga anunsyo ng pagbibitiw ay nagbahagi ng magkatulad na mga talking points, na 12 sa 13 mga post na may mga balangkas na magkatulad ang pagkakasunud-sunod sa mga caption ng post.
Una nang ipinahayag ng mga user kung gaano nila ipinagmamalaki na naging bahagi sila ng PNP, na sinundan ng kanilang pasasalamat sa dating pangulo. Pinaulanan nila ng mga papuri ang paglaban ni Duterte sa krimen at pagbibigay-diin sa disiplina.
Pagkatapos, nagdeklara sila ng kanilang pagkadismaya sa umano’y pagguho ng integridad ng institusyon ng pulisya, na may ilang mga post na nagsasabing ginamit sila para sa personal at pampulitikang interes. Nagtapos ang mga user sa pamamagitan ng pag-anunsyo ng kanilang pagkalas sa puwersa, at nagpasyang “mag-sign off” sa halip na “magbitiw.”
Labing-isa sa 13 post ay perpekto ang Ingles at ang mga caption ay gumamit ng magkatulad na seleksyon ng mga salita at madalas na ginagamit ang mga gitling (—), na nagpapahiwatig ng posibleng paggamit ng AI sa komposisyon.
Ang dalawang post sa Tagalog ay kapansin-pansing mas maikli kaysa sa iba, kapwa binubuo lamang ng isang talata kumpara sa mala-sanaysay na haba ng mga caption sa Ingles.
Isang hose ng ‘mga nagdurugong puso,’ copy pastas
“Mga headline” na gamit ang malaking titik, mga sipi na naka-bold type, mga font na nakakaakit ng pansin, mga graphics card na may puspos na kulay at nagkukunwaring lehitimo na may mga opisyal na pangalan ng page—ang modus operandi para sa dumami ang maaabot ng disinformation online. Sa pamamagitan ng nalikhang ingay ng mga post ng pagbibitiw ng pulisya, sinimulan ng mga amplifier account ang kanilang sunud-sunod na mga repost bandang hapon noong Marso 12.
Ang naabot ng orihinal na mga kwento ay halos nadoble ng 20 karagdagang mga post na inilathala ng 13 na mga account. Ang mga muling pagsasalaysay na ito ay nakakuha ng higit sa 173,000 reactions at 136,000 shares. Kumuha ng mga sipi mula sa orihinal na mga post, ginawa nilang mas maigsi at madali ma-share ang mga salaysay.
Ang mga page na nag-post ng 14 sa 20 post ay may label na “media,” “exclusivo,” “news,” “trend” at “Pilipinas.”
Noong 2021, nakita ng VERA Files na ang mga nagbabahagi ng disinformation ay madalas na gumamit ng mga salitang tulad nito para magpanggap bilang mga news media outlet, na nagpapahiwatig ng pagiging lehitimo.
Samantala, lima pang mga post sa 20 ang mukhang magkapareho. Lahat na-upload noong Marso 13 ng iba’t ibang account, muling ibinahagi ng mga post na ito ang salaysay ni Jessan Ejes Tano. Kinuha nila ang mga litrato at text na kopyang-kopya na may kasamang caption:
“Sya Ang Nakita nating isa sa umiiyak kahapon..nag resign na siya ..grabi (sic) nagdurugo ang puso ko para sa yo”
Kumalat sa online ang mga tsismis na nakitang umiiyak ang mga opisyal ng PNP Special Action Force (SAF) noong nasa kustodiya ng pulisya si Duterte noong Marso 11 sa Villamor Air Base sa Pasay City, kaya ganoon ang caption.
Gayunpaman, sinabi ni Tano sa isang hiwalay na post na kabilang siya sa ibang unit at wala siya sa Villamor sa panahon ng pag-aresto kay Duterte. Sinabi rin ni PNP spokesperson Fajardo na nagpupunas lamang ng pawis ang mga opisyal ng SAF at hindi luha.
“Naroon kami… mataas ang tensyon doon, ang init, ang daming tao,” sinabi niya sa PNP briefing noong Marso 13.
Sa 13 pages na muling nagbahagi ng mga salaysay, tatlo ang paulit-ulit na nag-post tungkol sa mga opisyal ng pulis na umano’y nagbitiw. Mula Marso 12 hanggang 13, may limang post ang page na AMPilipinas tungkol sa iba’t ibang opisyal, tatlong post ang Giting ng Pinas at dalawang post ang Boses ng Pilipino.
Ang Boses ng Pilipino ang partikular na nagpakita ng kahina-hinalang gawi. Ginawa ang account noong Abril 17, 2019 ngunit nagsimulang mag-post araw-araw noong Marso 12 lamang. Bago ang petsang ito, dalawang beses lang nag-post ang page noong 2020 at binago ang mga profile picture at header noong 2019, 2023 at 2024.
Ang Philippine fact-checking alliance na Tsek.ph, kung saan kabilang ang VERA Files, ay nag-ulat ng pagtaas ng online disinformation kasunod ng pag-aresto kay Duterte. Ang mga huwad na post sa social media na ito ay sumandal nang husto pabor sa dating pangulo.
“Ang mga gawa-gawang pahayag at mapanlinlang na mga salaysay ay malawakang tinukoy siya bilang biktima ng kawalang-katarungan sa pagsisikap na makakuha ng suporta ng publiko,” isinulat ng Tsek.ph project coordinator na si Yvonne Chua, isang co-founder ng VERA Files.
Nanguna sa gulo ng mga post ay mga gawa-gawang pahayag ng suporta mula sa mga maimpluwensyang personalidad at kathang-isip na mga karakter, mga lumang kuha ng protesta na ginawang parang mga pro-Duterte rali at mga tsismis laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mga pinuno ng PNP at kaalyado ng administrasyon.
Nagbabala ang United States Cybersecurity and Infrastructure Security Agency na maaaring gamitin ng mga nagbabahagi ng disinformation ang mga breaking news na kaganapan dahil ang buong pangyayari ay hindi madaling malaman ng publiko sa mga pagkakataong ito.
“Maaaring samantalahin ng mga disinformation actor ang puwang na ito sa pamamagitan ng paggawa ng kanilang sariling influence content at pagtatanim ng search term sa social media para hikayatin ang mga tao na hanapin ito,” isinulat ng ahensya sa gabay nito laban sa mga taktika ng disinformation.