Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK YEARENDER: Sa taong 2021, Marcos Jr. pinakanakinabang sa disinformation na may kaugnayan sa halalan; Robredo ang paboritong target

Todo ang trabaho ng mga publisher ng disinformation ngayong taon sa kanilang paggawa ng mga hindi tumpak na post na may kaugnayan sa halalan – karamihan sa mga ito ay umikot para suportahan o atakihin ang ilang mga political aspirants bago pa man ang opisyal na pagsisimula ng kampanya para sa mga pambansang eleksyon sa susunod na taon.

By Merinette Retona

Dec 28, 2021

9-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Todo ang trabaho ng mga publisher ng disinformation ngayong taon sa kanilang paggawa ng mga hindi tumpak na post na may kaugnayan sa halalan – karamihan sa mga ito ay umikot para suportahan o atakihin ang ilang mga political aspirants bago pa man ang opisyal na pagsisimula ng kampanya para sa mga pambansang eleksyon sa susunod na taon.

Ang nangungunang benepisyaryo ng naturang mga post ay si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., habang si Vice President Leni Robredo ang lumilitaw na pinaka-target.

Pinabulaanan ng VERA Files Fact Check, isang third-party na fact-checking partner ng Meta, ang 336 viral online posts mula Enero 1 hanggang Dis.10. Mahigit sa ikatlong bahagi ng mga ito (120) ay nauugnay sa darating na halalan.

Sa bilang na ito, 52 ang nagtaguyod kay Marcos, na naghahangad na kumandidato bilang pangulo sa halalan sa Mayo, o binaluktot ang mga katotohanan tungkol sa mga kaso ng nakaw na yaman ng kanyang pamilya at ang mga kalupitan na ginawa sa ilalim ng administrasyon ng kanyang ama, ang yumaong diktador Ferdinand Marcos Sr.

Ang malayong runner-up kay Marcos ay ang kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na may 15 posts na pabor sa kanya. Ang kanyang ama, si Pangulong Rodrigo Duterte, ay pumangatlo na may 11 posts.

Sa huling pagkakataon na gumawa ng katulad na pagsusuri ang VERA Files, si Pangulong Duterte ang nangunguna.

Ang post na nakakuha ng pinakamaraming views at may pinakamaraming naabot sa lahat ng nilalaman online na nauugnay sa halalan na na-verify ng VERA Files Fact Check ay isang Facebook (FB) video noong Abril 2020 na muling lumabas nitong Nobyembre. Dala nito ang mali, mapanlinlang, at hindi tumpak na mga pahayag tungkol sa mga Swiss bank account na binuksan nina Ferdinand at Imelda Marcos noong 1968 para itago ang mga nakaw na asset.

(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Video with multiple FALSE claims on Marcos’ Swiss bank accounts back online)

Ang video ay muling binuhay halos kasabay ng paghain ng mga petisyon na naglalayong kanselahin ang certificate of candidacy (COC) ni Marcos o i-disqualify siya sa pagtakbo sa 2022. Ang maling clip ay napanood ng mahigit 21.9 milyong beses at posibleng umabot sa 24 milyong netizens, ayon sa social media monitoring tool na CrowdTangle.

Kapansin-pansin, ang pinaka-viral na nilalaman na na-flag ng VERA Files Fact Check na may mga pahayag na kapaki-pakinabang kay Marcos ay may kinalaman sa kanyang ama, partikular ang mga pagtanggi sa mga krimen na ikinaso laban sa yumaong pangulo.

Ang pangalawang pinakapinapanood na bahagi ng disinformation na aming pinabulaanan, na may naipon na 8.5 milyong views mula sa mga platform na nagkalat nito, ay isang video na maling nagsasabi na ang mga paglabag sa karapatang pantao na ginawa noong Martial Law ay “hindi kailanman napatunayan sa korte.” Samantala, ang mga post na pumangatlo at pumang-apat ayon sa dami ng audience na inabot — may 10.8 milyon at 5.2 milyon na gumagamit ng internet, ayon sa pagkakasunod-sunod — parehong nagsabing wala sa mga kasong isinampa laban sa mga Marcos ang nagpakita ng ebidensya na nagnakaw sila sa kaban ng bansa. Ito ay isang paulit-ulit na pinabulaanan na kasinungalingan.

Narito ang iba pang mga trend na lumabas mula sa pagsusuri ng mga fact check sa online disinformation na nauugnay sa halalan na inilathala ng VERA Files Fact Check ngayong taon:

Ang mga tunay na kaganapan sa pulitika ay nag pasimula ng disinformation na nauugnay sa halalan

Mayroong 28 pahayag na napasinungalingan noong Nobyembre, ang pinakamataas sa lahat ng buwan, na sinundan ng Oktubre na may 24.

Karamihan sa mga viral post na na-flag sa panahong ito ay nakadepende sa konteksto ng paghahain ng mga COC mula Okt. 1 hanggang Okt. 8, ngunit pinalawig hanggang Nob. 15, ang huling araw para sa pagpapalit ng mga kandidato batay sa pag-withdraw, pagkamatay, o diskwalipikasyon.

Ang paghahain ng ilang petisyon na humahamon sa presidential bid ni Marcos ay nagbunsod ng pagtaas sa bilang ng mga nalathalang nilalaman ng disinformation na kinasasangkutan niya noong Nobyembre, karamihan ay nagtataguyod sa kanyang kandidatura o nagpapabango sa kanyang pangalan.

Ang mga karaniwang tema sa pro-Bongbong disinformation, bukod sa nakaw na yaman ng kanyang pamilya, ay kinabibilangan ng mga hindi totoong pahayag tungkol sa kanyang edukasyon sa Oxford at dinoktor na mga litrato at video na nagpapakita ng mga electoral rally na sumusuporta sa kanyang kandidatura ngunit, sa katunayan, ay hango sa iba’t ibang mga kaganapan.

Ang isang halimbawa ng huli ay isang Okt. 25 TikTok video na nagsabing nagpapakita ng isang grupo na binabanggit ang pangalan ni Marcos habang naglalakad sa Manila Baywalk Dolomite Beach. Ngunit ang totoo, ang orihinal na video ay nagpakita sa mga miyembro ng isang relihiyosong organisasyon na kumakanta ng praise songs sa tourist spot; ibang audio file, kung saan maririnig na sinisigaw ng mga tao ang pangalan ni Marcos, ang naka-overlay sa clip. Ang dinoktor na post ay nag-viral, na nakakuha ng 1.1 milyong views, 140,000 likes, at 3,000 shares.

Infographic about altered video

(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: TikTok video of crowd chanting Marcos’s name in Manila Bay is FAKE)

Samantala, ang pinaka-target na paksa ng mga disinformation publisher ay ang karibal ni Marcos sa pulitika, si Vice President Leni Robredo. Sa 28 na-flag na mga disinformation post na laban sa kanya, si Robredo ang pangunahing biktima ng mga maling pahayag na nauugnay sa halalan sa mga lokal na pampublikong personalidad.

Ang unang serye ng maling nilalaman tungkol kay Robredo ay lumabas noong Pebrero. Kung matatandaan, Peb. 16 nang ibinasura ng Supreme Court (SC), na nakaupo bilang Presidential Electoral Tribunal, ang election protest ni Marcos sa kanyang pagkapanalo noong 2016 elections.

Sa buong taon, sinuri ng VERA Files ang 11 viral posts na may kaugnayan sa poll protest — 10 sa mga ito ay kinuwestiyon ang kredibilidad ng pagkapanalo ni Robredo noong 2016. Ang isa naman ay maling ipinahayag na ang ponente ng kaso, si Associate Justice Marvic Leonen, ay mai-impeach.

Ang isa pang nangingibabaw na tema sa mga disinformation post na umaasinta sa bise presidente ay ang paglalarawan sa kanya na gumagawa ng mga walang katuturang pahayag at walang kakayahan na humawak ng pampublikong tungkulin. Sa siyam na fact check na nauugnay dito, lima ang may kinalaman sa mga gawa-gawang pahayag na iniuugnay kay Robredo. Ang pinakahuli ay ang muling pagbuhay ng isang lumang pekeng quote kung saan hinikayat daw niya ang mga gumagamit ng iligal na droga na magdala ng baril para sa isang “patas na labanan” kapag may raid ang mga pulis.

Ang boxing champion at senador Emmanuel “Manny” Pacquiao ay nabiktima rin ng isang serye ng disinformation mula Mayo hanggang Hulyo, na naging dahilan upang siya ang pangalawang pinaka-target na public figure kasunod ni Robredo.

Nagsimula ang mga pag-atake matapos siyang magbigay ng hindi paborableng komento hinggil sa posisyon ni Pangulong Duterte sa hindi pagkakaunawaan sa West Philippine Sea. Ang kanyang mga pahayag ay nagresulta sa isang word war sa pagitan ng mga kaalyado na kabilang sa parehong partidong pampulitika at sa huli ay humantong sa pagkakahati ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Ang alitan sa pagitan ng dalawang paksyon ng partido ay nagresulta sa social media content na higit na laban kay Pacquiao. Sa 11 fact checks na inilathala na nagpapasinungaling sa hindi tumpak na impormasyon sa konteksto ng awayan sa PDP-Laban, tatlo ang tungkol sa college degree ni Pacquiao mula sa University of Makati. Paulit-ulit na sinasabi ng mga netizen na nakuha ng boksingero ang kanyang diploma sa loob lamang ng tatlong buwan ng pag-aaral, ngunit sa katunayan, sumailalim siya at natapos ang isang specialized program na tumakbo sa loob ng 16 na buwan.

Karamihan sa mga disinformation post noong 2021 na nauugnay sa halalan ay nasa video format

Sa paglikha ng nilalaman na nauugnay sa halalan ngayong taon, video ang format na pinakagusto ng mga nagkakalat ng disinformation. Sa 120 na na-flag na mga post, 56 ang may kinalaman sa mga video. Pumapangalawa ang mga litrato na may 33 posts sa format na ito, habang ang mga quote card — ang pinaka nangingibabaw na uri ng social media disinformation noong 2019 — ay pumangatlo na may 21.

Napansin din na habang ang karamihan sa mga maling impormasyon na video na may kaugnayan sa halalan ay orihinal na na-upload sa YouTube, ang kanilang pagpapakalat at pagpapalakas ay kadalasang ginagawa ng mga FB page at pribadong FB user na nag-repost ng mga video sa alinman sa mga pampublikong FB groups o sa kanilang sariling mga account. Nagresulta ito sa mas malawak na abot ng mga hindi totoong clip.

Ang pakanang ito sa pagitan ng mga YouTube channel at FB accounts ay mukhang planado (coordinated). (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK YEARENDER: YouTube disinformation more notorious and networked on Facebook in 2021)

Na-flag din namin ang tatlong maling clip na nagmula sa TikTok. Mas maraming disinformation na nauugnay sa halalan ang maaaring asahan mula sa mga user ng social media site na ito dahil nagsimula nang gamitin ng mga tagasuporta ng 2022 political aspirants ang platform para itaguyod ang kanilang mga manok sa mas malaking online audience.

Ang mga social media account na naglalako ng disinformation ay nagprepresinta bilang “news” outlets o nagdadala ng mga pangalan ng mga public figure tulad ng “Duterte” at “Marcos”

Hanggang Dis. 10, ang VERA Files Fact Check ay nag-flag ng 160 FB pages, 49 na pampublikong FB groups, at 10 YouTube channels na guilty sa pag-upload, pagbabahagi, o pagbuo ng trapiko online na disinformation na nauugnay sa halalan. Ang dami ng mga flag na ito ay higit na binibigyang-diin ang papel ng mga social networking platform sa patuloy na pagpapalakas ng disinformation sa Internet.

Sa bilang na ito, 35 FB pages, isang FB group, at walong YouTube channel ang may dala ng salitang nauugnay sa balita sa kanilang pangalan (gaya ng “balita,” “ngayon,” “live,” at “tv”) o ipinipresenta ang kanilang mga sarili bilang mga account na naglalabas ng mga regular na update sa kasalukuyan at makabuluhang mga kaganapan.

Ang ilan sa mga account na ito ay nagdadala rin ng mga pangalan nina Marcos Jr. (38), mga Duterte (28), Robredo (8), at SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta (6).

Tatlo sa limang pinaka-flagged na social media accounts na naglabas ng hindi tumpak na impormasyong may kaugnayan sa halalan ay ang mga YouTube channel: Banat News TV (na-flag nang 17 beses), Showbiz Fanaticz (na-flag nang 10 beses), at DDS NEWSINFO (na-flag ng limang beses). Ang mga FB page na Duterte News Info at Rodante Marcoleta live ay na-flag nang hindi bababa sa anim at apat na beses, ayon sa pagkakabanggit.

 

— kasama ang mga ulat mula kay Bryan Manalang

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Commission on Elections, Resolution No. 10695, Feb. 10, 2021

Supreme Court of the Philippines, PRESS BRIEFER, Feb. 16, 2021

ABS-CBN News, Pacquiao: Duterte’s stance vs China waned after 2016 elections, May 3, 2021

Inquirer.net, ‘Nakukulangan ako:’ Pacquiao finds Duterte’s recent stance vs China over WPS lacking, May 3, 2021

GMA News Online, Pacquiao finds Duterte’s statements on Chinese incursions at WPS lacking, May 3, 2021

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.