Sinabi ni Sen. Imee Marcos na hindi man lang nagtangka ang China na sakupin ang Pilipinas “sa anumang paraan.” Kulang ito ng mahalagang konteksto.
Hindi binanggit ni Marcos ang katotohanan na ang China ay napatunayan ng isang tribunal na nakabase sa Hague na lumabag sa mga karapatang pang-soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa ilang mga pagkakataon.
PAHAYAG
Sa isang panayam sa Headstart ng ANC noong Hunyo 1, nagpahayag ng “interes” sa pamumuno ng Senate committee on foreign relations si Marcos, kapatid ni president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nang tanungin ang kanyang mga rekomendasyon sa foreign policy, sinabi ng senador na siya ay para sa isang “mas inclusive” na diskarte na mangangailangan ng pag-abot sa isang “mas malawak na hanay ng mga contact,” bukod sa “muling pagpapasigla” ng relasyon sa kaalyado ng bansa, ang United States.
Pagkatapos ay kaniyang sinabi:
“Pero kasabay nito, napakalinaw, ang China ang ating No. 1 trade partner. At sa kabila ng ilang anti-Chinese na mga elemento, kailangan kong ipaalala sa lahat na hindi tayo kailanman sinakop ng China; hindi kailanman sinalakay ang Pilipinas; hindi kailanman sinubukan, sa anumang paraan, na sakupin tayo. Kaya dapat friendly na ugnayang sosyo-kultural at pagsasamantala sa kalakalan at komersyo.”
Pinagmulan: ABS-CBN News Channel 24/7, Headstart: One-on-One with PH Senator Imee Marcos | ANC, Hunyo 1, 2022, panoorin mula 30:35 hanggang 31:06
Hindi nagtagal, gayunpaman, sinabi ni Marcos na sumasang-ayon siya sa “matatag” na pahayag kamakailan ng kanyang kapatid tungkol sa West Philippine Sea, at idinagdag na ang Pilipinas ay dapat “tiyak na … panagutin ang China sa lahat ng mga kasunduan” tulad ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: President-elect Marcos Jr. nagbago ng posisyon sa SCS arbitral ruling)
ANG KATOTOHANAN
Ang 2016 arbitral award sa South China Sea dispute, na nagpawalang-bisa sa malawak na nine-dash line claim ng Beijing, ay nagpasiya na nilabag ng China ang mga karapatang pang-soberanya ng Pilipinas na hindi bababa sa apat na beses:
- nakialam ito sa oil exploration activities sa Recto (Reed) Bank, na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf ng Pilipinas, noong Marso 2011;
- naglabas ito ng moratorium sa pangingisda na sumasakop sa halos buong South China Sea noong 2012;
- nabigo itong pigilan ang mga mangingisdang Tsino na mag-operate sa Panganiban (Mischief) Reef at Ayungin (Second Thomas) Shoal, na parehong nasa loob ng EEZ ng Pilipinas, noong Mayo 2013; at
- nagtayo ito ng mga installation at mga artipisyal na isla sa Mischief Reef nang walang pahintulot mula sa Pilipinas.
Ang sovereign rights ay tumutukoy sa “eksklusibong mga karapatan ng isang estado … sa pang-ekonomiyang paggamit at konserbasyon ng mga yamang dagat,” paliwanag ng abogadong si Romel Bagares, isang professorial lecturer on international law sa Lyceum of the Philippines University, sa isang komentaryo noong 2019 sa VERA Files. (Tingnan ang UNCLOS explained, yet again)
Magbasa nang higit pa tungkol sa bawat insidente sa infographic na ito:
Sa apat na insidenteng ito, napagpasyahan ng tribunal na:
“Nilabag ng China ang mga sovereign right ng Pilipinas kaugnay ng [EEZ] nito at continental shelf.”
Pinagmulan: Permanent Court of Arbitration, PRESS RELEASE 1 THE SOUTH CHINA SEA ARBITRATION (THE REPUBLIC OF THE PHILIPPINES V. THE PEOPLE’S REPUBLIC OF CHINA), Hulyo 12, 2016
Ang EEZ ay isang lugar na lampas at katabi ng 12-nautical-mile territorial sea ng isang coastal state, ngunit maaaring hindi lumampas sa 200 nautical miles mula sa baseline nito, gaya ng tinukoy ng UNCLOS.
Ang continental shelf ng isang coastal state, sa kabilang banda, ay binubuo ng seabed at subsoil ng mga submarine area lampas sa territorial sea nito hanggang sa layong 200 nautical miles mula sa baseline nito. Bagama’t “coterminous ng EEZ,” ang continental shelf “ay maaaring umabot ng isa pang 150 nautical miles sa ilalim ng Extended Continental Shelf Regime, depende sa pagkakaroon ng ilang mga geological na katangian,” sabi ni Bagares.
Napag-alaman din sa arbitral ruling na ang China ay “labag sa batas” na humadlang sa mga mangingisdang Pilipino na makisali sa tradisyonal na pangingisda sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal mula pa noong Mayo 2012. Inuri ng tribunal ang Shoal bilang tradisyunal na lugar ng pangingisda para sa ilang bansa, kabilang ang China at Pilipinas. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Tatlong bagay na mali si Duterte sa PH-China maritime standoff)
Sa pagratipika ng UNCLOS, ang China ay nakatali pa rin sa award na nilabas ng arbitral tribunal kahit na tumanggi itong lumahok sa mga paglilitis. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Mali si Duterte; China may pananagutan sa South China Sea arbitral award)
Makailang ulit nang nagprotesta ang gobyerno ng Pilipinas sa patuloy na pagpasok ng China sa mga katubigang inaangkin ng Pilipinas sa South China Sea kahit na pagkatapos ng paglabas ng arbitral award noong 2016. Noong Hunyo 9, sinabi ng Department of Foreign Affairs, sa isang mensahe sa mga mamamahayag, na naghain ito ng “mahigit 300 na [diplomatic] na protesta” sa Beijing mula nang magsimula ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2016.
Ang pinakahuli ay kaugnay nang pagbabalik ng mahigit 100 sasakyang pandagat ng China na “ilegal na nag-o-operate” sa loob at paligid ng Julian Felipe (Whitsun) Reef noong Abril, ayon sa Pilipinas. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Chinese Embassy pinanindigan ang MALING pahayag na ang Julian Felipe Reef ay teritoryo ng China)
Hindi nagdesisyon ang arbitral tribunal sa “anumang katanungan tungkol sa soberanya sa teritoryo ng lupain” sa award nito.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
ABS-CBN News Channel 24/7, Headstart: One-on-One with PH Senator Imee Marcos | ANC, Hunyo 1, 2022
Permanent Court of Arbitration, PRESS RELEASE ON THE SOUTH CHINA SEA ARBITRATION, Hulyo 12, 2016
Permanent Court of Arbitration, South China Sea Arbitral Award, Hulyo 12, 2016
United Nations, UNCLOS, Accessed on Hulyo 10, 2022
Department of Foreign Affairs, STATEMENT: ON THE RETURN OF ILLEGAL CHINESE VESSELS IN JULIAN FELIPE REEF, Hulyo 9, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)