Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Defensor mali sa paggiit na PDRs ay katumbas ng pagmamay-ari ng mga dayuhan

Ang pag isyu ng Philippine Depositary Receipts (PDR) sa mga dayuhan ay hindi kapareho ng pagbibigay sa kanila ng aktuwal na pagmamay-ari, taliwas sa pahayag ni ANAKALUSUGAN Party-list Rep. Mike Defensor tungkol sa pagbasura sa aplikasyon para sa prangkisa ng ABS-CBN.

By VERA Files

Jul 28, 2020

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Ang pag isyu ng Philippine Depositary Receipts (PDR) sa mga dayuhan ay hindi kapareho ng pagbibigay sa kanila ng aktuwal na pagmamay-ari, taliwas sa pahayag ni ANAKALUSUGAN Party-list Rep. Mike Defensor tungkol sa pagbasura sa aplikasyon para sa prangkisa ng ABS-CBN.

PAHAYAG

Sa isang panayam noong Hulyo 13 sa ANC, ipinagtanggol ni Defensor ang kanyang desisyon pati ng House franchise committee na “pumatay” sa panibagong prangkisa ng ABS-CBN. Sinabi niya:

The case of [ABS-CBN’s] PDRs is strong for me because it is a constitutionally mandated provision that there should be no foreign ownership. PDRs are equal to actual ownership (Ang kaso ng [ABS-CBN] PDRs ay matibay para sa akin dahil ito ay ipinag-uutos sa probisyon ng konstitusyon na hindi dapat magkaroon ng pagmamay-ari ang mga dayuhan. Ang mga PDR ay kapareho ng aktwal na pagmamay-ari).”

Pinagmulan: ANC 24/7, Rep. Defensor: ABS-CBN franchise denial not a death penalty, but ‘life imprisonment to reform’| ANC, ANC, Hulyo 13, 2020, panoorin mula 15:36 hanggang 15:49

Inulit ni Defensor ang mga kongklusyon sa ulat ng technical working group (TWG), na nagsabi na ang “mekanismo ng corporate layering ng ABS-CBN … ginagawa ang mga may hawak ng PDR na indirect na mga may-ari ng pinagbabatayang shares of stock ng ABS-CBN,” at sa gayon ay lumalabag sa Sec. 11, Article XVI ng Konstitusyon na nagbabawal sa pagmamay-ari ng mga dayuhan sa media media.

ANG KATOTOHANAN

Ang pag-iisyu ng PDR sa mga dayuhan ay hindi nagbibigay sa kanila ng aktuwal na pagmamay-ari ng isang kumpanya o korporasyon.

Ang mga PDR ay uri ng securities na nagbibigay ng karapatan sa mga may-ari sa pagbebentahan ng pinagbabatayan na shares. Gayunman, ang mga ito ay “hindi ebidensya o pahayag o sertipiko ng pagmamay-ari ng isang korporasyon,” ayon sa Philippine Stock Exchange (PSE).

Ang securities ay “shares, pakikilahok o interes” sa isang korporasyon, komersyal na negosyo o pagkakakitaan,” napapatunayan ng isang certificate, kontrata [o] instrumento,” ayon sa PSE.

Sinabi ng abugadong si Romel Bagares, sa isang pakikipanayam noong 2017 sa VERA Files, na ang PDRs ay “mga gamit sa pamumuhunan” na nilikha ng mga negosyo at abogado upang salikin ang mga dayuhang mamumuhunan nang hindi lumalabag sa Konstitusyon. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Tatlong bagay tungkol sa Rappler na mali si Duterte,VERA FILES FACT SHEET: Pagpapawalang bisa ng SEC sa rehistro ng Rappler ipinaliwanag)

Sa pamumuhunan, ang mga may hawak ng PDR ay nakikibahagi sa kita ng kumpanya ngunit walang “kontrol” sa pang-araw-araw na operasyon, walang representasyon sa board, at hindi rin sila nakakapagpasya sa patakaran, sinabi ni Bagares.

Gayunpaman, iginiit sa ulat ng TWG ng House committee na ang pangakong kasunduan sa mga may hawak ng PDRs ay nililimitahan ang karapatan ng ABS-CBN Holdings sa pagbebenta ng mga pinagbabatayang shares, kaya nakokompromiso ang buong pagmamay-ari.

Binanggit ni Solicitor General Jose Calida ang parehong isyu sa pagmamay-ari ng dayuhan sa isang quo warranto petition na inihain sa Supreme Court (SC) noong Peb. 10, na hinihiling na ipawalang-saysay ang ngayo’y tapos nang prangkisa na ibinigay ng lehislatura noon sa higanteng media. (Tignan ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ng SolGen na ‘lumabag” ang ABS-CBN sa pagbabawal sa foreign ownership nangangailangan ng konteksto)

Ipinaliwanag din ni Bagares, sa pakikipanayam noong Pebrero kasunod ng petisyon ni Calida, na ang mga PDR ng ABS-CBN, na publicly listed sa PSE, “ay hindi nagbibigay ng mga karapatan sa pagboto, tanging cash o stock dividends lamang.”

Ibinasura ng SC ang petisyon ni Calida noong Hunyo 23 — higit isang buwan matapos mag expire ang prangkisa ng network noong Mayo 4 – binanggit na ang isyu ay naging “moot and academic.”

Pinanindigan ng network sa buong marathon franchise hearings na ang mga PDR ng ABS-CBN Holdings ay “nasuri at inaprubahan ng [Securities and Exchange Commission (SEC)] at ng [PSE].” (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ano ang susunod para sa ABS-CBN matapos mawala ang prangkisa?)

Sinabi ni SEC Commissioner Ephyro Luis Amatong sa pagdinig ng Senado sa pag-renew ng prangkisa ng network na pinamumunuan ng committee on public services noong Peb. 24 na ang ABS-CBN ay “walang nakabinbin na paglabag” sa komisyon.

Inulit ito ni Amatong noong Hunyo 11 sa magkasanib na pagdinig ng House committees on legislative franchises and on good government and public accountability:

“Wala kaming basehan para sabihin na nag-violate (lumabag) sila ng regulations namin.”

Ang iba pang mga kumpanya ng broadcast, tulad ng GMA Network, Inc., ay gumagamit din ng mga PDR upang mangalap ng kapital para sa pagpapabuti ng kanilang mga serbisyo.

Ang ABS-CBN ay pag-aari ng ABS-CBN Corporation, ang pinakamalaking media conglomerate sa bansa, na bahagi ng Lopez, Incorporated, isang kumpanya ng pamumuhunan na pag-aari ng pamilya ng yumaong Eugenio Lopez Sr. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Gabby Lopez still HAS shares in ABS-CBN Corporation)

 

Mga Pinagmulan

ANC 24/7, Rep. Defensor: ABS-CBN franchise denial not a death penalty, but ‘life imprisonment to reform’| ANC, July 13, 2020

BusinessMirror, TWG Findings and Recommendations, Accessed July 21, 2020

Official Gazette, 1987 Constitution

Philippine Stock Exchange, Philippine Deposit Receipts (PDR), Accessed July 20, 2020

Philippine Stock Exchange, Securities, Accessed July 21, 2020

ABS-CBN News, READ: Statement of ABS-CBN on OSG’s Quo Warranto petition: We did not violate the law, Feb. 10, 2020

Senate of the Philippines, Committee on Public Services (February 24, 2020), Feb. 24, 2020

House of Representatives, Comm on Legislative Franchises Joint with Comm on Good Government and Public Accountability Day 5, June 11, 2020

ABS-CBN News, Supreme Court junks SolGen’s quo warranto plea vs ABS-CBN Corp, June 23, 2020

Media Ownership Monitor Philippines, ABS-CBN 2, Accessed July 20, 2020

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.