Sinabi ng “nakasindak” na Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi alam ng kanyang administrasyon ang kontrobersyal na “gentlemen’s agreement” umano sa pagitan ni dating pangulong Rodrigo Duterte at ni Pangulong Xi Jinping ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Tinanong si Marcos sa isang panayam noong Abril 10 kung ang kasunduan umano ay “naglagay sa panganib sa pambansang posisyon” at kung ang kanyang hinalinhan ay dapat managot dahil doon.
Sinabi niya:
“Wala ho namang nagsabi sa amin na merong ganoong usapan… [K]ung ang sinasabi sa agreement na ‘yan na kailangan tayong mag-permiso sa ibang bansa para gumalaw sa ating sariling teritoryo, eh, mahirap siguro sund[i]n ang ganoong klaseng agreement.
(No one told us that there was that sort of an agreement… If that agreement states that we have to ask permission from another country to move in our own territory, it would be difficult to follow that kind of an agreement.) I am horrified by the idea that we have compromised through a secret agreement the territory, the sovereignty and the sovereign rights of the Philippines.”
Pinagmulan: RTVMalacañang, Panayam sa Media, Abril 10, 2024, panoorin mula 7:54 hanggang 8:23
Paano naiiba ang soberanya sa mga karapatan sa soberanya?
Ang soberanya ay ang pinakamataas na karapatan ng estado na maglabas ng utos na kailangan sundin sa loob ng teritoryo nito. Ipinaliwanag ng international law expert na si Romel Bagares na kung ang isang estado ay may “buong soberanya,” maaari nitong ipataw ang lahat ng mga batas nito at magsagawa ng mga pagkilos ng pagmamay-ari sa teritoryo nito.
Sa kabilang banda, ang mga karapatan ng soberanya ng mga bansa ay nagbibigay ng ilang karapatan sa kanila tulad ng paggalugad o pag-exploit ng mga yaman ng isang tinukoy na lugar sa dagat “na hindi kabilang ang ibang mga estado.”
Ang Pilipinas ba ay may soberanya o karapatan ng soberanya sa West Philippine Sea?
Ang 2016 arbitral win ng Pilipinas laban sa China ay nagpasiya na ang ilang mga feature sa WPS, tulad ng Ayungin (Second Thomas) Shoal at Panganiban (Mischief) Reef, ay “bahagi ng [exclusive economic zone] at continental shelf ng Pilipinas. ” Ang isang estado ay may mga karapatan ng soberanya, hindi soberanya, sa kanyang EEZ.
Bagama’t ang mga karapatan ng soberanya ay maaaring hindi kasing laki ang saklaw ng soberanya, sinabi ni Bagares na napakahalaga para sa Pilipinas na igiit ang mga naturang karapatan sa WPS, isang bahagi ng South China Sea na pinaniniwalaang mayaman sa biodiversity, langis at natural gas. Parehong inaangkin ng China at Pilipinas ang lugar.
Ang desisyon, gayunpaman, ay hindi sumaklaw sa usapin ng soberanya sa lupaing teritoryo o nililimitahan ang hangganan sa pagitan ng dalawang bansa sa pinagtatalunang lugar.
Naniniwala ang tribunal na “walang legal na batayan” para sa malawakang nine-dash-line claim ng China na sumasaklaw sa halos 80% ng buong South China Sea.
(Basahin ang Primer on the PH-China Arbitration at VERA FILES FACT CHECK: US envoy sa China gumawa ng dalawang maling pahayag tungkol sa 2016 South China Sea arbitral award)
BACKSTORY
Isang araw matapos makapanayam si Marcos, itinanggi ni Duterte na pumasok siya sa anumang “lihim” na kasunduan sa China. Sinabi niya na ang kanyang administrasyon ay pinanatili ang status quo ng hindi pagdadala ng construction supplies para sa sira-sirang barkong BRP Sierra Madre na sumadsad sa Ayungin Shoal.
(Basahin ang Why China blocks bringing of construction supplies to BRP Sierra Madre in Ayungin Shoal)
Iginiit ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na si Mao Ning noong araw ding iyon na “tinalikuran” ng Pilipinas sa pangako nitong “hilahin” ang BRP Sierra Madre, at inulit muli ang pag-angkin nito sa Ayungin.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Permanent Court of Arbitration, PCA Case Nº 2013-19 IN THE MATTER OF THE SOUTH CHINA SEA ARBITRATION – before, July 12, 2016
Permanent Court of Arbitration, PRESS RELEASE, July 12, 2016
News5Everywhere, LIVE | Press conference ni dating pangulong #RodrigoDuterte sa Davao #News5 (April 11, 2024), April 11, 2024
Xinhua, China is committed to managing Ren’ai Jiao issue through dialogue and consultation: FM spokesperson-Xinhua, April 11, 2024
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)