(UPDATED) Maling inilarawan sa ulat ng Inquirer.net sina dating pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa bilang “kabilang sa mga kinasuhan sa International Criminal Court (ICC)” dahil sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng mga pagpatay sa giyera laban sa droga.
Taliwas sa ulat, ang ICC probe ay nasa preliminary investigation stage pa at wala pang Pilipinong opisyal ang nasasampahan ng kaso.
PAHAYAG
Sa ulat ng balita noong Peb. 22, isinulat ng reporter ng Inquirer.net na si Maila Ager na nagalit si Dela Rosa sa “pakikialam” sa bansa ng isang mambabatas mula sa Espanya na nagtatanong tungkol sa isang resolusyon na nananawagan sa Senado ng Pilipinas na tutulan ang pagpapatuloy ng pagsisiyasat ng ICC sa drug war. Ang Espanyol na mambabatas ay nagtanong sa isang meeting kasama ang tatlong senador ng Pilipinas noong Peb. 22.
Sa pagbanggit sa 333-taong kolonisasyon ng Espanya sa Pilipinas, sinabi ni Dela Rosa, na siyang unang pinuno ng Philippine National Police (PNP) noong termino ni Duterte, na kailangang “igalang ang ating soberanya” ng Kastilang mambabatas na si Miguel Urbán Crespo.
Batay sa opisyal na listahan ng European Parliament Subcommittee on Human Rights delegation, si Crespo ang tanging mambabatas mula sa Espanya sa anim na mambabatas na bumisita sa Pilipinas mula Peb. 21 hanggang 24.
Ang huling paragraph ng artikulo ng Inquirer.net ay nagsabi:
“Dela Rosa and Duterte are among those charged before the ICC for crimes against humanity in connection with the thousands of people killed in their drug war.”
(“Kabilang sina Dela Rosa at Duterte sa mga kinasuhan sa ICC para sa mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng libu-libong taong napatay sa kanilang drug war.”)
Pinagmulan: Inquirer.net, Dela Rosa to Spanish lawmaker: How dare you lecture us about human rights? | Global News (archive), Peb. 22, 2023
Ang kuwento ay nag-hyperlink ng isang artikulo ng balita noong 2017 tungkol sa komunikasyong isinumite sa ICC ng yumaong abogado na si Jude Sabio na inaakusahan sina Duterte, Dela Rosa at 10 iba pang opisyal ng mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng giyera laban sa droga. Binawi ni Sabio ang dokumento noong Enero 2020.
(Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Background info ng PNA sa pagbawi ni Sabio ng komunikasyon sa ICC nakaliligaw)
ANG KATOTOHANAN
Ang pagsisiyasat ng ICC ay nasa preliminary investigation stage pa lang at wala pang kinasuhan.
Bagama’t pinangalanan sina Dela Rosa at Duterte sa hiling noong 2021 ni dating ICC prosecutor Fatou Bensouda na maglunsad ng imbestigasyon, hindi pa matukoy ng Office of the Prosecutor ang mga respondent kung magsasampa ng kaso.
Sa kanyang authorization request sa Pre-Trial Chamber I, binanggit ni Bensouda ang mga pahayag nina Duterte, Dela Rosa at iba pang opisyal ng administrasyong Duterte na sumusuporta at humihimok sa publiko, pulisya at militar na patayin ang mga pinaghihinalaang gumagamit at nagbebenta ng droga. Sinabi niya na ang mga naturang pahayag ay maaaring ituring na batayan upang maitaguyod ang pagkakaroon ng isang patakaran ng estado o organisasyon sa mga pagpatay sa madugong kampanya laban sa droga.
Sa ilalim ng pamamaraan ng ICC, ang mga suspek na kinilala ng piskal sa yugto ng pagsisiyasat ay ang mga umano’y nakagawa ng pinakamalubhang mga international na krimen, tulad ng mga krimen laban sa sangkatauhan at mga krimen sa digmaan.
Ang mga arrest warrant o summons ay ilalabas upang mapilit ang mga kinakasuhan na humarap sa ICC sa headquarters nito sa Netherlands para sa pagkumpirma ng mga kaso. Magsisimula ang paglilitis kapag nakumpirma na ang mga kaso laban sa “akusado.” (Tingnan ang ICC probe sa drug war: Ang susunod na kabanata)
Sa isang pahayag noong Peb. 17, maling inilarawan ni Dela Rosa, na nagpatupad ng kampanya laban sa droga ng administrasyong Duterte bilang PNP chief mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018, ang kanyang sarili bilang “kasamang akusado” ng dating pangulo sa drug war inquiry ng ICC.
Ginawa niya ang pahayag dalawang araw matapos maghain ng resolusyon si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ngayon ay senior deputy speaker sa House of Representatives, at 18 iba pang mambabatas na humihimok sa kamara na magbigay ng “walang pag-aalinlangan na suporta” kay Duterte kasunod ng desisyon ng ICC na ipagpatuloy ang pagsisiyasat.
(Tingnan sa ISANG SULYAP: Resolusyon ng Kamara para suportahan ang pagsisiyasat ni Duterte vs ICC)
Editor’s note: Ilang oras matapos lumabas ang fact check na ito, binago ng inquirer.net ang huling paragraph ng artikulo at isinulat ito: “Ang mga pangalan nina Dela Rosa at Duterte ay kabilang sa mga nais imbestigahan ng ICC kaugnay ng crimes against humanity bunga ng ilang libong taong pinatay sa kanilang giyera laban sa droga.”
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Inquirer.net, Dela Rosa to Spanish lawmaker: How dare you lecture us about human rights? | Global News (archive), Feb. 22, 2023
Inquirer.net, Duterte, 11 others accused of crimes against humanity before ICC | Global News, April 24, 2017
National Library of the Philippines official website, PHILIPPINE MUSIC, Accessed Feb. 28, 2023
European Parliament official website, MEPs visit the Philippines to discuss human rights developments in the country, Feb. 24, 2023
International Criminal Court official website, Public redacted version of “Request for authorisation of an investigation pursuant to article 15(3)”, 24 May 2021, ICC-01/21-7-SECRET-Exp, June 14, 2021
International Criminal Court official website, How the Court works, Accessed Feb. 28, 2023
Senate of the Philippines official website, Senator Ronald “Bato” Dela Rosa – Senate of the Philippines, Accessed Feb. 28, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)