Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Marcoleta gumawa ng dalawang maling pahayag tungkol kay dating SC justice Carpio, West PH Sea arbitral award

Iginiit ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta na nagsampa ng kaso si dating Supreme Court (SC) associate justice Antonio Carpio laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Court of Justice (ICJ) noong Marso 2019. Hindi ito totoo.

By VERA Files

Aug 31, 2021

7-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Iginiit ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta na nagsampa ng kaso si dating Supreme Court (SC) associate justice Antonio Carpio laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Court of Justice (ICJ) noong Marso 2019. Hindi ito totoo.

Si Marcoleta, isang kinatawan ng SAGIP party-list, ay gumawa rin ng mapanlinlang na pahayag nang sabihin niyang ang Pilipinas ay “walang nakuhang remedyo” mula sa 2016 South China Sea arbitral award sa Permanent Court of Arbitration (PCA).

PAHAYAG

Sa episode ng kanyang talk show kasama si AnaKalusugan Rep. Michael “Mike” Defensor na ginawa ng SMNI News Channel noong Agosto 7, tinanong ni Marcoleta kung bakit hindi “hinaharang” ng Facebook (FB) ang impormasyong nagmumula sa political opposition na may kaugnayan sa alitan sa West Philippine Sea.

Pagkatapos, sinabi niya:

“Halimbawa, si Justice Carpio. Maraming hindi nakakaalam … nung 2019 ay gumawa ‘yan ng communication, isinubmit (isinumite) niya sa International Court of … Justice. […] [I]sinumbong niya ang China, si President Xi Jinping na gumawa ng krimen against humanity (laban sa sangkatauhan) sapagkat ang teritoryo daw ay na-violate sa South China Sea.”

Source: AnaKalusugan Partylist Cong. Mike Defensor Official Facebook Page, Point Of Order | Agosto 07, 2021, Agosto 7, 2021, panoorin mula 35:19 hanggang 36:51

Idinagdag ni Marcoleta:

“[P]inipilit nila (oposisyon) na ipamukha sa ating pangulo na hindi niya nae-execute (naipapatupad) ang ipinanalo natin sa arbitral award samantalang hindi nila sinasabi na wala tayong ipinanalo … Wala tayong award na nakuha, walang remedyong nakuha kung ang pag-uusapan ay ang pagbabawal sa Tsina sa mga aktibidad na ginagawa niya sa South China Sea.”

Pinagmulan: panoorin mula 38:14 hanggang 38:45

Kinuwestiyon ng dalawang mambabatas ang sinasabing “censorship” ng FB nang i-block ng technology platform ang FB page ni Defensor dahil sa paglabag nito sa mga pamantayan ng komunidad. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Marcoleta, Defensor iginigiit ang Ivermectin kahit hindi napatunayan na nagbibigay ito proteksiyon at nakagagamot kontra COVID-19)

ANG KATOTOHANAN

Sina dating ombudsman Conchita Carpio-Morales at dating Foreign Affairs secretary Albert del Rosario, hindi si Carpio, ang nagsampa ng kaso noong Marso 15, 2019, sa International Criminal Court (ICC), hindi sa ICJ, para sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na ginawa ng mga opisyal ng China, kabilang si Xi.

Sa isang email noong Agosto 15 sa VERA Files Fact Check, sinabi ni Carpio:

The ‘communication’ to the ICC that President Xi and his high government officials committed a crime against humanity with respect to the destruction to the marine environment in the West Philippine Sea was filed earlier by former Sec. del Rosario and former Ombudswoman Carpio Morales.

(Ang ‘komunikasyon’ sa ICC na si Pangulong Xi at ang kanyang matataas na opisyal ng gobyerno ay gumawa ng krimen laban sa sangkatauhan na may kinalaman sa pagkasira sa kapaligiran ng dagat sa West Philippine Sea ay inihain nina dating Sec. del Rosario at dating Ombudswoman Carpio Morales.)

Pinagmulan: Personal communication (email), The “communication”…, Agosto 15, 2021

Walang opisyal na rekord o ulat ng balita na nagpapakita na si Carpio, na isang associate justice pa noong panahong iyon, ay nagsampa ng reklamo laban sa China o kay Xi sa ICJ, o na naghain siya ng komunikasyon kasama sina Carpio-Morales at Del Rosario sa ICC. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: An Int’l court did NOT scold Carpio on WPS issue)

Ang ICJ ay ang “principal” na hukuman ng United Nations (UN) na nagde-desisyon sa mga legal na hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga estado, tulad ng mga arbitral dispute, alinsunod sa internasyonal na batas. Ang ICC, sa kabilang banda, ay itinatag ng Rome Statute at isang “independiyenteng judicial body na iba sa UN.” Pinangunguluhan nito ang “pinakamabigat” na mga krimen na alalahanin ng international community, katulad ng: mga krimen laban sa sangkatauhan, crimes of aggression, war crimes, at genocide.

Ang impormasyong ipinadala sa parehong mga hukuman ay pinananatiling “confidential” batay sa pagsusuri ng kani-kanilang mga tuntunin sa pamamaraan (tingnan ang ICJ, ICC).

Nagretiro si Carpio sa mataas na hukuman noong Oktubre 2019, pitong buwan matapos maihain ang komunikasyon sa ICC.

Ibinasura ng ICC Office of the Prosecutor ang komunikasyon, na binanggit ang kawalan ng hurisdiksyon sa usapin dahil ang mga krimen umano ay “hindi nangyari sa teritoryo ng Pilipinas, ngunit sa mga lugar sa labas ng teritoryo nito,” partikular sa exclusive economic zone nito (EEZ) at continental shelf. Ngunit binanggit rin nito ang “posibilidad” para sa mga nagpadala na magsumite ng “karagdagang impormasyon bunga ng mga bagong katotohanan at ebidensya.” (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Update sa paunang pagsusuri ng ICC sa giyera kontra droga, ipinaliwanag)

Noong Setyembre 2020, inihayag ni Del Rosario na si Carpio ay sumama sa kanya at kay Carpio-Morales bilang abogado at magsusumite sila ng bagong impormasyon tungkol sa kaso sa prosecutor ng korte.

Sa 2016 arbitral award

Bilang isang partido sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang China ay nakatali pa rin sa 2016 arbitral ruling na itinuring na hindi tama ang nine-dash line claim nito, na sumasakop sa halos buong South China Sea (SCS). (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte is wrong; South China Sea arbitral award binds China, too)

Idineklara din ng award ang ilang maritime features — tulad ng Recto (Reed) Bank at Panganiban (Mischief) Reef — sa loob ng EEZ ng Pilipinas at na ang China ay “lumabag sa mga karapatan ng soberanya ng Pilipinas” sa lugar sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga artipisyal na isla at hindi pagpigil sa mga mangingisdang Tsino na mag-operate sa sona, bukod sa iba pang aktibidad.

Ang EEZ ay isang lugar na “lampas at katabi ng territorial sea” ng isang baybaying bansa, gaya ng Pilipinas, ayon sa depinisyon ng UNCLOS.

Sa ilalim ng Article 58 ng UNCLOS, ang isang estado (sa kasong ito, ang China) ay dapat na “sumusunod sa mga batas at regulasyon” na pinagtibay ng coastal state (ang Pilipinas) sa loob ng EEZ nito. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Pro-Duterte blogger mali-mali ang pahayag tungkol sa West Philippine Sea, arbitral ruling)

Sa mga third-party FB fact checker

Sa takbo ng mga pahayag ni Marcoleta laban sa FB, tahasan niyang sinabi na ang mga third-party fact checker ng platform ang humaharang sa mga page, account, at grupo para sa pagkalat ng maling impormasyon. Hindi ito totoo. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Facebook’s third-party fact-checking program in PH explained)

Ang Facebook ay may tatlong third-party fact-checking partner sa Pilipinas: ang VERA Files Fact Check, Rappler, at AFP Philippines.

 

Mga Pinagmulan

Permanent Court of Arbitration, About Us, Accessed Aug. 19, 2021

AnaKalusugan Partylist Cong. Mike Defensor Official Facebook Page, Point Of Order | August 07, 2021, Aug. 7, 2021

On the 2019 communication

On the arbitral award

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.