Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pagpayag ni Dela Rosa na bitayin dahil sa mga pagpatay na may kinalaman sa droga walang basehan

WHAT WAS CLAIMED

Sinabi ni Senador Ronald Dela Rosa na handa siyang bitayin kung mapatunayan siya ng lokal na hukuman na nagkasala sa mga pagpatay na may kaugnayan sa droga noong administrasyong Duterte.

OUR VERDICT

Walang basehan:

Walang kinakaharap na kaso si Dela Rosa na may kinalaman sa drug war. Kahit mapatunayang nagkasala, hindi maaaring magdesisyon ang mga korte ng Pilipinas na bitayin si Dela Rosa dahil ipinagbawal na ng bansa ang parusang kamatayan noong Hunyo 24, 2006, nang pirmahan ng noo’y pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act 9346. Ipinagbawal nito ang pagpataw ng parusang kamatayan, na dati nang isinagawa sa pamamagitan ng lethal injection.

By VERA Files

Feb 8, 2023

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Bilang tugon sa mga natuklasan kamakailan ni forensic pathology expert Dr. Raquel Fortun na nakadiskubre ng mga hindi pagkakatugma sa mga ulat sa autopsy ng mga biktima ng drug war, sinabi ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na handa siyang bitayin kung mahatulan siya ng lokal na hukuman para sa anumang maling gawain. Wala itong basehan.

Hindi bababa sa apat na beses sa 30-minutong pag-uusap, iginiit ng senador–na hindi nahaharap sa anumang kaso kaugnay ng madugong drug war– na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas. Kailangan nito ng konteksto.

PAHAYAG

Sa panayam sa TeleRadyo kasama ang news anchor na si Henry Omaga-Diaz, hinamon ni Dela Rosa si Fortun na magsampa ng mga kaso batay sa kanyang natuklasan sa autopsy. Sinabi niya:

Pwede niyo akong bitayin dito anytime kung na-prove ninyo diyan na ako’y nagkakasala. You can hang me in front of the Filipino people. You can hang me through the decision of our Filipino courts but, my God, not by a foreigner.”

(“Pwede niyo akong bitayin dito kahit anong oras kung napatunayan ninyo diyan na ako’y nagkakasala. Maaari ninyo akong bitayin sa harap ng sambayanang Pilipino. Maaari ninyo akong bitayin sa desisyon ng ating mga korteng Pilipino ngunit, Diyos ko, hindi ng isang dayuhan.”)

 

Pinagmulan: ABS-CBN News Youtube Channel, Omaga Diaz Report | TeleRadyo (4 Pebrero 2023), Pebrero 4, 2023, panoorin mula 33:41 hanggang 33:56

Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police sa unang dalawang taon ng pagpapatupad ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte. Noong Hulyo ng nakaraang taon, inihain niya ang Senate Bill No. 198 na nagpapataw ng hatol na kamatayan para sa mga malalaking iligal na drug traffickers. Nabigo itong maipasa at habang isinusulat ito, walang parusang kamatayan sa bansa.

Sa parehong panayam, kinuwestiyon ng senador ang pahayag ni Fortun na maraming insidente ng umano’y extrajudicial killings ang “hindi pa iniimbestigahan” at maraming ebidensya sa mga kasong ito ang “itinanim.” Sinabi ni Dela Rosa na maaaring tingnan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga binabanggit ni Fortun at magsampa ng kaso sa mga lokal na korte, hindi sa ICC. Sinabi niya:

Kung totoo yang findings ni Fortun, eh ‘di ipa-file. May NBI naman tayo nagko-conduct ng investigation. I-file ‘yan. Kaya nga nag-imbestiga siya para makakuha tayo ng ebidensya. Eh ‘di i-file dito sa ating korte, hindi doon sa ICC dahil nga wala silang jurisdiction sa atin.”

(“Kung totoo ‘yang natuklasan ni Fortun, eh ‘di ipa-file. May NBI naman tayo gumagawa ng investigation. I-file ‘yan. Kaya nga nag-imbestiga siya para makakuha tayo ng ebidensya. Eh ‘di i-file dito sa ating korte, hindi doon sa ICC dahil wala silang jurisdiction sa atin.”)

 

Pinagmulan: panoorin mula 32:23 hanggang 32:45

ANG KATOTOHANAN

Kahit may isampang mga kaso laban kay Dela Rosa at mapatunayang nagkasala, hindi maaaring hatulan siya ng bitay ng lokal na hukuman dahil ipinagbawal na sa bansa ang parusang kamatayan noong Hunyo 24, 2006 nang pirmahan ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act 9346. Ipinagbabawal nito ang parusang kamatayan sa bansa, na dati ay pinapayagan at isinasagawa sa pamamagitan ng lethal injection.

Bilang karagdagan, ibinoto ng Pilipinas ang pandaigdigang pagsuspinde ng parusang kamatayan kasama ang 122 state-party sa United Nations sa isang resolusyon noong Disyembre 16, 2020.

(Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Sen. Bato Dela Rosa hindi totoo ang sinabi na ang lethal injection ay ang ‘universally accepted mode’ ng parusang kamatayan)

Sa pagtatanong ng senador sa hurisdiksyon ng ICC, ang Pilipinas ay patuloy na nasa ilalim ng obligasyon para sa mga insidenteng naganap sa panahon ng pagiging miyembro nito sa korte mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 17, 2019, ayon sa Article 127, paragraph 2 ng Rome Statute, ang treaty na nagtatag ng ICC.

Pinabulaanan na ng VERA Files Fact Check ang hindi bababa sa dalawa ang iba pang opisyal mula sa justice department ng gumawa ng mga katulad na hindi tumpak na pahayag.

Tingnan:

BACKSTORY

Noong unang bahagi ng Pebrero, natagpuan ni Fortun ang ikatlong bala na nakaipit sa leeg ni Kian Delos Santos, isang 17-anyos na estudyanteng binaril sa isang anti-drug operation sa Caloocan City noong Agosto 2017. Nalantad ang natuklasan makalipas ang halos limang taon matapos ang mga pulis ng Caloocan ay hinatulan sa pagpatay sa binatilyo, na iniulat na nagtamo ng hindi bababa sa dalawang putok ng baril.

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

ABS-CBN News Youtube Channel, Omaga Diaz Report | TeleRadyo (4 February 2023), Feb. 4, 2023

Senate of the Philippines, Senate Bill No. 198, July 7, 2022

Official Gazette of the Philippines, REPUBLIC ACT NO. 9346, June 24, 2006

Senate of the Philippines, Republic Act No. 9346, June 24, 2006

Supreme Court E-Library, Republic Act No. 8177, March 20, 1996

International Criminal Court, Rome Statute, Accessed Feb. 6, 2023

Inquirer.net, Bullet found in Kian’s neck after 5 years, 2 autopsies, Feb. 3, 2023

Inquirer.net, 3 policemen guilty of killing Kian delos Santos — court, Nov. 29, 2018

ABS-CBN News, 3 cops found guilty of murder over Kian Delos Santos slay, Nov. 29, 2018

CNN Philippines, 3 cops found guilty of murdering Kian delos Santos, Nov. 29, 2018

Reuters, Shot and dumped by a pigsty: a schoolboy killed in Philippines drugs war, Aug. 25, 2017

The New York Times, Funeral for Teenager Killed by Philippine Police Galvanizes Duterte Critics, Aug. 26, 2017

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.