Pinabulaanan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang pahayag ni Palace Spokesperson Harry Roque na humingi siya ng paumanhin kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian dahil sa kanyang pagmumura tungkol sa mga “iligal” na aktibidad ng China sa West Philippine Sea.
PAHAYAG
Sa isang press briefing noong Mayo 4, sinabi ni Roque na ang mga mainit na tweet ni Locsin laban sa China ay hindi sumasalamin sa polisiya ng Pilipinas, at ang Foreign Affairs secretary ay nagpapahayag lamang ng kanyang “personal na opinyon” sa pagpapatupad ng kanyang karapatan sa “kalayaan sa pagnanalita.”
Nang maglaon ang briefing, sinabi ng tagapagsalita:
“I was told by Secretary Locsin that he has personally apologized to the Chinese ambassador in my telephone conversation with him this morning.”
(Sinabi sa akin ni Secretary Locsin na siya ay personal na humingi ng paumanhin sa Chinese ambassador sa pakikipag-usap ko sa kanya sa telepono kaninang umaga.)
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque (naka-archive), Mayo 4, 2021, panoorin mula 37:47 hanggang 38:10
Idinagdag pa niya na si Locsin ay “kusang” humingi ng paumanhin at hindi inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawin ito.
Sa isang tweet noong Mayo 3, sinabi ni Locsin sa China na “get the fuck out” sa teritoryo na inaangkin ng Pilipinas kasunod ng protesta ng gobyerno sa “palaban na mga aksyon” ng Chinese Coast Guard sa Coast Guard ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc (international na pangalan: Scarborough Shoal), pati na rin ang patuloy na “hindi awtorisadong” presensiya ng mga barkong Tsino sa iba pang mga lugar sa loob ng West Philippine Sea.
ANG KATOTOHANAN
Taliwas sa pahayag ni Roque, sinabi ni Locsin na humihingi lamang siya ng paumanhin sa kanyang “kaibigan” at counterpart, kay Chinese Foreign Minister Wang Yi, at “wala nang iba.”
Dalawang oras lamang matapos gawin ni Roque ang pahayag sa kanyang midday media presser, nai-retweet ni Locsin ang Twitter thread ng CNN Philippines, at sinabing:
“Hindi sa Chinese ambassador. Trabaho niya ay tumanggap ng reklamo o insulto. Kay State Counselor Foreign Minister Wang Yi, ang pinakamatalino at personableng diplomat sa buong mundo. Harry understands my hair-trigger temper under repeated provocation (Naiintindihan ni Harry ang aking hair-trigger temper sa paulit-ulit na pagpapagalit).”
Sa isa pang tweet noong araw ding iyon, sinabi ni Locsin sa Ingles: “Hindi ko gagamitin ang huling pagpapagalit bilang dahilan para magalit (ako); ngunit kung si Wang Yi ay sumusunod sa Twitter humihingi ako ng paumanhin kung nasaktan ang kanyang damdamin ngunit sa kanya lamang.”
Sa parehong presser noong Mayo 4, sinabi ni Roque na “inatasan” siya ng pangulo na sabihin sa iba pang mga miyembro ng Gabinete na hindi niya gusto ang paggamit ng pananalitang bastos.
“Sabihin mo nga sa ibang Cabinet na ako lang ang pwedeng magmura; wala nang ibang magmumura lalo na pagdating sa diplomasya,” dagdag ni Roque, sinipi si Duterte.
Samantala, naglabas ang Ministry of Foreign Affairs ng China ng isang Q&A; kung saan sinipi ang sinabi ni Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin na iginiit na ang Scarborough Shoal (na tinukoy ng China bilang Huangyan Island) “ay teritoryo ng China at ang mga katabing katubigan ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng China.” Hinimok niya ang mga opisyal ng Pilipinas na “igalang ang soberanya at hurisdiksiyon ng China” at “ihinto ang mga aksyon” na maaaring magpakomplikado ng sitwasyon sa mga pinagtatalunang teritoryo.
Hindi direktang tinutukoy ang mga pampublikong tweet ni Locsin laban sa presensiya ng China sa loob ng mga pinagtatalunang lugar, nagbabala si Wang na ang “megaphone diplomacy” ay maaaring makapinsala sa tiwala sa isa’t isa sa pagitan ng dalawang gobyerno.
Kasabay nito, sinabi niya na umaasa ang China na “ang isang partikular na indibidwal sa panig ng Pilipinas ay aayusin ang kanyang gawi at kumilos sa mga paraang naaangkop sa kanyang katayuan,” na tila tinutukoy si Locsin.
Bilang tugon, sinabi ni Locsin, sa isang tweet, na habang ang China ay “malaya sabihin kung ano ang nais nito,” ipipilit niya na ang “kabuuan ng West Philippine Sea at Scarborough Shoal ay pagmamay-ari ng Pilipinas hindi lamang sa pamamagitan ng pag-aangkin kung hindi ganap na karapatan at ligal na tagumpay.”
Sa desisyon noong Hulyo 2016 sa South China Sea dispute sa pagitan ng dalawang bansa, hindi tinukoy ng Permanent Court of Arbitration kung aling estado ang may soberanya sa Scarborough Shoal — isang “bato” ayon sa ligal na kahulugan sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea — ngunit itinala ito bilang tradisyonal na lugar ng pangingisda, kung saan kapwa mga mangingisdang Tsino at Pilipino ay dapat may access (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Malacañang wala raw ‘verbal fishing deal’ si Duterte sa China)
Gayunpaman, sinabi ng tribunal na naka-base sa the Hague na, bukod sa iba pa, ang China ay “lumabag sa tungkulin na igalang ang tradisyunal na mga karapatan sa pangingisda ng mga mangingisdang Pilipino sa pamamagitan ng pagharang sa access” sa shoal pagkatapos nang Mayo 2012. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Tatlong bagay na mali si Duterte sa PH-China maritime standoff)
Mga Pinagmulan
Presidential Communications Operations Office, Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque (archived)
PTV YouTube, WATCH: Press briefing with Presidential Spokesperson Harry Roque, May 4, 2021 (archived)
Teodoro Locsin Jr. official Twitter, China, my friend, how politely can I put it? Let me see… O… GET THE FUCK OUT, May 3, 2021 (archived)
Department of Foreign Affairs Philippines official Facebook, Statement on the Illegal Presence of the Chinese Coast Guard in Bajo de Masinloc and their belligerent actions against the Philippine Coast Guard, May 3, 2021 (archived, pg 1 and 2)
Official Gazette of the Philippines, Administrative Order No. 29 s. 2012: Naming the West Philippine Sea of the Republic of the Philippines, Sept. 5, 2012 (archived)
Teodoro Locsin Jr. official Twitter, To my friend Wang Yi only. Nobody else. May 4, 2021 (archived)
Ministry of Foreign Affairs of the People’s Republic of China, The Minister: Wang Yi (archived)
Teodoro Locsin Jr. official Twitter, Hindi sa Chinese ambassador. Trabaho niya ay tumanggap ng reklamo o insulto. Kay State Counselor Foreign Minister Wang Yi… May 4, 2021 (archived)
Teodoro Locsin Jr. official Twitter, I won’t plead the last provocation as an excuse for losing it May 4, 2021 (archived)
Chinese Embassy Manila official Facebook, Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin’s Remarks on China-related Remarks by Philippine High-level Official, May 4, 2021 (archived)
Teodoro Locsin Jr. official Twitter, I don’t deny China’s claim; it is free to say whatever it wants; but I do insist that the entirety of the West Philippine Sea … May 4, 2021 (archived)
Permanent Court of Arbitration, PCA Case No. 2013-19: The South China Sea Arbitration (The Republic of Philippines v. The People’s Republic of China) Award, July 12, 2016
United Nations, United Nations Convention on the Law of the Sea
Permanent Court of Arbitration, Press Release: The South China Sea Arbitration, July 12, 2016
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)