Binatikos ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang International Criminal Court (ICC) dahil sa “pagpipilit na pumasok sa Pilipinas” upang imbestigahan ang mga pagpatay na may kaugnayan sa droga noong panahon ng administrasyong Duterte sa kabila ng pagkalas ng bansa sa Netherlands-based tribunal. Kailangan nito ng konteksto.
Ito ang pangatlong beses sa bilang ng VERA Files Fact Check na hindi binanggit ni Remulla ang isang mahalagang konteksto sa isyu.
(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Komento ng Justice Secretary sa hurisdiksyon ng ICC nangangailangan ng konteksto at VERA FILES FACT CHECK: Sa pangalawang pagkakataon, pahayag ng Justice secretary sa hurisdiksyon ng ICC sa PH nangangailangan ng konteksto)
PAHAYAG
Sa isang press conference noong Enero 27, hiniling ang komento ni Remulla sa desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I na ipagpatuloy ang pagsisiyasat sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni Remulla:
“I do not get why they insist on entering the Philippines in spite of the fact that we are no longer members [of the ICC].”
(“Hindi ko maintindihan kung bakit pinipilit nilang pumasok sa Pilipinas sa kabila ng katotohanang hindi na tayo miyembro [ng ICC].”)
Pinagmulan: ANC official YouTube channel, LOOK: DOJ holds press conference as ICC allows resumption of PH drug war probe | ANC, Enero 27, 2023, panoorin mula 1:07 hanggang 1:18
Idinagdag niya:
“And that the principle here is, if ever we are members, is the issue of complementarity. And complementary means that there is no overlapping jurisdiction. It’s either us or them. Do they want to put out our country … our leaders from this country and take over our legal system?
(“At ang prinsipyo dito ay, kung miyembro man tayo, ang isyu ay complementarity. At ang complementarity ang ibig sabihin ay walang magkakapatong na hurisdiksyon. Tayo o sila. Gusto ba nilang paalisin ang ating bansa … ang ating mga pinuno mula sa bansang ito at pamunuan ang ating legal na sistema?)
Pinagmulan: panoorin mula 1:18 hanggang 1:40
Sa parehong press conference, hindi totoo ang sinabi ni Remulla na walang ibang bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na miyembro ng ICC. (Tingnan ang Remulla falsely claims ICC has no member in ASEAN)
ANG KATOTOHANAN
Nakasaad sa Article 127, paragraph 2 ng Rome Statute, ang kasunduan na nagtatag ng ICC, na ang isang bansang nag-withdraw ay hindi natatanggalan ng mga obligasyon sa mga insidenteng naganap sa panahon ng pagiging miyembro nito. Ang Pilipinas ay opisyal na naging miyembro ng ICC noong Nobyembre 2011, kaya nagkatali ang bansa sa mga probisyon ng kasunduan hanggang sa opisyal na pag-withdraw nito noong Marso 17, 2019.
Ito ay pinagtibay ng Korte Suprema noong Marso 2021 sa kasong Pangilinan v. Cayetano.
Noong Nobyembre 2021, inihayag ni ICC Prosecutor Karim Khan ang pansamantalang pagsususpinde ng pagsisiyasat bilang tugon sa kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas na ipagpaliban ng ICC ang mga local procedure. Makalipas ang pitong buwan, hiniling ni Khan sa ICC Pre-Trial Chamber I na payagan ang pagpapatuloy ng pagsisiyasat dahil sa umano’y kabiguan ng pamahalaan na magsagawa ng tunay na pagsisiyasat.
Noong Enero 26, pinagbigyan ng chamber ang kahilingan ni Khan na nagsasabing “[ito] ay hindi kuntento na isinasagawa ng Pilipinas ang mga kinakailangang pagsisiyasat na magbibigay-katwiran sa pagpapaliban ng mga imbestigasyon ng Korte batay sa prinsipyo ng complementarity.”
Sa ilalim ng prinsipyo ng complementarity ng ICC, maaaring ipagpaliban ng tagausig nito ang imbestigasyon sa isang estado kung mapatunayan ng huli na mayroong patuloy at umiiral na mga lokal na pagsisiyasat o pag-uusig na may kaugnayan sa mga krimen na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng korte. Ngunit dapat pa ring tasahan ng tagausig kung ang mga lokal na pagsisiyasat ay “totoong” isinasagawa at kung ayaw o hindi magawa ng estado ang mga nauugnay na paglilitis.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
ANC official YouTube channel, LOOK: DOJ holds press conference as ICC allows resumption of PH drug war probe | ANC, Jan. 27, 2023
International Criminal Court official website, Rome Statute of the International Criminal Court, Accessed Jan. 30, 2023
Supreme Court official website, G.R. No. 238875/G.R. No. 239483/G.R. No. 240954, March 16, 2021
International Criminal Court official website, ICC Pre-Trial Chamber I authorises Prosecutor to resume investigation in the Philippines, Jan. 30, 2023
International Criminal Court official website, Notification of the Republic of the Philippines’ deferral request under article 18(2) (Annex A Public), Nov. 18, 2021
International Criminal Court official website, Prosecution’s request to resume the investigation into the situation in the Philippines pursuant to article 18(2), June 24, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)