Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Marcoleta inulit ang mga maling pahayag tungkol sa ABS-CBN

WHAT WAS CLAIMED

Nagpatakbo at ilegal na nagbenta ang ABS-CBN ng milyon-milyong TV Plus black boxes nang walang permiso mula sa National Telecommunications Commission.

OUR VERDICT

Hindi totoo:

Hindi nilimitahan ng Republic Act 9766, ang batas na nilagdaan noong 1995 na nagbigay sa ABS-CBN ng prangkisa nito, ang paggamit ng network sa nakatalagang frequency nito sa isang channel.

Ang paglulunsad ng TV Plus black box noong 2015 ay simula ng pormal na paglipat ng ABS-CBN sa digital TV broadcasting, ayon sa mandato ng Department of Information and Communications Technology.

By VERA Files

Aug 25, 2022

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa isang privilege speech sa House of Representatives noong Agosto 15, inulit ni SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta ang tatlong maling pahayag tungkol sa broadcasting network na ABS-CBN.

PAHAYAG

Ginawa ni Marcoleta ang talumpati apat na araw matapos ipahayag ng ABS-CBN Corp. at TV5 Network Inc. ang isang partnership kung saan makukuha ng kumpanyang pag-aari ng mga Lopez ang 34.99% ng kabuuang pagboto at natitirang capital stock ng TV5. Sinabi niya:

“Alam ng publiko, Mr. Speaker, na dalawang taon na ang nakararaan, sa aplikasyon para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, itong Kongreso — o ang 17th Congress para maging mas partikular — ay tinanggihan ang aplikasyon para sa pag-renew dahil nagawa ng 17th Congress na maipakita ang ilang mga paglabag na nagbibigay-katwiran sa pagtanggi sa prangkisa. Ano ang mga ito, Mr. Speaker? Naalala ko ang isang mahabang listahan ng mga paglabag … Ang ABS-CBN ay nagpatakbo at ilegal (sic) na nagbenta rin ng milyon-milyong TV Plus black box nang walang pahintulot ng National Telecommunications Commission. Gumawa rin ang ABS-CBN ng mga telecast sa pay-per-view kahit walang awtoridad ng conditional access system ng NTC.”

 

Pinagmulan: House of Representatives official YouTube channel, 19th Congress 1st Regular Session #08, Agosto 15, 2022

Ipinagpatuloy niya:

“Mr. Speaker, may mga tahasang paglabag hindi lamang sa mga tuntunin at batas kundi pati na rin sa Konstitusyon. Sa tingin ko maging ang Konstitusyon ay nilapastangan ng ABS-CBN sa paglabag sa eksklusibong pagmamay-ari at pamamahala ng Pilipino sa mass media sa pamamagitan ng pag-isyu ng tinatawag nating Philippine Depositary receipts … Maaari kong sisihin ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na hindi kumilos sa mga paglabag na ito. Halimbawa, nangako ang BIR noong panahong iyon na titingnan nila ang mga alegasyon ng hindi pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng paggamit ng isang kahina-hinalang subsidiary na tinatawag na Big Dipper para gumana bilang isang tax shield upang maiwasan ang pagbabayad ng mga legal na buwis — bilyon-bilyong buwis sa gobyerno, Mr. Speaker.”

 

Pinagmulan: House of Representatives official YouTube channel, 19th Congress 1st Regular Session #08, Agosto 15, 2022

Isang subsidiary ng ABS-CBN Corp. ang Big Dipper na  humawak sa Media Asset Management System ng kumpanya. Ito ang namahala sa pag-digitize ng mga analog video material, transcription at translation ng network, bukod sa iba pang mga gawain.

KATOTOHANAN

Ang Republic Act 9766, ang batas na nilagdaan noong 1995 na nagbigay sa ABS-CBN ng 25-taong prangkisa, ay hindi naglalaman ng mga probisyon na naglilimita sa paggamit ng broadcast frequency nito sa isang channel.

Nakasaad sa Section 1 ng batas na ang media conglomerate ay pinagkalooban ng prangkisa sa pagsasahimpapawid upang “magtayo, magpatakbo at magpanatili para sa mga layuning pangkomersyo at para sa interes ng publiko, ng mga istasyon ng pagsasahimpapawid sa telebisyon at radyo sa at sa buong Pilipinas, sa pamamagitan ng microwave, satellite o anumang paraan kabilang ang paggamit ng anumang bagong teknolohiya sa mga sistema ng telebisyon at radyo, na may kaukulang mga teknolohikal na auxiliary o pasilidad, espesyal na broadcast at iba pang serbisyo sa pamamahagi ng broadcast at mga relay station.” (Basahin: VERA FILES FACT CHECK: PH walang polisya na ‘one franchise, one channel’)

Inilunsad noong 2015, ang TV Plus black box ay hudyat ng pormal na pagsisimula ng paglipat ng ABS-CBN sa digital signal na nagbo-broadcast ng 13 libreng eksklusibong channel.

Nangyari ang paglipat dalawang taon pagkatapos gumawa ang Department of Information and Communications Technology ng 10-taong migration plan upang tulungan ang mga network sa paglipat mula sa analog patungo sa digital TV. Nangangailangan ito ng paggamit ng mga ISDB-T server o set-top box set at iba pang kagamitan na maaaring makatanggap ng mga digital broadcast transmission.

Ang pahayag ni Marcoleta tungkol sa Philippine Depository Receipts (PDRs) ay mali na itinutumbas ang pag-iisyu ng securities na ito sa pagmamay-ari ng mga dayuhan. Ang mga PDR ay nagbibigay lamang sa mga may hawak nito ng karapatan sa pagbebenta ng mga pinagbabatayan na shares.

Sa panayam sa Early Edition ng ANC noong Pebrero 12, 2020, sinabi ni dating Philippine Stock Exchange president Francis Lim na ang mga PDR ay hindi itinuturing na mga sertipiko o katunayan ng pagmamay-ari sa isang korporasyon.

“Kadalasan, ang ibinibigay nito sa iyo ay ang karapatang magkaroon ng share. Ang share na iyon ay napapailalim sa batas. Halimbawa, kung ikaw ay isang dayuhan, hindi mo ito mako-convert sa isang share ng, halimbawa, ng ABS-CBN Corporation dahil ikaw ay hindi puwedeng magmay-ari ng mga share sa ABS-CBN Corporation,” sabi ni Lim. (Basahin: VERA FILES FACT CHECK: Defensor mali sa paggiit na PDRs ay katumbas ng pagmamay-ari ng mga dayuhan)

Bilang karagdagan, nilinaw nina BIR Region 7–A Director Alvin Galanza at PEZA Director Charito Plaza na ang ABS-CBN ay walang anumang pananagutan sa buwis sa isang pagdinig ng kongreso tungkol sa pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN noong Hulyo 1, 2020.

“Kaugnay ng pagbabayad ng buwis ng Big Dipper, sa palagay ko ay nagbabayad sila ng tamang mga buwis,” sabi ni Galanza sa pagdinig. (Basahin: VERA FILES FACT CHECK: Marcoleta mali sa pagsabing ‘itinago’ ng ABS-CBN ang mga babayarang buwis sa pamamagitan ng subsidiary company na Big Dipper)

Pinabulaanan ng VERA Files Fact Check ang mga katulad na pahayag tungkol sa ABS-CBN mula sa iba pang mga public figure:

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

House of Representatives official YouTube channel, 19th Congress 1st Regular Session #08, Agosto 15, 2022

ABS-CBN Corporate website, ABS-CBN and TV5 announce landmark deal, Agosto 11, 2022

Sa paggamit ng frequency ng ABS-CBN

Sa pagpapalabas ng PDRs

Sa tax liabilities diumano sa pamamagitan ng Big Dipper

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.