Sa pag-usbong ng mga talakayan at ng tuluyang pagpapatupad ngayong taon ng Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act (ATA), sunud-sunod na mga personalidad ang pinintahan sa iisang kulay: Pula.
Mga mamamahayag, aktibista, tagapagtaguyod ng karapatang pantao, mambabatas, at celebrity ang inakusahan na may kaugnayan sa Communist Party of the Philippine(CPP); New People’s Army (NPA), ang armadong grupo nito; at National Democratic Front (NDF), ang pampulitika organisasyon.
Ipinroklama ni Pangulong Rodrigo Duterte ang CPP-NPA na isang teroristang organisasyon noong 2017, kahit na ito ay hindi pa pinagtitibay ng Court of Appeals.
Bagaman hindi na ito bago, napaka-peligroso ng red-tagging lalo na dahil sa Anti-Terror Law. Bukod sa iba pa, pinaparusahan ng batas ng habangbuhay na pagkabilanggo (Sec. 10) ang sinumang mahuli na nagre-recruit o miyembro ng mga organisasyong terorista. Ang mga suspek ay maaaring makulong nang walang mga warrant of arrest ng hanggang 24 araw (Sec. 29), kumpara sa maximum na 72 oras para sa iba pang mga pagkakasala.
Ang red-tagging, o red-baiting, ay ang panliligalig o pag-uusig sa isang tao batay sa “kilala o hinihinalang simpatiya sa komunista,” ayon sa Lexico.com ng Oxford University Press.
Ngayong taon, lumaganap sa social media ang pagta-tag sa mga kilalang personalidad bilang mga miyembro, recruiter, at sympathizer ng mga komunista at teroristang organisasyon.
Sa 332 piraso ng online disinformation na pinasinungalingan ng VERA Files Fact Check mula Enero 9 hanggang Dis. 9, 22 ang may kinalaman sa ATA at red-tagging. Apat na kuwento lamang na may parehong katangian ang na-debunk ng VERA Files noong 2018, at tatlo noong 2019.
Sinuri ng VERA Files ang mga post na ito at lumitaw ang mga pattern na ito:
1. Pagpasa ng Kongreso nag-udyok ng disinfo sa anti-terror law
Bago ang niyakap ng House of Representatives ng bersyon ng Senado ng panukalang anti-terror bill noong Hunyo 3, dalawang piraso ng online disinformation lamang ang na-flag ang VERA Files na may kinalaman sa CPP at NPA ngayong 2020.
Parehong mga lumang ulat ito na ipinasa bilang bago: isang kwento noong 2015 tungkol sa mga armadong rebelde na sinusunog ang isang trak na puno ng mga kalakal sa Bukidnon, at si CPP founder Jose Maria Sison noong 2019 na nanawagan para sa pagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga usapin sa kanyang kalusugan.
Nang dumating ang Hunyo, naging abala ang mga gumagawa ng disinformation. Nag-flag ang VERA Files ng walong piraso ng hindi totoo at nakaliligaw na content tungkol sa ATA at mga dissenter nito mula Hunyo 8 hanggang 25. Ang ilan ay kinopya ng ilang mga Facebook (FB) account, habang ang tungkol sa Abu Sayyaf, ang pinaka-popular, tinatayang umabot sa 1.7 milyong tao.
- VERA FILES FACT CHECK: The Anti-Terrorism bill is NOT YET a law
- VERA FILES FACT CHECK: Photo ALTERED to show support for junking of Anti-Terror Bill
- VERA FILES FACT CHECK: Kabataan Rep. Elago’s mugshot is FAKE
- VERA FILES FACT CHECK: Netizens revive FAKE post on Hontiveros supporting rebels
- VERA FILES FACT CHECK: Old, FAKE quote card on Hontiveros ‘defending’ Maute group revived
- VERA FILES FACT CHECK: Website MISLEADS with 2018 commentary on Satur Ocampo’s arrest
- VERA FILES FACT CHECK: Abu Sayyaf DID NOT thank actors, politicians fighting Anti-Terrorism Bill
- VERA FILES FACT CHECK: Sarah Elago DID NOT tell parents she will ‘ruin the future’ of their children
Nag peak ulit ito noong Oktubre. Ngayong buwan, nasaksihan ang red-tagging ng mga aktres na sina Liza Soberano at Angel Locsin, na kapwa nagsalita tungkol sa shutdown ng broadcast network ABS-CBN, at napasama sa mga aktibidad ng women’s rights group na Gabriela.
- VERA FILES FACT CHECK: FB pages revive FALSE Elago quote card addressing parents
- VERA FILES FACT CHECK: This NPA guerilla is NOT Sarah Elago
- VERA FILES FACT CHECK: Video saying actress Liza Soberano joined NPA is FALSE
- VERA FILES FACT CHECK: Angel Locsin’s Lumad school visit NOT proof she’s a ‘terrorist’
- VERA FILES FACT CHECK: CHR’s Gascon condemning ‘surprise military attack’ on NPA FAKE
2. Karamihan ng mga target ng red-tagging ay mga kababaihan; nangungunang biktima si Sarah Elago
Labintatlo sa 22 mga post na na-debunk ng VERA Files ay may kinalaman sa red-baiting, at halos lahat ng mga target nito ay mga babaeng personalidad.
Halos kalahati (6) ang tungkol kay Kabataan Party-List Rep. Sarah Elago.
Ang pagiging kasapi sa NPA at recruitment para sa samahan ang pinaka-nangungunang kwento na pinangangalandakan laban sa kanya online. Siya ay pinuntirya gamit ang mga dinoktor na litrato, mga imaheng binigyan ng maling konteksto, at maling mga quote na iniugnay sa kanya.
Ang mga publisher ng disinformation ay nag recycle ng luma, gawa-gawang mga kwento mula 2017 at 2018 na tina-target si Sen. Ana Theresia “Risa” Hontiveros, isa pang mambabatas ng oposisyon. Mayroong dalawang kwento: na siya ay nagla-lobby para sa mga rebeldeng komunista upang makakuha ng minimum wage, at tinawag niya ang Maute group, na naging sanhi ng limang buwan na armadong labanan sa Marawi noong 2017, ay isang “sagisag ng katapangan at katatagan.”
Si dating Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna, sa kabilang banda, ay muling na- red-tag gamit ang isang komentaryo noong 2018 na inilabas bilang isang bagong ulat na balita. Inakusahan siya bilang isang transporter ng mga menor de edad tungo sa pagiging “batang mandirigma ng NPA.”
Habang ang mga ganitong uri ng pag-atake laban kina Elago, Hontiveros, at Ocampo ay nangyayari na sa maraming taon, ang red-tagging ay lumawak na at isinama ang iba pang mga kilalang personalidad.
Noong Mayo, isang litrato noong 2013 ng National Union of Journalists of the People (NUJP) na nagsasagawa ng safety training sa isang mabundok na lugar ay ginamit upang ipahiwatig ang koneksyon sa pagitan ng CPP-NPA at ni Rowena “Weng” Paraan, pinuno ng citizen journalism arm ng Bayan Mo, Ipatrol Mo ng ABS-CBN. Kinondena ito ng NUJP at ng International Federation of Journalists.
Marami pang mga talent na kaugnay ng ABS-CBN ang inatake sa mga sumunod na buwan. Si Locsin ay dalawang beses na-red tag. Ang mga litrato niya sa isang exposure trip noong 2009 sa isang paaralan para sa kabataang Lumad ay ginamit bilang “patunay” na siya ay isang “terorista.” Ang isa pang post ay nagsabing binisita niya si Joma Sison ng CPP sa Netherlands para kumuha ng pera para sa kampanya ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, isa niyang kamag-anak.
Samantala, matapos magsalita si Soberano bilang panauhin ng Gabriela Youth sa isang webinar na ipinagdiriwang ang International Day of the Girl Child, ang YouTube channel na MAUI BOCKER ay nakakuha ng libu-libong views sa isang video na may malisyosong, humihiyaw na headline na nagtanong kung si Soberano ay naging miyembro nang NPA. Inilarawan ni MAUI BECKER ang kanyang sarili bilang isang “sertipikadong” DDS, isang kilalang acronym na ginagamit ng mga die-hard na supporter ni Duterte.
3. Ang mga litrato ay top post type, na ang konteksto ay ‘weaponized’
Ang mga publisher ng disinformation ay naging malikhain din sa kanilang mga kasinungalingan, na madalas may suportang visual.
Sa 22 na mga fact-check na artikulong ginawa ng VERA Files sa disinformation na nauugnay sa ATA at red-tagging, 14 ang may mga litrato at tatlo ang may video.
Tatlong imahen ang na manipula: isang “mugshot” ni Elago, isang litrato nina Elago at Ocampo na nakasuot ng mga “communist” bandana, at isang imahe ng mga kasapi ng ISIS na may hawak na isang itim na bandera na dinoktor para masulat ang mga salitang “Salamat sa suporta” at “Junk Anti-Terror Bill.”
Ngunit higit pa sa tahasang pagmamanipula, ang mas malaking problemang anyo ng disinformation ang naging tanyag sa mga nagre-red-tag ngayong taon: ang paggamit ng mga lehitimong litrato at video, na madalas ay luma, at muling ginagamit para i-share na may mga hindi totoong konteksto.
Ang VERA Files ay nag-flag ng pito na mga ganitong uri ng mga post:
- isang pinaghalong apat na mga clip na nagpapakita ng mga protesta ng League of Parents of the Philippines, ngunit hindi nagpapakita na nagra-rally sila sa harap ng Commission of Elections na “nananawagan para sa diskuwalipikasyon ng Makabayan bloc sa Kongreso,” na sinasabi sa isang YouTube channel;
- isang na manipulang ulat ng PTV-4 noong 2018 tungkol sa pagsuko ng 200 mga rebeldeng NPA, na pinalabas na kamakailan lang nangyari;
- isang litrato ng Associated Press noong 2016 ng isang gerilya ng NPA na maling sinasabi na nagpapakita kay Elago;
- isang 2013 litrato ng MindaNews ng isang NUJP training kasama si Weng Paraan, na may maling caption na “isang sugatang NPA na ginagamot sa kagubatan”;
- mga litrato ni Angel Locsin noong 2009 na bumibisita sa isang paaralan ng mga Lumad sa ma-bukid na lugar na ginamit para palabasin na siya ay isang terorista;
- iba’t ibang mga litrato ni Locsin na isinama sa isang post na nagsasabing humingi siya ng pondo mula kay Joma Sison ng CPP; at
- isang litrato ng GMA News News noong 2017 ng mga miyembro ng Makabayan bloc na nananawagan para sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, na muling binuhay noong Agosto.
Inilarawan ito ng nonprofit organization na First Draft na nakabase sa United Kingdom, na nag-aaral ng iba’t ibang mga klase ng information disorder, bilang isang phenomenon ng “weaponization of context.”
Sa isang artikulo noong 2019, sinabi ni First Draft executive editor Claire Wardle na ang ganitong uri ng disinformation na gumagamit ng kasinungalingan sa konteksto ay madalas na pinaniniwalaan dahil mayroon itong butil ng katotohanan.
“Karamihan sa nilalaman nito ay hindi peke; madalas itong tunay, ginamit nang wala sa konteksto at ginawang sandata ng mga taong nakakaalam na ang mga kasinungalingan batay sa isang butil ng katotohanan ay mas malamang na paniwalaan at mai-share,” aniya.
4. Disinformation na pinalaki ng mga pro-Duterte FB account
Isang pag-aaral ng mga pinagkukunan ng may kaugnayan sa ATA ang nagpapakitang ang disinformation ay kadalasang ikinalat sa pamamagitan ng mga FB page, pumapangalawa ang mga YouTube channel.
Makikita sa kanilang mga pangalan ang magkahalong mga publisher, bagaman dalawa ang nagdala ng pangalang “Duterte” (mga FB page na Bigboss Duterte at Protect the President Duterte) at dalawang iba pa ang may mga salitang “Enlightened” (FB pages Enlightened Youth at Enlightened PINOY). Isang kapansin-pansin na idinugtong ang pangalan ng ABS-CBN (FB page Boycott Abs-Cbn station).
Sinubaybayan din ng VERA Files ang mga account na nagpalakas ng mga piraso ng disinformation na ito — mga public FB page at group na nag share ng mga post at nagdala ng pinakamaraming trapik dito — sa pamamagitan social media monitoring tool na CrowdTangle.
Ang word cloud na ito ay nagpapakita na marami sa mga page at group ay maka-administrasyon, na gumagamit ng pinakapopular na mga keyword na “Duterte,” “president,” at “supporters.”
Mayroon ding mga nagdala ng moniker ng pangulo (Rodrigo, Rody), pati na rin nina Davao City Mayor Sara Duterte, kanyang anak na babae, at aide-na-naging-senador na si Bong Go, at mga salitang nagpapahiwatig ng malayong maaabot (“international,” “worldwide,” “movement”) at likas ang pagtatanggol (“warriors,” “protect,” “solid”) ng mga account na ito.
Ang mga post na ito ay maaaring ma-recycle sa hinaharap
Pito sa 22 mga piraso ng disinformation na na-debunk ng VERA Files ay talagang umikot na sa mga nakaraang taon, ang ilan mula pa noong 2017.
Dalawang kasinungalingan tungkol kay Sen. Hontiveros mula 2017 at 2018 ang muling binuhay ngayong taon, ilang sandali lamang matapos niyang sabihin na ang pagpasa sa kongreso ng ATA ay isang “kaso ng maling mga prayoridad” sa gitna ng COVID-19 pandemic, at isang “trahedya para sa demokrasya.”
Isang quote mula kay Lebanese-American writer Kahlil Gibran ang maling iniugnay kay Elago dalawang beses sa taong ito na na-fact-check ng VERA Files noong 2019, habang ang infographic na sumipi sa kanya na nagsasabing bibigyan niya ng suporta ang NPA “kung kinakailangan” ay napasinungalingan mismo ng mambabatas, noong 2019 din.
Dagdag pa, isang ganap na gawa-gawang artikulo sa website tungkol kay Commission on Human Rights (CHR) Chairman Chito Gascon na kinokondena ang isang sorpresang pag-atake sa mga rebeldeng komunista ay kinopya ang bawat salita ng isa pang website sa taong ito, kahit na napasinungalingan na ito ng MemeBuster noong 2018; at ang litrato nina Elago at Satur Ocampo na nakasuot ng “komunista” na bandana ay muling lumabas noong Disyembre kahit na napatunayang hindi ito totoo noong Hulyo.
Habang gumugulong ang 2021, hindi malayo na makita muli ang parehong mga piraso ng disinformation na nagpalipat-lipat sa taong ito at gamitin na namang sandata.
Upang maiwasan na mabiktima ng disinformation, sundan ang anim na bahaging serye ng VERA Files fact-checking tutorial video sa YouTube, o tingnan ang aming do-it-yourself guide.
Mga Pinagkunan
Official Gazette, Republic Act No. 11479
Presidential Communications Operations Office, “Duterte declares CPP-NPA a terrorist group,” Dec. 5, 2017
Oxford University Press, “red-baiting,” 2020
National Union of Journalists of the Philippines, “[Statement] NUJP denounces red-tagging of ex-chair Paraan,” May 15, 2020
International Federation of Journalists, “Philippines: Red-tagging of female journalist,” May 18, 2020
First Draft, “Information disorder: ‘The techniques we saw in 2016 have evolved,’” Oct. 21, 2019
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)