Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: FB post nag red-tag sa ABS-CBN journo gamit ang 2013 safety training na litrato

Dalawang Facebook (FB) page ang nag red-tag kay Rowena "Weng" Paraan, pinuno ng ABS-CBN’s citizen journalism arm Bayan Mo, Ipatrol Mo, sa pamamagitan ng paggamit ng pitong-taong litrato ng kanyang safety training para sa mga kapwa mamamahayag sa Mindanao at sinasabing nagpapakita ito ng mga sugatang rebelde sa bundok.

By VERA Files

May 20, 2020

7-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Dalawang Facebook (FB) page ang nag red-tag kay Rowena “Weng” Paraan, pinuno ng ABS-CBN’s citizen journalism arm Bayan Mo, Ipatrol Mo, sa pamamagitan ng paggamit ng pitong-taong litrato ng kanyang safety training para sa mga kapwa mamamahayag sa Mindanao at sinasabing nagpapakita ito ng mga sugatang rebelde sa bundok.

Ang mga FB page na ito ay regular nagpo-post ng mga nilalaman laban sa Communist Party of the Philippines (CPP) at militanteng kaalyado nito, ang New People’s Army (NPA).

PAHAYAG

Noong hapon ng Mayo 13, inilathala ng FB page na Enlightened PINOY ang litrato ni Paraan kasama ang ilang mga kababaihan at isang lalaki sa parang kagubatan. Nakahandusay ang lalaki sa lupa, nakaunat ang kanyang kanang braso at nakabalot ng tela. Ito ang nakalagay na caption:

RUN NPA RUN (TAKBO NPA TAKBO). MGA LARAWAN NG MGA NPA NA SUGATAN AT GINAMOT NALANG SA KAGUBATAN!!!!!!”

Pinagmulan: Enlightened PINOY, “RUN NPA RUN …,” Mayo 13, 2020

Pagkalipas ng apat na oras, muling nai-upload ng pahina ang parehong imahe kasama ang dalawang iba pang mga litrato ni Paraan, sa pagkakataong ito ay malinaw na binanggit ang kanyang pangalan at ipinahiwatig na siya ay konektado sa CPP at NPA sa caption nito:

“AAAAAY BISTADO‼️ PAKI EXPLAIN. Ano ang tunay na ugnayan ni Rowena Paraan, (NUJP) Head ng Bayan Mo, Ipatrol Mo, ng ABS-CBN,,, at ng CPP-NPA-NDF??? ANONG GINAGAWA NIYO SA BUNDOK?”

Pinagmulan: Enlightened PINOY, “AAAAAY BISTADO!,” Mayo 13, 2020

Ang isa pang FB page, ang Enlightened Youth, ang muling inilathala bilang orihinal na nilalaman ang pangalawang post ng Enlightened Pinoy makaraan ang isang minuto.

ANG KATOTOHANAN

Hindi nagpapakita ang litrato ng anumang aktibidad ng CPP-NPA.

Nai-lathala ng Mindanews, ang imahe ay kinunan ng photojournalist na si Vic Kintanar pitong taon na ang nakaraan sa unang “All-Women Risk Awareness and Media Safety Training” noong Marso 2013 na isinagawa ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa Gardens of Malasag Eco-Tourism Village sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental.

Pinangunahan ni Paraan, ang NUJP chair noon, ang isang session sa first aid sa pagsasanay. Ayon sa isang artikulo na inilabas ng MindaNews kamakailan, ang viral na litrato ay aktwal na “simulation exercise” kung saan ang mga kalahok, na lahat ay mga kababaihang mamamahayag mula sa Mindanao, ay nagbibigay ng first aid sa isang taong kunwari’y nasugatan — ang nag-iisang lalaki sa litrato, na ay isang reporter din.

Sinabi ng NUJP, sa isang pahayag na inisyu dalawang araw pagkatapos unang umikot sa social media ang FB post, na ang 2013 training ay “kasama ang mga sesyon na pinamahalaan ng mga opisyal ng 4th Infantry Division.”

Kinondena ng parehong MindaNews at NUJP ang “malisyosong” paggamit ng litratong kinunan noong 2013, sinabing inilalagay nito sa peligro ang buhay hindi lang ni Paraan kundi ng lahat ng mga mamamahayag na nakikita sa litrato.

Sa parehong araw na inilathala ng Enlightened Pinoy at Enlightened YOUTH ang kanilang mga maling post, ibinahagi ni Paraan ang artikulo ng MindaNews noong 2013 sa kanyang personal na FB account, na nagsasabing ang mga umiikot na mga post ay “ginagamit ang litrato ng Mindanews upang iligaw ang ibang tao.”

Ang mga post ng mga page, na siyang unang bersyon na kumalat sa social media, ay nakakuha ng higit sa 1,500 mga reaksyon, 1,900 na shares, at halos 500 na komento sa FB hanggang Mayo 19, at sama-samang maaaring umabot sa halos 105,000 mga netizen. Na-repost ito bilang screengrab ng hindi bababa sa isang netizen.

Limang buwan lang ang pagitan ng paglikha sa Enlightened PINOY at Enlightened Youth, ang una noong Enero 2019, at ang huli nang sumunod na Mayo.

Lumabas ang mga maling post ng red-baiting kay Paraan ilang araw pagkatapos na akusahan ni Presidential Communications Undersecretary Lorraine Marie Badoy, na nagsasalita para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC), noong Mayo 10 ang CPP ng pagsasamantala sa pagsasara ng ABS-CBN “bilang isang pagkakataon para maghasik ng kaguluhan at pagkakawatak-watak.”

Inulit ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. ng NTF ELCAC ang pahayag ni Badoy makalipas ang dalawang araw, at sinabi na ang CPP ay “sumasakay” sa isyu ng ABS-CBN. Pagkatapos nag red-bait din siya, bukod sa iba pa, ng ilang mga grupo ng media at estudyante, na tinawag na “mga nilalang mismo ng CPP” at hinamon silang “ilantad ang mga sarili.”

Nawala sa ere ang ABS-CBN noong Mayo 5 matapos bigyan ng cease and desist order ng National Telecommunication Commission (NTC) kasunod ng pagtatapos ng prangkisa nito noong Mayo 4. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: NTC biglang umurong sa prangkisa ng ABS-CBN)

Inilathala ng VERA Files noong 2018 ang isang fact sheet tungkol sa red-tagging, na, sa pinakamalalang kaso, ay maaaring humantong sa mga warrantless arrest, torture, at kahit extrajudicial killings, ayon sa isang pag-aaral noong 2012 ng International Peace Observers Network. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Bakit peligroso ang ‘red-tagging’)

Ang red-tagging, o red-baiting, ay ang pagha-harass o pag-uusig sa isang tao batay sa “lantad o pinaghihinalaang simpatiya sa komunista,” ayon sa Lexico.com ng Oxford University.

Sa kanyang dissenting opinion sa Zarate vs Aquino III, sinabi ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen na ito ang “pag stereotype o pag caricature” sa mga indibidwal o mga grupo na kritikal sa gobyerno bilang mga “mastermind” ng mga krimen, na ginagawang madali para sa mga ahente ng gobyerno na “patahimikin o magdulot ng hindi masabing mga pang-aabuso sa karapatang pantao sa mga hayagang hindi sumasang-ayon.”

Sa kabila ng pahayag na siya ang “unang maka-kaliwang pangulo ng bansa,” idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 2017 ang CPP-NPA bilang isang “teroristang organisasyon.”

Sa ilalim ng Human Security Act of 2007, nauugnay ito sa anumang pangkat ng mga tao na gumawa ng pagkilos na terorismo “upang maghasik at lumikha ng isang kondisyon ng malawak at pambihirang takot at gulo sa mga mamamayan upang pilitin ang pamahalaan na bumigay sa kahilingang labag sa batas.”

Gayunpaman, nakasaad sa batas na kailangang kumuha ang gobyerno ng isang clearance mula korte bago opisyal na maituring ang isang organisasyon na “terorista.” Ang petisyon na isinampa ng Department of Justice noong Pebrero 2018 para opisyal na ideklara ang CPP bilang isang grupo ng terorista, na pinawalang-bisa noong Enero, ay binuhay muli noong nakaraang Pebrero ng Manila Regional Trial Court Branch 19. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Badoy mali sa pagsabi na ang NDF ay tinukoy bilang terror group ng PH, at ng ibang mga bansa)

Kapag ang CPP ay opisyal na kilalaning samahan ng terorista, ang mga pinaghihinalaang miyembro ng grupo ay maaaring isailalim sa mahigpit na pagsubaybay, detensyon nang walang isinasampang kaso, limitahan ang kalayaan, at hindi magalaw ang kanilang ari-arian.

 

Mga Pinagmulan

Enlightened PINOY, “RUN NPA RUN…,” May 13, 2020

Enlightened PINOY, “AAAAAY BISTADO!,” May 13, 2020

Enlightened Youth, “AAAAAY BISTADO!,” May 13, 2020

MindaNews, Women journalists, media workers gather for 1st all-women safety training, March 17, 2013

MindaNews, MindaNews’ 2013 photo on media safety training maliciously used to red-tag journo in 2020, May 15, 2020

National Union of Journalists of the Philippines, NUJP denounces red-tagging of ex-chair Paraan, May 15, 2020

Rowena Carranza Paraan, “O ayan.,” May 13, 2020

Philippine News Agency, Reds using ABS-CBN closure to sow divisiveness: exec, May 10, 2020

National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, “REDS freeride on ABS-CBN issue,” May 12, 2020

CNN Philippines, ABS-CBN goes off air following NTC order, May 5, 2020

BBC News, ABS-CBN: Philippines’ biggest broadcaster forced off air, May 5, 2020

The New York Times, Leading Philippine Broadcaster, Target of Duterte’s Ire, Forced Off the Air, May 5, 2020

International Peace Observers Network, Red-Baiting in the Philippines, December 2012.

Lexico.com, “Red-bait,” n.d.

Supreme Court E-Library, G.R. No. 220028, Nov. 10, 2015

Presidential Communications Operations Office, Speech of President Rodrigo Duterte during the Meeting with the Filipino Community in Singapore, The Max Pavilion and Hall 9, Dec. 16, 2016

The Official Gazette, Proclamation No. 374, Dec. 5, 2017

The Official Gazette, Republic Act No. 9372, March 6, 2007

Philippine News Agency, Court orders revival of DOJ bid to declare CPP-NPA terror group, Feb. 10, 2020

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.