Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Remulla na ‘hindi isinara’ ang ABS-CBN nangangailangan ng konteksto

WHAT WAS CLAIMED

Hindi isinara ang ABS-CBN; tinanggihan lamang ng Kongreso ang bagong prangkisa nito.

OUR VERDICT

Kailangan ng konteksto:

Totoong tinanggihan ng House committee on legislative franchises, na kinabibilangan ni Remulla at 69 na iba pang mambabatas, ang pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN noong Hulyo 10, 2020 sa botong 70 – 11. Ngunit nangyari ito dalawang buwan matapos mawala sa ere ang ABS-CBN noong Mayo 5, 2020, isang araw matapos maglabas ang National Telecommunications Commission (NTC) ng cease-and-desist order sa network nang mag-expire ang 25-taong legislative franchise nito.

By VERA Files

Oct 19, 2022

6-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Sa pagtugon sa mga tanong mula sa isang panel ng mga independiyenteng eksperto sa karapatang pantao sa ika-136 na sesyon ng United Nations Human Rights Committee sa Geneva noong Oktubre 11, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na ang ABS-CBN ay “hindi isinara” ngunit tinanggihan lamang na bigyan ng isang bagong prangkisa. Ito ay nangangailangan ng konteksto.

PAHAYAG

“Hindi ipinasara ang ABS-CBN News … ang nangyari dito ay hindi nila natugunan ang mga kinakailangan ng Kongreso para sa pagbibigay ng prangkisa. Ang mga paglabag ng ABS-CBN ay tinukoy ng komite ng kongreso sa pamamagitan ng isang technical working group, at pinagbotohan ng 70-11 … Walang isinarang anumang organisasyon ng media. Nagkaroon lang ng pagtanggi na magbigay ng prangkisa dahil ang prangkisa ay isang pribilehiyo.”

 

Pinagmulan: United Nations TV Geneva, 3920th Meeting, 136th Session, Human Rights Committee (CCPR), Oktubre 11, 2022, panoorin mula 02:30:19 hanggang 02:31:22

ANG KATOTOHANAN

Totoong tinanggihan ng House Committee on Legislative Franchises, na kinabibilangan ni Remulla at 69 na iba pang mambabatas, ang pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN noong Hulyo 10, 2020 sa botong 70 – 11. Ngunit nangyari ito dalawang buwan matapos mawala sa ere ang ABS-CBN noong Mayo 5, 2020, isang araw matapos maglabas ang National Telecommunications Commission (NTC) ng cease-and-desist order sa network nang mag-expire ang 25-taong legislative franchise nito.

Dahil walang prangkisa, napilitan ang network na sumubok ng iba pang mga platform na hindi nangangailangan ng lisensya ng gobyerno tulad ng pag-stream ng mga palabas at programa ng balita nito sa YouTube, pakikipag-partner sa ZOE Broadcasting Network, Inc. upang maipalabas ang mga programa nito sa ZOE TV Channel 11 noong 2020, at pagpapalabas ng anim na entertainment shows sa TV5 Network, Inc. sa pamamagitan ng deal noong 2021.

Sinabi ng network sa isang pahayag noong Hulyo 2020 na kailangan nitong ihinto ang operasyon ng ilan sa mga negosyo nito at gawin ang “mahirap at masakit na desisyon” na tanggalin ang humigit-kumulang 11,000 manggagawa. (Basahin: VERA FILES FACT SHEET: Ano ang susunod para sa ABS-CBN matapos mawala ang prangkisa?)

Sa dalawang araw na pagpupulong ng UN Human Rights Committee, gumawa si Remulla ng dalawa pang hindi tumpak na tugon. Noong Oktubre 10, ang kanyang pahayag na ang red-tagging ay isang paraan lamang ng pagpuna sa mga kritiko ng gobyerno ay nakaliligaw. Noong Oktubre 11, hindi niya sinama ang isang mahalagang konteksto sa paggigiit na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Pagbibigay-katwiran ng Justice Secretary sa red-tagging ng gobyerno nakaliligaw at VERA FILES FACT CHECK: Sa pangalawang pagkakataon, pahayag ng Justice secretary sa hurisdiksyon ng ICC sa PH nangangailangan ng konteksto)

BACKSTORY

Dalawang taon matapos itong pagkaitan ng bagong prangkisa, iginawad ng NTC ang dating airwaves ng ABS-CBN sa Advanced Media Broadcasting System, isang kumpanya ng media na pag-aari ng business tycoon na si Manny Villar, isang kaalyado sa pulitika ni dating pangulong Rodrigo Duterte at kasalukuyang Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Noong Agosto ng taong ito, nagplano ang ABS-CBN ng isang “landmark” deal para makuha ang 34.99% ng kabuuang voting at outstanding capital stock ng TV5 Network, Inc. sa halagang P2.16 bilyon. Gayunpaman, nagkasundo ang dalawang partido na wakasan ang kasunduan wala pang isang buwan pagkaraan ng pahayag ng NTC at mga mambabatas ng mga alalahanin tungkol sa partnership.

Dahil sa mga ulat na ang network ay pumirma ng mga kasunduan sa mga cable network na Discovery Asia at Asian Food Network para sa probisyon ng nilalaman, iminungkahi ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., vice chair ng legislative franchises committee, noong Oktubre 18 na muling buksan ang imbestigasyon sa ABS-CBN para alamin kung nakagawa na ito ng pagtatama sa mga sinasabing paglabag o pag-iwas sa pagsunod sa batas.

Basahin ang mga katulad na pahayag tungkol sa ABS-CBN mula sa iba pang mga public figure na pinabulaanan ng VERA Files Fact Check:

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

United Nations TV Geneva, 3920th Meeting, 136th Session, Human Rights Committee (CCPR), Oktubre 10, 2022

Sa mga boto ng House laban sa franchise renewal

Sa pagkawala sa ere ng ABS-CBN  

Sa ibang platforms ng ABS-CBN 

ABS-CBN News, READ: ABS-CBN statement on layoff of workers, Hulyo 15, 2020

Sa Advanced Media Broadcasting System

Sa terminated deal sa TV5 Network

Sa panukala ni Cavite Rep. Barzaga

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.