Sa kanyang pinakahuling pahayag sa publiko tungkol sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, muli na namang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang maling impormasyon na ang mga bakuna ay gawa mula sa katawan ng tao.
ANG PAHAYAG
Sa pagtatapos ng kanyang naka-rekord na pahayag na ipinalabas noong Agosto 25, tiniyak ni Duterte sa mga Pilipino na “ginagawa ang lahat” ng gobyerno upang matugunan ang krisis sa kalusugan. Pagkatapos sinabi niya:
“Hintayin na lang natin iyong bakuna. Mayroong medisina galing Japan pati itong Remdesivir pati Avigan…ito iyong sa lagnat; hindi ito iyong gamot. Ang gamot iyong vaccine (bakuna). Ang vaccine (bakuna) ay gawa sa katawan ng tao.”
Pinagmulan: RTVMalacanang, WATCH: Pangulong Rodrigo Roa #Duterte Public Address, Agosto 25, 2020, panoorin mula 49:24 hanggang 50:03
ANG KATOTOHANAN
Ang bakuna ay isang produkto na naglalaman ng isang “pinatay” o “humina” na bersyon, o mga bahagi, ng isang bacteria o virus na nagdudulot ng isang partikular na sakit, tulad ng COVID-19. Ginagamit ito upang sanayin ang immune response ng katawan upang makabuo ng antibodies na ginagamit upang labanan ang mga pathogen, ayon sa World Health Organization (WHO). (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Limang mga bagay na kailangan mong malaman tungkol sa COVID-19 antibodies)
Bagaman ang mga bakuna ay hindi gawa mula sa katawan ng tao, may papel pa rin ang mga tao sa pag debelop nito, partikular sa mga clinical trial. Ang mga kandidatong bakuna ay karaniwang sinusubok sa mga kwalipikadong indibidwal upang makita ang kanilang pagiging epektibo at posibleng mga epekto, na karaniwang ginagawa sa tatlong yugto bago ang pag-apruba ng gobyerno. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Sagot sa limang tanong tungkol sa bakuna laban sa COVID-19)
Mayroong hindi bababa sa 173 mga kandidatong bakuna para sa COVID-19, na may 31 nang nasa iba’t ibang yugto ng mga clinical trial noong Agosto 25, ayon sa Draft landscape of COVID-19 candidate vaccines ng WHO.
Kabilang sa frontrunners na nasa stage three ng trials, batay sa dokumento ng WHO, ay ang mga kandidatong bakunang ng University of Oxford na naka-base sa United Kingdom at British-Swedish pharmaceutical firm na Astrazeneca, at mga kumpanyan sa China na Sinovac Biotech Ltd., at Wuhan Institute of Biological Products kasama ang Sinopharm Group.
Ginulat ng Russia ang mundo noong Agosto 11 nang aprubahan nito ang paggamit ng publiko sa COVID-19 vaccine na hindi pa kumpleto ang clinical trials, na sinasabing ito ang “unang” naaprubahan ng mundo laban sa COVID-19.
Tinanggap na ni Duterte ang alok ng Russia na lumahok sa pangatlong pagsubok mula Oktubre 2020 hanggang Marso 2021 at upang mabigayan ng Sputnik vaccine ang Pilipinas.
Gayunpaman, ang bakuna, na dinebelop ng Gamaleya Research Institute of Epidemiology at Microbiology sa Moscow, ay sinalubong ng pag-aalinlangan ng mga eksperto, na nagsabing, bukod sa iba pa, ito ay inirehistro pagkatapos ng wala pang dalawang buwan na pananaliksik. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ang COVID-19 bakuna mula sa Russia, sa konteksto)
Ganito rin ang maling pahayag ni Duterte noong Hulyo nang sinabi niyang ang bakuna ay isang “antibody na gawa sa katawan [ng tao] upang labanan ang impeksyon.” Habang ang dalawa ay magkaugnay, hindi sila pareho. Ang antibodies ay mga protina na nabubuo ng immune system ng katawan kapag na-stimulate ng isang bakuna — na mayroong alinman sa “humina” o pinatay na bersyon ng pathogen, o isang bahagi nito — o sa pamamagitan ng natural na impeksyon. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte urong-sulong tungkol sa banta ng komunista, mali ang pahayag sa mga bakuna)
Sa kanyang unang media briefing tungkol sa krisis sa COVID-19 noong Peb. 3, minaliit ni Duterte ang problema, sinabi sa publiko na ang virus ay “mamamatay nang kusa” kahit na walang bakuna. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte sinabing nagbabala siya tungkol sa ‘nakamamatay’ na COVID-19 mula pa sa simula. Hindi naman.)
Mga Pinagmulan
RTVMalacanang, WATCH: President Rodrigo Roa #Duterte Public Address, Aug. 25, 2020,
Centers for Disease Control and Prevention, Basics of Vaccines, Accessed Aug. 26, 2020
World Health Organization, Q&A; on vaccines, Accessed Aug. 27, 2020
World Health Organization, MODULE 1 – Pre-licensure vaccine safety, Accessed Aug. 27, 2020
Centers for Disease Control and Prevention, Vaccine Testing and Approval Process, Accessed Aug. 2, 020
World Health Organization, Draft landscape of COVID-19 candidate vaccines, Accessed Aug. 27, 2020
Russian vaccine
- Nature.com, https://www.nature.com/articles/d41586-020-02386-2, Aug. 11, 2020
- Science, https://www.sciencemag.org/news/2020/08/russia-s-a…, Aug. 11, 2020
- CNN, Putin says Russia has approved ‘world first’ Covid-19 vaccine. But questions over its safety remain, Aug. 11, 2020
- BBC, Coronavirus: Putin says vaccine has been approved for use, Aug. 11, 2020
- Business Today, First coronavirus vaccine: Why the world doubts Russia’s claim, Aug. 14, 2020
- CNBC, Russia coronavirus vaccine has been researched for six years, Aug, 12, 2020
Official website of Sputnik V, About Us | Official website vaccine against COVID-19 Sputnik V., Accessed Aug. 27, 2020
PTV, WATCH: President Rodrigo Roa #Duterte Public Address, July 7, 2020
Presidential Communications Operations Office, Philippines may acquire COVID-19 vaccine through loan, says President Duterte, Aug. 18, 2020
RTVMalacanang, Briefing on the 2019 Novel Coronavirus – Acute Respiratory Disease 2/3/2020, Feb. 3, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)